Editoryal FEATURED

Palit-ulo ng 2022


atapos ang karnabal ng eleksyon sa unang hati ng taon. Nagpalit ng ulo. Sa ikalawang hati ng taon — mula Hulyo hanggang ngayong Disyembre — nagkumahog ang Malakanyang na magpalakas. Inaanay na ng sariling kabulukan ng estado. Nag-agawan sa puwesto ang mga pulitiko sa bangkaroteng ekonomya.

Ginawa ng kapulisan ang “palit-ulo” sa kanilang gera kontra-droga noong panahon ni Duterte. Ang isang bersiyon, kapag hindi mahuli ang suspek, huhulihin ang kamag-anak para ibintang dito ang kasalanan. Ang isa naman, babawasan ang parusa sa isang suspek kapag itinuro ang utak ng krimen.

Naganap ngayong taon ang makasaysayang pagpapalit ng ulo sa Malakanyang. Patung-patong na kaso ang nakasampa laban sa dating pangulong Duterte. Hinadlangan niya ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC). Ganito rin ang tindig ng bagong pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ayaw ng habla sa internasyunal na korte. Ipinagpatuloy ang gera laban sa mamamayan.

Mananagot pa rin si Duterte sa kanyang mga krimen. Papanagutin pa rin si Marcos Jr. sa kanyang sariling mga kasalanan. Hindi pwede ang “palit-ulo” gaya ng sa pulis.

Mas pinalakas pa ang armas ng mga sundalo at pulis. Nagdagdag ng suporta ang US sa militar. Isang estado ng pulis at sundalo ang pinaghahari. Ipinatupad ang National ID para tiktikan ang mamamayan. Kahit ang mga mag-aaral sapilitang pinapag-ROTC. Ultimo SIM card, kailangang iparehistro para makontrol ng gobyerno ang daloy ng komunikasyon. Pinalakas pa ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na mahilig magbansag na “komunista” ang mga kritiko ng gobyerno. Bantay-sarado sa estado ang sariling mamamayan. Pero hindi sa dayuhan.

Dadamihan pa ang base-militar na magagamit ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Samantala, pinabayaan lang ang Tsina sa itinayo nitong mga base at itinataboy tayo sa loob ng West Philippine Sea. Kahit Navy na moderno na umano, hindi makapalag.

Ano’ng klaseng gobyerno mayroon tayo na nagpalit lang ng ulo, hindi naman nagbago ang pagpapahirap sa bayan?

Lalong nabaon ang bansa sa utang. Natali sa importasyon kahit sa pagkain. Para kumita, naka-isip pa ng P250-bilyong “Maharlika Wealth Fund” sina Martin Romuladez at Sandro Marcos. Isusugal ang pera ng taumbayan, kahit ang kinaltas na Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) sa kakarampot na ngang sahod ng mga manggagawa at kawani. Duda ng iba, ipupuslit lang ni Marcos pabalik ng bansa ang nakaw na yaman na nasa abroad.

Natapos ang karnabal ng eleksyon sa unang hati ng taon. Nagpalit ng ulo. Sa ikalawang hati ng taon — mula Hulyo hanggang ngayong Disyembre — nagkumahog ang Malakanyang na magpalakas. Inaanay na ng sariling kabulukan ng estado. Nag-agawan sa puwesto ang mga pulitiko sa bangkaroteng ekonomya.

Sa huli, manggagawa at mamamayan ang maghuhusga: ano ang gagawin sa ulo ng mga ito?