Rancho o Retoke: Pagkain sa Manila City Jail
Ang pagkain sa kulungan ay kaunti, hindi masarap at masustansya. Dinidiskartehan na lang ito para maging katanggap-tanggap kainin.
“Rancho” ang tawag sa pagkaing ibinibigay sa mga persons deprived of liberty (PDL) sa City Jail. Tinatayang P70 lang kada araw ang badyet ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa bawat PDL. Kadalasan ang Rancho ay hindi nakakabusog at hindi masustansya. Maraming PDL ang nagkakasakit tulad ng pagtatae, panghihina ng resistensya, at may tinatawag na “plokplok” na epekto ng kawalan ng potassium sa katawan at nagududulot ng pagkasira ng mga ngipin dahil sa kung anu-anong dinadagdag para magkalasa ang pagkain.
Mga karaniwang Rancho:
Sa almusal, may champorado kapag biyernes at linggo, na kapag maraming nakain ay puwedeng magdulot ng sakit ng tiyan o pagtatae. Lugaw tuwing martes at sabado, na puro sabaw at sobrang alat. Ganun din ang sopas tuwing lunes, masabaw at sobrang alat o mabetsin (macaroni at carrots lang ang sahog) at may kanin. Paborito ng mga PDL ang ginataang mais na minsan hinahaluan pa ng bilu-bilo, kaunting gulaman. Masarap ito minsan kung may carrots. May dagdag na tinapay kapag linggo pero para lang sa mga senior at may kapansanan.
Tanghalian ang pinakahihintay ngmga PDL. Ang ulam na manok, paborito ng mga PDL at madalas, nagkakaubusan pa. Ang luto nito ay tulad ng tinola pero sobrang alat at mabetsin. Ang sahog ay papaya o sayote, kadalasan ay mas maraming sabaw. Minsan ay may naliligaw na carrots. Inaabangan din ang adobong manok na may kamote o carrots. Tulad ng iba pang ulam, ang sinigang na manok ay sobrang alat at mabetsin. Inihahain ang manok tuwing lunes, huwebes, at sabado.
Pangalawang bestseller ang meatballs tuwing martes at biyernes. Dalawa lang ang luto nito, sweet and sour, na kaunti o walang sabaw, at meatballs na may miswa, na maraming sabaw pero kaunting miswa.
Ang bilog na salami ay matamis at maharina. Pinag-aagawan ito tuwing miyerkules at linggo.
Sa hapunan, papaya na sinabawan lang na walang ibang halo, kalabasa na lumalangoy sa sabaw at may kaunting sitaw, sayote na lutong chopsuey daw pero puro din sabaw, pechay na maraming sabaw at madalas ay hindi gaanong luto, at pinakbet na sinabawan.
Paborito ng mga PDL ang monggo at togue. Sobrang daming sabaw ng monggo at sobrang kaunti naman ng togue. Ang sayote ay tuwing lunes, papaya sa martes, monggo sa miyerkues, kalabasa sa huwebes, pechay sa biyernes, at togue sa linggo.
Mas malala pa sa NFA rice ang kanin. Hindi nakakabusog, hindi masustansiya, buhaghag at malata. Isang takal lang ang ibinibigay sa bawat PDL. Madalas ang kanin ay may mga batu-bato at kulay kahoy, na kapag tumagal ay nangingitim.
Minsan may mga binibigay na tinapay na expired o kinabukasan ay inaamag na.
Retoke
Kadalasan ay may ginagawang “Retoke” ang mga PDL para maging masarap ang kakainin. Ibig-sabihin, niluluto ulit ang Rancho. Halimbawa, ang kanin ay sinasangag.
Kapag manok, ang retoke ay pagpiprito, pag-aadobo na may nilagang itlog, nilalagyan ng instant gata mix, sinigang mix, chicken cubes, o ginagawang lechong paksiw (nilalagyan ng sarsa).
Ang meatballs naman ay ina-adobo o piniprito at ginagawang burger patty na nilalagyan ng itlog (torta). Ang salami, na binibigay lang na steamed ay nireretoke sa pagprito, pag-adobo o pagtorta.
Ang mga luto sa hapunan na masabaw, maalat, at mabetsin ay hinahaluan ng instant noodles para sumarap at magmukhang ulam. Ang togue ay nagiging torta, bukod sa iba na ina-adobo ito. Kahit ang sayote ay tinotorta. Ina-adobo din ang kalabasa, samantalang ang papaya ay nilalagyan ng instant gata.
Kailangang may kasama ka sa pagreretoke. Hati-hati kayo sa gastos sa pagluto at pambili ng bawang, sibuyas, magic sarap, toyo, suka, instant gata, sinigang mix, itlog at iba pa.
Mayroon ding hindi kinukuha ang kanilang Rancho dahil ang kumakain sa canteen ng BJMP o bumibili ng lutong ulam, na napakamahal at paulit-ulit lang ang luto sa loob ng isang linggo o isang buong buwan.
Para sa mga PDL na may kakayahang magbayad, puwedeng mag-order ng gustong ulam at ipapasabay sa canteen. Pero doble o triple ang patong sa presyo. Pero karamihan ng mga PDL, sa Rancho umaasa.
Ang Rancho sa umaga ay 5:00, tanghali ay 10:00, at hapunan ay 4:00 p.m.
Hiwalay ang ulam ng mga kapatid nating Muslim. Tuyo ang Rancho nila imbes na meatballs o salami. May tig-dalawang maliit na pirasong hilaw na tuyo sila. Dahil kulang ito, ibinebenta nila ito para makabili ng de lata o noodles.
Dalaw/Paabot
Dalawang beses lang sa isang linggo ang pag-dalaw. Ang dalaw ay inaasahang may dalang paboritong pagkain ng PDL. Mainam kung ito ay regular, pero kadalasan ay hindi, at limitado ang puwedeng dumalaw at pagkain na maaaring ipasok. Ang regulasyon sa dalaw ay tatlong katao lang at ang standard sa pagkain ay isang lalagyan ng kanin at dalawang lalagyan ng ulam.
Karamihan sa mga PDL ay walang dalaw o madalang dalawin kaya nga may kataga na “Ang dalaw ay kumukupas, pero ang Rancho ay hindi.” Noong pandemya ay walang dalaw kaya umasa ang kalakhan sa Rancho. “Paabot” lang ng pagkain ang pinayagan. Kaso limitado lang ito. Kaya marami ang nagkakasakit at humihina ang resistensya.
Panawagan
Dapat dagdagan ang badyet para sa pagkain ng mga PDL. Dapat ding gawing masustansya ang mga Rancho. Hindi lahat ng nakakulong ay kriminal. Marami ay biktima ng mabagal na sistema ng paglilitis sa bansa. At kahit nahatulan na ng batas, hindi ibig sabihin ay dapat alisin na rin ang dignidad bilang tao.