Dekanong Makabayan

Kabataang Bayani ng Kalikasan


Kapag ginugunita natin ang mga bayani, madalas nating isipin ang tanyag na pangalan, ang nakaraang rebolusyon, ang martir, at ang mga parangal. Ngunit hindi naman lahat ng bayani ay kilala, kahit ang environmental heroes. Naging malinaw sa akin ito noong ika-27 Conference of the Parties ngayong buwan sa Sharm El-Sheikh, Egypt.

Youth carry a streamer that says Youth unite for climate justice during the COP27

Ipinagdiwang nitong ika-30 ng Nobyembre ang Bonifacio Day. Inalala si Andres Bonifacio na kinikilalang “Ama ng Rebolusyong Pilipino” bilang tagapagtatag at pinuno ng Katipunan. Kasama ang ibang Katipunero, lumaban siya para sa kalayaan ng Pilipinas. Sa kabila ng mga komplikasyon sa likod ng kanyang pamumuno at paglipas, itinuturing siyang pambansang bayani. Sa panahon ng panlulupig, lumaban siya. Sa katunayan, bago tawaging Bonifacio Day ang November 30, ginamit na ito upang ipagdiwang ang lahat ng mga pambansang bayani.

Sa palagay ko, maraming bayani sa iba’t ibang larangan na hindi naman palaging mula sa nakaraan. Para sa akin, bilang environmental lawyer, marami akong kinikilala na climate justice heroes. Isang pangunahing halimbawa ang indigenous peoples sa Pilipinas. Environmental defenders na sila bago pa maimbento ang termino. Sa kabila ng pagbabanta sa kanilang mga komunidad, patuloy nilang pinoprotektahan ang kanilang lupang ninuno at kultura. Hindi madali ang kanilang gawain; marami na ang naging martir dahil dito. Isa sa kanila si Macli-ing Dulag mula sa Butbut tribe ng Cordillera na naging pinuno ng oposisyon laban sa Chico River Dam Project noong panahon ni Marcos Sr. Binaril siya ng militar dahil sa kanyang tapang.

Isa pang kinikilala ko bilang bayani ng kalikasan si Chad Booc, na naging abogado ako. Bago ang kanyang pagkamatay, isa siyang volunteer teacher sa Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development, Inc (Alcadev). Sa kabila ng mga atake, nagpatuloy siya, kasama ang mga Lumad na estudyante. Hindi lamang siya guro kundi kasama rin na dinepensahan ang mga taga-depensa ng lupa. Edad 26 lang siya nang patayin ng Armed Forces of the Philippines pati na ang apat na kasama.

Pinarangalan din ng Gawad Bayani ng Kalikasan si Cristeta “Ka Tita” M. Sison noong 2020. Isa siyang community organizer sa Central Luzon na hinihikayat ang mga komunidad sa Pangasinan at Zambales na labanan ang large-scale mining at ipagtanggol ang kanilang hanapbuhay. Kasama rin siyang nagtayo ng Movement for the Protection of Environment, Livelihood and Rights in Zambales (MoveNow) na ipinaglalaban ang kalikasan, hanapbuhay, karapatan at kaligtasan.

Kapag ginugunita natin ang mga bayani, madalas nating isipin ang tanyag na pangalan, ang nakaraang rebolusyon, ang martir, at ang mga parangal. Ngunit hindi naman lahat ng bayani ay kilala, kahit ang environmental heroes. Naging malinaw sa akin ito noong ika-27 Conference of the Parties ngayong buwan sa Sharm El-Sheikh, Egypt.

Ika-22 na beses ko nang dumalo sa COP. Sa bagal ng proseso rito, madaling mawalan ng pag-asa. Ngunit habang naglalakad sa Egypt kasama ang libu-libong climate justice advocates mula sa kabataan, natagpuan kong muli ang pag-asa. Sa espasyo kung saan mas madaling magluksa, ipinakilala ulit nila sa akin ang pagtitiyaga at paglaban.

Noong nasa Egypt ako, kinita ko ang kabataan mula sa Philippine delegation– sina Atty. Joy Reyes, Atty. Hazel Acero at Tonichi Regalado mula sa Manila Observatory, sina Mitzi Tan at Alab Ayroso mula sa Youth Advocates for Climate Action Philippines, at si Jeff Estela mula sa Youth Strike 4 Climate Philippines.

Pinag-usapan namin ang mga sinubaybayan nilang tema sa COP 27 gaya ng indigenous peoples, women, loss and damage, youth, at adaptation. Ibinahagi ni Tonichi na naging hamon ang COP dahil naging mahirap pag-isahin ang developing countries. Ipinaliwanag ko na hindi maiiwasan ang pagkabigo sa mga pagtitipong gaya nito. Ngunit itong mga pagkabigong ito rin ang dahilan ng aming pagpapatuloy. Sabi nga ni Mitzi sa isang panel na pinagsalitaan niya, makikita ang pakikibaka sa pagmamahal at sa komunidad. At ito ang nasa pusod ng aming adbokasiya sa kabila ng mga hamon.

Magaan sa dibdib maramdaman na kasama ko sa paglaban ang kabataang Pilipino na itinuturing kong mga bayani. Hinihikayat nila akong magpatuloy. Sa katunayan, nakakahawa ang tapang at pag-asa ng kabataan. Ang makasama sila ay ang maniwala na nararapat nilang manahin ang mundo kung saan mayroon nang climate justice.

Magkakasama kami sa pakikibaka. Utang ko sa kanila ang magpatuloy, lalo na’t hindi naman mag-isang lumalaban ang mga tunay na bayani.