Dekanong Makabayan

Matalas na desisyon ukol sa CPP-NPA


Ang paglikha ng CPP sa NPA bilang sandata ng masa laban sa dayuhan at pyudal na dominasyon ay patunay ng kanilang pagsulong sa karahasan upang maabot ang kanilang mithiin. Ngunit sa kabila nito, nilinaw ng Korte na hindi katumbas ng paraan upang makamit ang layunin ang layunin mismo. 

Hatol ng Korte: CPP-NPA, hindi terorista

Nakita natin ang resolusyon ng proscription petition laban sa Communist Party of the Philippines (CPP)  at New People’s Army (NPA) ilang linggo ang nakalipas. Sa kabila ng pagkuwestiyon sa desisyon ni Judge Marlo Magdoza-Malagar tungkol sa kaso, bibigyan ito ng pagpuri dahil makasaysayan at matalas ito. Tama siya at siguradong ganito rin ang naging desisyon ng Korte Suprema kung inapela ang kaso. Base ito sa analysis na isinulat ko kasama si Ally Munda.

Noong ika-21 ng Pebrero 2018, isinumite ang petition ng Department of Justice laban sa CPP-NPA. Noon, naaayon na batas rito ang R.A. 9372, kilala rin bilang Human Security Act of 2007 (HSA). Kahit nabago na ang HSA noong 2020 at napalitan ng R.A. 11479 na kilala ring Anti-Terrorism Act ng 2020 (ATA), nanatili ang jurisdiction sa korte dahil sa clause na nagsasabing nanatiling epektibo ang mga pending action sa ilalim ng HSA. 

Hinihiling ng petition ang proscription o pagtawag sa CPP-NPA bilang teroristang organisasyon dahil sa kanilang “terrorist acts” gaya ng: pangingikil ng pera mula sa revolutionary taxes;  pananambang sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagdudulot ng injury at pagkamatay; pananakit sa mga sibilyan; pag-atake sa mga negosyo na nagdudulot ng pagkasira ng ari-arian at pagkuha ng mga armas; at, armadong pag-atake sa mga istasyon ng PNP.

Sinabi sa Section 3 ng HSA na ang mga inilista ay “terrorist acts” na maaaring parusahan sa ilalim ng   Revised Penal Code. Kaya naman nakasalalay sa Korte na tukuyin kung una, wasto ang ebidensya ng petitioner para patunayang ginawa ng CPP-NPA ang diumanong “terrorist acts”, at pangalawa, kung mapatunayang totoo ang mga paratang sa CPP-NPA, kailangang alamin kung sapat ito para kilalanin bilang “terrorist acts” sa ilalim ng HSA. Ito ang magdudulot ng proscription ng CPP-NPA bilang teroristang organisasyon.

Mahalaga para sa ordinaryong mamamayan na maintindihan ang terorismo. Kahit na tila malinaw kung ano ang terorismo, hindi pa ito nabibigyan ng kongkretong kahulugan ng Pilipinas o ng international community. Bago ang pagsasabatas ng HSA, isang beses pa lang lumabas ang salitang “terorismo” sa batas ng bansa sa ilalim ng Presidential Decree (PD) No.1835 ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong Batas Militar. Sinasabi rito na ginamit ang terorismo bilang paraan upang patalsikin ang pamahalaan. Ang kasunod na Executive Order (EO) No. 167 naman ni Pangulong Corazon Aquino noong 1985 ay pinaparusahan din ang terorismo dahil sa subersibong kalikasan nito. Ito rin ang batas na nagbawal sa CPP. Ngunit hindi binigyan ng dalawang batas ng malinaw at kongkretong kahulugan ang “acts of terrorism.”

Malinaw ang sentro ng petition: alamin kung binuo ang CPP-NPA upang magpalaganap ng terorismo, o kung hindi, alamin kung ang kanilang mga aksyon ay ginawa upang puwersahin ang pamahalaan na sumuko sa pamumunong labag sa batas.

Binuo ba ang CPP-NPA upang magpalaganap ng terorismo? Bumaling ang Korte sa maaaring depinisyon ng terorismo base sa HSA at mula rito, nakalap ang sumusunod: kinikilala ang terorismo bilang paglikha ng malawakang takot at pagkagitla sa mga mamamayan upang pwersahin ang pamahalaan na sumuko sa pamumunong labag sa batas.

Kailangang sagutin ng Korte ang dahilan sa likod ng paggawa ng CPP-NPA, pati na kung papasa bilang “terrorist acts” ang mga pagkilos ng mga miyembro ng organisasyon.

Kailangang sagutin ng Korte ang dahilan sa likod ng paggawa ng CPP-NPA, pati na kung papasa bilang “terrorist acts” ang mga pagkilos ng mga miyembro ng organisasyon.

Ukol sa layunin ng organisasyon, tiningnan ng Korte ang mga dokumentong Constitution ng CPP, “The Program for a People’s Democratic Revolution” at “Our Specific Program.” Ang pangunahing tunguhin ng CPP ay makamit ang People’s Democratic Revolution na nakasuma sa 10-Point Program nito. Kung titingnan ang mga programa nito bilang layunin ng CPP-NPA, malinaw na hindi ito nilikha upang magpalaganap ng terorismo. 

Sa kabila nito, sinabi ng Korte na ang pagkuwestiyon na nasa Petition ay maaaring mula sa paggamit ng CPP-NPA sa armadong pakikibaka at karahasan upang makamit ang kanilang ideolohikal na layunin. Ang paglikha ng CPP sa NPA bilang sandata ng masa laban sa dayuhan at pyudal na dominasyon ay patunay ng kanilang pagsulong sa karahasan upang maabot ang kanilang mithiin. Ngunit sa kabila nito, nilinaw ng Korte na hindi katumbas ng paraan upang makamit ang layunin ang layunin mismo. 

Binanggit din ni Judge Malagar na hindi naniniwala ang mga eksperto na parehas ang terorismo at pakikibaka ng mga gerilya. 

Hindi maikakaila ang kahalagahan ng desisyon na ito dahil sa kamakailang pagpalit ng ATA sa HSA. 

Sa Pilipinas, itinuturing na magkaiba ang “political crimes” at “common crimes”. Ang “krimen” na pinapalala ng politikal na adyenda gaya ng paghihimagsik ay hindi na binibilang na “common” dahil sa politikal na layunin nito. Halimbawa, ang pagpatay ay hindi na common crime gaya ng homicide o murder kung ginawa ito upang itulak ang paghihimagsik. Ang pagpatay nang dahil sa pahihimaksik ay hindi na lang pagpatay kundi kasangkapan ng paghihimagsik. Dahil dito, puwede na lamang usigin ang akusado para sa political crime, ang paghihimagsik. 

Inaalis ng red-tagging ang mahalagang pagkakaiba na ito dahil pinagsasama nito ang mga aktibistang organisasyon at mga organisasyong gumagamit ng karahasan upang patalsikin ang pamahalaan. 

Maski nga ang mga Hukom ay hindi ligtas sa red-tagging gaya ng nakita nating ginawa ni Lorraine Badoy kay Malagar.

Likas sa CPP-NPA ang pagiging politikal na organisasyong may pulitikal na layunin. May ideolohiya ang organisasyong ito. Ngunit agad bang sinasabi ng ideolohiya nila na handa silang magpalaganap ng terorismo? Hindi ba’t panghihimasok ito sa freedom of association ng mga hayag na organisasyon na nagpapahayag ng kanilang politikal na layunin nang naaayon sa batas?

Noong 1964, nakita ng Korte Suprema ang panganib ng red-tagging at sinabi sa kaso na People v. Amado V. Hernandez na ang paniniwala sa ideolohiya ng komunismo ay hindi kapantay ng aktuwal na pagpapatalsik sa pamahalaan. Sinabi ng Korte na hindi katumbas ng pagtuturo at paghahanda para sa rebolusyon ang rebolusyon mismo. 

Malawak ang siwang na namamagitan sa gitna ng mga ligal na organisasyon na may parehas na mithiin sa mga Komunistang grupo na handang gumamit ng dahas. Patuloy ang pag-iral ng siwang na ito sa kabila ng pinipiling pagtawid dito ng ilang mga indibiduwal. Hindi binabalak ng mga ideya na magdulot ng pagkamatay o panganib sa kahit sino. Kung walang konkretong aksyon, paano papanagutin ang isang ideya?

Kung ihahambing sa HSA, ang ATA ay mapanganib. Sa HSA, maaari lang tawaging terorista ang isang organisasyon sa pamamagitan ng judicial proscription. Sa ATA, binibigyan din ng kakayahan ang Executive branch, sa pamamagitan ng Anti-Terrorism Council (ATC), na magdeklara ng mga teroristang grupo ukol sa United Nations Security Council.

Kung ihahambing sa HSA, ang ATA ay mapanganib. Sa HSA, maaari lang tawaging terorista ang isang organisasyon sa pamamagitan ng judicial proscription. Sa ATA, binibigyan din ng kakayahan ang Executive branch, sa pamamagitan ng Anti-Terrorism Council (ATC), na magdeklara ng mga teroristang grupo ukol sa United Nations Security Council.

Mas malawak pa ang kapangyarihan ng ATC ngunit binawasan ito ng Korte Suprema dahil unconstitutional daw ang kakayahan ng ATC na tawaging terorista ang isang grupo ayon sa kahilingan ng ibang bansa o ayon sa desisyon ng United Nations Security Council. Ngunit sa kabila nito, mapanganib pa rin ang pagpapapalawak ng kapangyarihan ng Executive branch kasabay ang ibang “innovations” ng ATA na tatalakayin din natin. 

Una, kahit hindi tawagin ng mga korte ang CPP-NPA bilang teroristang grupo, may kakayahan ang ATC sa ilalim ng Section 25 sa ATA na italaga ang grupo bilang terorista. Ang safeguard dito, ayon kay retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, ay hindi maaaring magbigay ng arrest order ang ATC bukod sa konteksto ng warrantless arrests. Ang pag-aresto at detention ay nasa kamay pa rin ng judiciary ayon kay Carpio.

Pangalawa, pinapayagan sa ATA ang pagtawag sa indibidwal bilang terorista kung gawin nila ang mga aksyong nakalista sa ilalim ng Section 4 ng ATA. Bukod pa rito, kahit na hindi gumawa ng “terrorist act” ang isang indibidwal, ang membership at recruitment sa organisasyon na tinatawag na terorista ay maaaring magresulta sa parusa.

Mapanganib na katumbas ng terorismo ang membership ng indibidwal sa kabila ng hindi paggawa ng “terrorist act”. Ang pagkakaiba ng aktibista at terorista ay lumalabo dahil walang pumipigil sa pamahalaang maglatag ng mga akusasyon.

Sa mabuting palad, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Section ng ATA dahil masyado itong malawak at nilalabag nito ang karapatang magpahayag o freeddom of expression sa pagsang-ayon na parehas ang aktibismo at terorismo.

Malinaw na nakatayo tayo sa bingit ng madulas na dalisdis. May pagkakaiba sa pagitan ng mga aktibista, mga politikal na rebelde, at mga terorista na hindi dapat mabura dahil maaari itong magdulot ng kawalan ng ating mga kalayaan at karapatang magpahayag, mag-organisa, magtipon, at magsabi ng katotohanan.