Dekanong Makabayan

Kung paano nagiging rebolusyonaryo (at bayani) ang manlilikha


Gaano kalaking kabalintunaan na sa kaarawan ng isang bayani, may bayani ring pinatay? Mas malala pa sapagkat Araw ng Karapatang Pantao sa December 10. Siguro mas magandang itanong kung gaano ito kalupit?

Taun-taon, isang pagdiriwang at protesta ang Bonifacio Day. Masaya ang pag-alala sa kabuluhan ng pakikibaka, ngunit nakakagalit ang patuloy na pang-aapi sa sambayanan. Ngayong taon, puno rin ito ng dalamhati dahil sa pagpaslang kay Ericson Acosta. 

Gaano kalaking kabalintunaan na sa kaarawan ng isang bayani, may bayani ring pinatay? Mas malala pa sapagkat Araw ng Karapatang Pantao sa December 10. Siguro mas magandang itanong kung gaano ito kalupit?

Marami ang nagluksa nang marinig ang balita. Habang hindi bago ang pagpatay sa mga aktibista at rebolusyonaryo, palagi itong mabigat—siguro nga dahil makabuluhan ang kanilang buhay at pagkamatay.

Ayon sa militar, nabaril si Ericson, kasama si Joseph Jimenez na peasant organizer, sa isang engkwentro kalaban ang New People’s Army. Ngunit ayon sa National Democratic Front of the Philippines – Negros, sinaksak sila at tinaga. Sinabi rin ni Bayani Obrero, tagapagsalita ng NDF-Negros, na dinukot sila mula sa bahay na tinutulugan at saka ‘sinalvage’.

Maraming papel si Ericson Acosta sa iba’t ibang tao—ama, asawa, anak, kaibigan, aktibista. Pero sinasabi ng lahat na isa siyang manlilikha—musikero at manunulat. Kung saan man siya magpunta, ano man ang gawin niya, gumagawa siya ng obra. Nang maging political prisoner siya, gumawa pa rin siya ng mga kanta at tinawag itong “Prison Sessions”. Nagsulat din siya ng mga tula at sanaysay at tinawag itong “Jailhouse Blog”.

Ayon kay Kerima, ang kanyang asawa, namulat sa sining at politikal na sitwasyon si Ericson dahil sa PETA workshops noong grade school siya. Ngunit nabago siya mula sa pagiging “troublesome artist” patungo sa “serious activist” noong nagkaroon ng tunggalian sa kilusan ng mga estudyante noong ‘90s. Pumunta sila sa kanayunan ni Kerima upang ialay ang kanilang mga kakayahan sa masa. Dinala ni Ericson ang sining niya. Nakatanim ang lahat ng kanta at tula niya sa lahat ng lugar na dinalaw niya, sa lahat ng komunidad na nakilala niya. Ayon nga kay Tonyo Cruz, madalas niyang ialay ang mga tula at kanta sa mga magsasakang nakikilala.

Kung iispin, maraming alagad ng sining ang nagiging rebolusyonaryo. Kalaunan, lumilikha sila patungkol sa mga bagay na mas malaki sa kanilang mga sarili. Natagpuan ni Ericson ang sarili na kasama ng mga magsasaka at nagsusulat para sa kanila. Nahanap niya ang sarili na nakikibaka kasama ang pinakaapi. Gusto kong isipin na nagiging rebolusyonaryo ang mga alagad ng sining dahil malalim ang kanilang pagmamahal sa kapwa. Hinahayaan sila ng kanilang pagkamalikhain na harayain ang mas mapagpalayang kinabukasan.

Si Andres Bonifacio mismo ay isang aktor at makata bago maging Katipunero. Puno ng pagmamahal para sa Pilipino at galit para sa Kastila ang kanyang mga tula gaya ng “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa”, “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog”, at “Katapusang Hibik ng Pilipinas”.

Isa pang halimbawa si Amado Hernandez na isang manunulat. Pinarangalan siyang National Artist for Literature at pinaniwalaan niyang papel ng manunulat ang maging kamalayan ng lipunan. At tinangka niyang gawin ito. Bilang makata at mandudula, nagsulat siya tungkol sa kawalan ng katarungan sa Pilipinas. Isa sa mga pinakamahalagang gawa niya ang “Mga Ibong Mandaragit”. Ayon sa National Commission for Culture and the Arts, ang librong ito ang pinakaunang nobela na naglantad ng mga problemang panlipunan ng bansa noong ‘50s.

Nandyan din si Eman Lacaba, isa sa mga pinakakilalang youth leader noong panahon ng batas militar. Isa siyang manunulat ngunit nahanap niya ang kabuluhan ng kanyang pagsusulat noong kolehiyo. Minulat siya nang lumalalang politikal na sitwasyon noong 60s. Ipinaglaban niya ang Filipinization ng school curriculum at naging bahagi ng Panday Sining at League of Filipino Students. Kalaunan. Pinili niya ring pumunta sa kanayunan at tumangan ng armas. Kaya nga minsa’y tinatawag siyang “poet warrior.” Sa katunayan, “An open letter to Filipino Artists” ang pamagat ng sikat niyang tula.

Malalim umibig ang manlilikha. Kaya naman kapag natagpuan nila ang sariling kasama ang masa, hindi maiwasang maging paraluman nila ang sambayanan. Nagkakaroon ng mas malaking kahalagahan ang kanilang paglikha, ang kanilang pagsulat.

Aalalahanin at ipagdiriwang si Ericson Acosta. Gaya ni Andres Bonifacio. Gaya ni Amado Hernandez. Gaya ni Eman Lacaba. Ayon nga sa isininulat na tula ni Ericson na pinamagatang “Alab ng Pluma”, “’Pagkat mamatay ma’t mawala / ang isang makata, / libu-libong tulog na diwa na / ang ginising ng kanyang tula.”