Editoryal FEATURED

Nasaan ang Pangulo?


“Wala sa Japan,” ito ang sagot ng Malakanyang sa trending na tanong “Nasaan ang Pangulo?” sa kasagsagan ng mga pagbaha at landslide dulot ng bagyong Paeng. Hindi sinabi kung nasaan. Hindi pisikal na dumalo si Marcos Jr. sa pulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) noong Oktubre 29. Nangulo siya sa pamamagitan […]

President Ferdinand Marcos Jr in front of a satellite image of typhoon Paeng and flood in Metro Manila

“Wala sa Japan,” ito ang sagot ng Malakanyang sa trending na tanong “Nasaan ang Pangulo?” sa kasagsagan ng mga pagbaha at landslide dulot ng bagyong Paeng. Hindi sinabi kung nasaan.

Hindi pisikal na dumalo si Marcos Jr. sa pulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) noong Oktubre 29. Nangulo siya sa pamamagitan ng teleconference.

Hindi niya sinunod ang payo ng NDRMMC na ilagay ang buong bansa sa state of calamity sa loob ng isang taon. Idineklara lamang ito ni Marcos Jr. sa apat na rehiyon: Calabarzon, Bicol, Western Visayas, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Hindi isang taon. Anim na buwan lamang. Pwede pang paigsiin.

Niyanig ng magnitude 7 na lindol ang Hilagang Luzon noong Hulyo.  Sinundan pa ito nitong Oktubre.

Sa paglindol, bumagsak ang kisame ng ospital sa Batac, Ilocos Norte, bayan ng mga Marcos. Mahigit 35,000 na bahay, paaralan, pagamutan at iba pang pasilidad ang napinsala. Ang tweet ng Pangulo: “Iwasan ang matataas na gusali.”  Ang anunsyo ng Malakanyang, bibisita siya kapag ligtas na.

Umabot sa ?1.88 bilyon ang pinsala sa unang lindol ng taon.

Samantala, mahigit isang bilyong piso ang pinsala sa bagyong Florita noong Agosto at tatlong bilyong piso sa bagyong Karding noong Setyembre, Apektado ang daang libong ektaryang pananim.

Halos apat na milyong mamamayan ang sinalanta ng bagyong Paeng nitong huli. Umabot sa P2.44 B ang pagkasira sa agrikultura at P2.83 B sa imprastraktura. May mga pamilyang naubos na ang lahat. Umabot sa 150 ang patay.

Sabi ng Department of Budget and Management (DBM), may natitira pang P6.8 B sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) ngayong 2022. May minanang P14.7 B na calamity fund si Marcos mula sa nakaraang administrasyon.

Bumisita si Marcos Jr. sa Cavite at Maguindanao. Hindi na hinintay ng Bangsa Moro ang anunsyo ng Malakanyang.  Nagdeklara na ito ng sariling “state of calamity”.

Paano na ang mga nasalanta?  Ang sagot ng pamahalaan: puwedeng umutang.  Sa Pag-IBIG, SSS, GSIS at Department of Agriculture.  Pauutangin ang manggagawa at kawani sa perang hinuhulugan din nila.  Paano naman uutang ang magsasaka na matagal nang baon sa utang?

Pinakamalaking “state of calamity” sa bansa ang walang malasakit na pamamahala.

Kapag walang-wala na ang mamamayan, bumabagyo ang protesta, lumilindol ang paglaban.  Hindi na sila magtatanong: “Nasaan?”