Dekanong Makabayan FEATURED

Paghahanap ng konsensus sa krisis ng klima


Lumipas na ang unang linggo ng ika-27 Conference of the Parties (COP 27) ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC). Inaantay ng mundo ang mga desisyon mula rito. Lagi’t lagi, malaking hamon ang maghanap ng konsensus para sa mga isyung nag-uugat sa tunggalian. Sa Sharm El-Sheikh, Egypt, pinakamahalaga para sa mga bansa gaya ng Pilipinas na pinakaapektado ng climate change ang paglikha ng loss and damage mechanism.

Protest during COP27

Lumipas na ang unang linggo ng ika-27 Conference of the Parties (COP 27) ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC). Inaantay ng mundo ang mga desisyon mula rito. Lagi’t lagi, malaking hamon ang maghanap ng konsensus para sa mga isyung nag-uugat sa tunggalian. Sa Sharm El-Sheikh, Egypt, pinakamahalaga para sa mga bansa gaya ng Pilipinas na pinakaapektado ng climate change ang paglikha ng loss and damage mechanism.

Ilang taon na ang nakalipas, isinulat ko, kasama ni Niner Guiao—kasama ko sa University of the Philippines Law Center, sa University of Makati bilang environmental law  professor, at mula sa Parabukas—na walang tiyak na kahulugan ang ‘consensus’ sa mga probisyon ng multilateral environmental agreements. Isang nagbibigay-kahulugan dito ang 1982 Convention on the Law of the Sea (Unclos) mula sa United Nations na nagsasabing ang konsensus ay, “the absence of any formal objection.” Ayon naman sa Merriam-Webster online dictionary, ang konsensus ay, “general agreement” o “judgment arrived at by most of those concerned.”

Sa mga proseso ng Multilateral Environmental Agreement (MEA) kabilang na ang UNFCCC, tumutukoy ang ‘consensus’ sa kahulugang nasa Unclos na nagsasabing ito ang kawalan ng pagtutol mula sa mga partido. Hindi kailangan bumoto basta’t walang tumutol mula sa mga kapulong. Hinaharang lang ang konsensus kapag may pagtutol, pero kadalasan, sinusubukan nang lutasin ang mga tunggalian bago ito ilapag sa plenaryo. Malimit na nagkakaroon ng break sa pagpupulong upang hayaan ang mga partido na magtipon at pag-usapan ang mga tunggalian.

Pormal ang climate change regime; mayroon itong legally binding commitments na parehong kawangis at natatangi kung ikukumpara sa ibang MEAs. Lumawak at lumaki ito matapos itayo ang UNFCCC. Malamang, sa lahat ng multilateral agreements, ang annual na COP ang may pinakamaraming dumadalo. Halimbawa, noong 2009, umabot sa 45,000 na katao ang nagparehistro para sa ika-15 na COP sa Copenhagen. Ito ang COP na may pinakamataas na bilang ng dumalo. Dito sa Sharm, halos 30,000 ang nagparehistro. Sa parehong COP, mula sa mga gobyerno ang sangkapat habang ang natitira ay observers mula sa civil society, development community, business groups, science organizations, indigenous peoples, atbp.

Ngunit dapat nating tandaan na sa ilalim ng maraming mga tratado at procedures, ang mga taong sinusubukang katawanin ang interests ng kanilang constituencies ang pundasyon ng rehimeng ito. Sa mas madaling salita, nakikipagnegosasyon ang mga kasama para sa makabubuti sa kanilang bansa. At ang proseso ng negotiation ay nakaangkla sa relasyon ng mga delegasyon mula sa iba’t ibang bansa, at sa relasyon ng mga delegasyon sa kanilang constituencies.

Lumilikha ng respeto ang pagiging tapat at tuwiran. Hindi dapat tratuhin ang UNFCCC negotiations bilang isang laro ng palamangan. Sa kabila ng mga pagkakaiba, isang layunin ang nagbubuklod sa lahat—isang layuning makabubuti para sa lahat ng kabilang na partido. Dapat igalang ang lahat. Dapat ding ipagpalagay na taos-puso ang lahat dahil makatutulong ito sa mga partido na magkasundo.

Mahalaga rin ang trust-building para sa magandang resulta. Ngayong papatapos na ang mga negosasyon at matindi na ang tensyon, makatutulong ang tiwalang nilikha ng mga partido upang marating ang pinakamabuting resulta. Kasinghalaga rin ng trust-building ang transparency. Kailangang ipakita ng mga pamahalaan ang kanilang mga proseso habang pinakikinggan din ang kanilang constituency mula sa kani-kanilang bansa at dito sa Sharm El-Sheikh.

Masaya akong transparent at magalang ang Philippine Delegation ngayong COP 27 sa pamumuno ni Environment Secretary Toni Yulo-Loyzaga sa kanilang pakikipag-usap sa aming mula sa civil society dito sa Egypt. Naging mabuti rin ang pagpapadaloy ni Secretary Yulo-Loyzaga sa major climate finance meeting noong nakaraang Miyerkules. Kasama niya ang kanyang German counterpart, ang special representative ng Germany para sa international climate policy na si Jennifer Morgan. Matagal ko nang kaibigan at katrabaho si Loyzaga at Morgan. Ipinagmamalaki kong makita sila bilang mga lider sa COP 27. 

Gaya ng sinabi ko sa huli kong kolumn, pang-23 na COP ko na ito. Mahigit sa 30 taon ko nang tinatrabaho ang isyung ito simula nang piliin ko ang climate change para sa aking doctoral dissertation sa Yale Law School noong 1991. Marami nang nagbago simula noon. Lumala na ang problema at nakarating na tayo sa emergency at crisis levels. Marami ring nagaganap at ginagawa sa mga pavillon dito—pero hindi pa rin sila sapat at nabibigo pa rin tayo. 

Pero may pag-asa ako. Dahil libu-libong aktibistang kabataan ang dumalo bilang delegates. Gaya ng ginagawa ko bawat COP, nakipagpulong ako sa kabataang Pilipino na nandito sa COP 27 at binigyan nila ako ng inspirasyon upang ipagpatuloy itong laban na ito hangga’t hindi na kaya ng katawan ko. Intergenerational ang gawaing ito at maligaya akong makita na magiging mas mabuti ang trabaho ng susunod na henerasyon patungo sa climate justice.