FEATURED

Rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan sa ilalim ni Marcos


Ilang araw bago ang anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP), nakapanayam ng Pinoy Weekly si Armando Cienfuego, tagapagsalita ng Melito Glor Command (Southern Tagalog Regional Operational Command) ng New People’s Army (NPA).

Sa pahayag para sa ika-54 na anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) noong Disyembre 26, 2022, sinabi ni CPP Chief Information Officer Marco Valbuena na sa pamumuno ng partido ay nagkamit ang rebolusyonaryong kilusan ng malalaking tagumpay sa armadong pakikibaka at sa pagsulong ng iba pang porma ng paglaban.

Ayon pa sa CPP, nakapatong ngayon ang bansa sa isang bulkang panlipunan na maaaring pumutok anumang oras.  Nakaamba aniya na lumakas ang paglaban ng mamamayan sa harap ng tumitinding panawagan para sa dagdag-sahod habang ang patuloy na terorismo naman ng estado ay lalo pang nagtutulak sa mamamayan na lumaban.

Bagamat aminadong nagkaroon ng ilang mga pag-atras at pagkatalo dahil sa mga kahinaan at pagkukulang, pinasinungalingan ni Valbuena ang mga pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumaba sa lima ang bilang ng mga larangang gerilya ng New People’s Army (NPA). Nananatili aniyang malakas at nagkakaisa ang CPP at NPA at nasa posisyon ito para tuloy-tuloy na isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon.

Ilang araw bago ang anibersaryo ng CPP, nagkaroon ng pagkakataon ang Pinoy Weekly na makapanayam si Armando Cienfuego, tagapagsalita ng Melito Glor Command (Southern Tagalog Regional Operational Command) ng NPA hinggil sa kalagayan ng rebolusyonaryong kilusang sa Timog Katagalugan at sa panunumbalik ng pamilya Marcos sa kapangyarihan.

Pinoy Weekly: Mahigit tatlong dekada na mula nang mapatalsik sa poder ng kapangyarihan ang mga Marcos. Ano ang pagtingin niyo sa panunumbalik ng mga Marcos sa Malacanang?

Armando Cienfuego (AC): Labis na kinasusuklaman ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan, lalo’t nagawa nila ito sa sistematikong pandaraya sa eleksiyong 2022 at sa pakikipagsabwatan sa mga pinakasagadsagaring tiranong sina [Rodrigo] Duterte, [Gloria] Arroyo at [Joseph] Estrada. Sangkot din dito ang mga dinastiyang politikal na naghangad na panatilihin ang kanilang kapangyarihan. Sa ganito, naging ilehitimo ang rehimen nina [Ferdinand] Marcos Jr. at Sara Duterte.

Ang pagkakaluklok kina Marcos Jr. at Duterte, na kinatawan ng pinakamandarambong at pinakamapanupil na pamilya ng mga burukrata-kapitalista, sa tuktok ng reaksiyunaryong gobyerno ay tanda ng labis na pagkabulok ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Pinakikita nitong hindi na kayang maghari ng mapagsamantalang uri sa ilalim ng burges na palamuti ng demokratikong institusyon kaya kinailangan nitong magkaroon ng mga tiranikong lider para sa lantarang panunupil sa pakikibaka ng mamamayan. Lumala ang kahirapan sa bansa na pangita sa araw-araw na buhay ng mamamayan at ang pagkalugmok ng Pilipinas sa dayuhang utang.

Sa harap nito, nararapat na ipagpatuloy ng mamamayan ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Halawan ng inspirasyon ang mga aral sa paglaban ng bayan na nagpabagsak sa diktadurang US-Marcos noong 1986.

Puspusang nakikibaka ang buong rebolusyonaryong puwersa laban sa kasalukuyang rehimeng US-Marcos-Duterte. Determinado kaming labanan ang pasismo at terorismo ng estado. Kasama ng masa, nakatitiyak na malalampasan ng rebolusyonaryong kilusan ang ilehitimong rehimeng ito at magpupunyagi ang digmang bayan hanggang sa tagumpay.

Larawan: Ka Kathryn ng MGC-NPA sa pagdiriwang ng ika-54 anibersaryo ng CPP sa Timog Katagalugan. /Kontribusyon.

PW: Ipinahayag kamakailan ni Marcos Jr. sa isang talk show na makatwiran umano ang pagdeklara ng batas militar ng kanyang ama noong 1972. Inabsuwelto din niya ang mga militar at pulis sa mga abuso at paglabag sa karapatang-tao noong batas militar. Ano ang masasabi niyo rito?

AC: Ito ay pagbudbod ng asin sa sugat ng mga biktima na hanggang ngayon ay pinagkakaitan ng hustisya. Habang naghahasik ng karahasan sa buong bansa, nagpakasasa ang pamilya Marcos at mga kroni nito sa kaban ng bayan. Sa panahon lamang ng Martial Law, aabot ng $10 bilyon ang kinurakot ng pamilya Marcos, habang naitala ang 107,240 kaso ng paglabag sa  karapatang tao.

Aasahan nang ipagtatanggol ni Marcos Jr. ang mga sundalo at pulis at iba pang human rights violators dahil magkakasabwat sila sa mga krimen noong panahon ng Martial Law. Katunayan, si Juan Ponce Enrile na implementor ng Martial Law noong panahon ng diktadura ay ginawa niyang legal adviser. Wala silang moral na awtoridad para humawak ng kapangyarihan at magpatupad ng batas dahil sila mismo ay mga kriminal. Nababagay sila sa kulungan, hindi sa Malakanyang!

PW: Nang magtalumpati si Marcos Jr. sa UN General Assembly (UNGA), umalis ang 96% ng mga dumalo. Patunay ba ito na wala nang kredibilidad ang mga Marcos? 

AC: Magugulat pa ba tayo na nilangaw ang talumpati ni Marcos Jr. sa UN? Sadyang walang kredibilidad ang mga Marcos dahil katumbas na ng pangalang Marcos ang korupsiyon at diktadura hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa. Nakatala sa Guinness Book of World Records ang pagnanakaw ng matandang Marcos bilang pinakamalaking pagnanakaw ng isang gobyerno sa buong kasaysayan ng daigdig. Ginawan pa ito ng mga pag-aaral kahit ng mga dayuhang iskolar at mga ahensya upang patunayan ang krimen ng kanilang pamilya.

Ipinataw ng mga Marcos ang kanilang kapangyarihan sa bansa gamit ang pasismo at kroniyismo. Kinamumuhian sila ng buong sambayanan sa kanilang madugo at maruming rekord. Inilulunsad nila ang sistematikong pagrerebisa sa kasaysayan upang pagtakpan ang kanilang mga kasalanan at ipinta ang sarili pabor sa ninanais nilang imahe. Nag-aambisyon ang batang Marcos na ipakita ang sarili bilang karapat-dapat na lider gayong malinaw na ninakaw nila ang resulta ng eleksyon.

Marapat na tuligsain ng mamamayan ang kanilang mga pakana at ilantad ang katotohanan. Tutulan at labanan ang mga pekeng balita at disimpormasyon na kanilang kinakalat gamit ang social media, mga daluyan ng kultura at edukasyon.

Larawan: Armando Cienfuego, tagapagsalita ng MGC-NPA. /Boy Bagwis

PW: Nagpahayag si Senador Loren Legarda na dapat ituloy ang peace talks ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Gaano kahalaga ang peace talks lalo na ngayong tinamaan ng malulubhang krisis ang ating bansa?

AC: Maganda ang panukala ni Senador Loren Legarda na ituloy ang peace talks. Napapanahon ito sa harap ng grabeng krisis, kahirapan at pang-aapi na dinaranas ng mamamayan. Kailangan ng mamamayan ng katugunan dito o kung anuman ay kagyat na lunas para man lamang sila makahinga. Maaaring maging daan ang pagbubukas ng peace talks para sa pagbibigay ng solusyon dito.

Bukas ang NDFP sa kanino mang rehimen na seryosong lutasin ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan.

Importanteng maisulong ang peace talks sa harap ng matinding pang-aatake sa mamamayan at labis na krisis ng bayan. Ang layunin ng peace talks na isinusulong ng NDFP ay makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng paglutas sa ugat ng nagaganap na armadong labanan o digmang sibil sa Pilipinas.

Dapat alinsunod ang peace talks batay sa mga naunang kasunduan na napagtibay na, na ang pinakapundasyon ay ang The Hague Joint Declaration. Dapat na ipatupad ang nilalaman ng napagkasunduan ng unang sustantibong adyenda, ang Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Kasunod nito, ituloy ang nauntol na adyenda sa socio-economic reforms. Naisumite na ng NDFP ang kanyang draft Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER). Nasa ubod nito ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Alinsunod dito, nauna ng natalakay at may panimulang mga pagkakaisa sa nilalaman ng Agrarian Reform and Rural Development (ARRD). Hindi na ito naituloy dahil sa pagsabotahe ng pasista, tiraniko’t kriminal na rehimeng US-Duterte noong 2017.

PW:  May katotohanan ba ang sinabi ni Carlito Galves Jr., pinuno ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), sa isang press conference na nagiging mabisang hakbang ang localized peace engagement sa pagresolba ng mga isyu sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng komunista?

AC: Malaking kalokohan ang pahayag na iyan ni Galvez dahil walang nagaganap ni anumang localized peace talks saan mang bahagi ng bansa. Ultimong layunin ng localized peace talks na isantabi ang limang dekada nang pakikibaka ng mamamayan para sa tunay na kaunlaran at kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Itinutumbas nila ang kapayapaan bilang pagsuko at pagsasalong ng armas ng mga rebolusyonaryo nang hindi nilulutas ang ugat ng nagaganap na gera sibil sa bansa. 

Kinakausap ng reaksiyunaryong gobyerno ang sarili nitong anino. Ang localized peace talks na isinusulong ng rehimen ay isang kampanya rin ng pekeng pagpapasuko, panggigipit at panlilinlang sa mga sibilyang komunidad sa ilalim ng programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-Clip) at Barangay Development Program (BDP). Malaking aksaya sa pondo ng bayan ang localized peace talks at lumilikha lamang ng ilusyong “nagwawagi” ang “kontra-insurhensyang” gera ng estado.

Higit lamang na lumaganap ang karahasan at paglabag sa karapatang-tao sa mga lugar na idineklara ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na may localized peace talks. Naglulunsad sila ng re-tooled community support program operations (RCSPO) para takutin ang mamamayan sa layuning wasakin ang kanilang pagkakaisa. Kasabay nito ang pagpapatupad ng maanomalyang BDP sa mga di umano’y “nilinis” na barangay at pagsusulong ng mga huwad na programang pangkaunlaran bilang pantapal na solusyon sa pagiging atrasado ng kanayunan. Tulad ng E-Clip, ginagawa lamang itong gatasang baka ng mga bumubuo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at matataas na opisyal ng AFP-PNP.

PW: Ano ang suri niyo sa E-Clip na ayon sa gobyerno ay nakapagbigay ng benepisyo sa mga sumukong rebelde?

AC: Nilikha ng reaksiyunaryong gobyerno ang E-Clip para gawing balon ng korupsiyon ng mga opisyal at heneral ng AFP. Nagdedeklara sila ng maramihang peke at sapilitang pagpapasuko na ang mayorya ay nilinlang sa mga patawag na pulong, general assembly, relief mission o pamamahagi ng ayuda. Sa pamamagitan ng bogus na programang ito, nakakakulimbat ang mga opisyal ng AFP ng pinakamababa na sa P65,000 kada tao na maidedeklarang ‘suko’ habang ang sibilyang idinawit lamang sa pekeng pagpapasuko ay suwerte nang makatanggap ng barya, mumong relief goods o di kaya’y wala. Sa mas maraming kaso, mas nakatatanggap ang mga ‘suko’ ng pananakot, harasment at intimidasyon. 

Ang mga kalakip na benepisyo ng E-Clip mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang mga ahensya ay umiiral na pantapal na serbisyong panlipunang inaalok ng gobyerno. Kinokopo pa nga ng AFP-PNP ang mga napakalimitadong budget ng mga ahensyang ito para sa kontra-insurhensyang pakana imbes na pakinabangan ng mamamayan. 

Naging gawi na rin ng AFP na magpaulit-ulit ng mga pinasuko. Sa buong bansa, libu-libo na ang biktima ng sapilitang pagpapasuko sa balangkas ng E-Clip lalo na sa hanay ng masang magsasaka at katutubo.

PW: Ayon sa datos mula sa Department of National Defense (DND), hindi bababa sa 26,414 rebeldeng komunista ang sumuko na noong Mayo 2022. Inulat din ng OPAPRU na 47 sa 81 na larangang gerilya ng New People’s Army (NPA) ay na-neutralize na. Makatotohanan ba ito?

AC: Kung talagang na-neutralize na nila ang lagpas kalahati ng mga larangang gerilya sa buong Pilipinas sang-ayon sa pahayag ng DND at OPAPRU, bakit nagpapatuloy pa rin ang walang habas na mga operasyon ng militar at pulis sa buong bansa? Sinasabi nila na wala nang NPA subalit patuloy sila sa panggagalugadad ng mga kabundukan at nag-iimbestiga sa hanay ng mamamayan sa mga komunidad. 

Sa isang banda, bakit patuloy na pinapalaki ang badyet ng militar at pulis at patuloy ang pagbili ng mga makabagong kagamitang pandigma para daw gamitin laban sa NPA? Ang totoo, nangangarag ang AFP-PNP na kamtin ang dedlayn nila na malipol ang NPA bago matapos ang taon na ito. Ilang beses na nilang sinasabi na tutuldukan nila ang insurhensya mula pa sa panahon ng diktadurang US-Marcos Sr. at kahit sa panahon ni Duterte at ngayon naman ay kay Marcos Jr.-Duterte. Lahat ng deklarasyong ito ay nabigo at nagpatuloy sa pagsulong ang rebolusyon sa Pilipinas.

PW: Ayon din sa DND, umaabot sa 492 high-powered and low-powered firearms ang nakumpiska, nabawi o isinuko nito lamang unang quarter ng 2022. Ipinahayag naman ng Southern Luzon Command ng AFP at ng PNP sa Calabarzon at Mimaropa ang napakarami umanong sumukong kasapi ng NPA sa Timog Katagalugan. Ano ang masasabi niyo sa mga pahayag na ito?

AC: Gasgas nang linya ng kaaway ang dumaraming sumusuko na kasapi ng NPA at nakukuhang mga baril. Sa sobrang dami nang pinalalabas nilang sumuko, lumagpas na ito sa inanunsyo nilang bilang ng NPA sa bansa.

Karamihan sa mga pinalalabas nilang suko ay mga magsasakang biktima ng kanilang kampanya sa pekeng pagpapasuko. Ilan sa mga ito ay hindi bababa sa dalawang beses na pagpapasuko mula nang mag-umpisa ang kampanyang E-Clip noon pang panahon ng rehimeng Duterte.

Hindi namin itinatanggi na sadyang may mga pinsalang dinanas ang NPA resulta ng pakikipaglaban, mga natural na pangyayari ito sa proseso ng digma. Lahat ng ito ay inaaral, nilalagom at hinahanguan ng leksiyon. Ang tiyak, patuloy na susulong at lalakas ang digmang bayan dahil ito’y makatarungan, tumutugon sa interes ng sambayanang kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya at sa gayon ay nagtatamasa ng malawak at malalim na suporta ng masang Pilipino.

Larawan: Pagdiriwang ng ika-54 anibersaryo ng CPP sa Timog Katagalugan. /Kontribusyon

PW: Ano ang reaksiyon niyo sa pahiwatig ni Police Brig. Gen. Jonnel Estomo, acting regional director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hinihikayat ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA na kusang sumuko at tangkilikin ang mga programa ng pamahalaan?

AC: Hindi na bago ang ganyang maniobra ng reaksiyunaryong gobyerno. Bahagi iyan ng saywar laban sa mga pwersa ng NPA at pagpapalabas na makatao’t marangal ang AFP-PNP. Nagkukunwari lamang ang reaksiyunaryong gobyerno na tatratuhin nang ayos ang mga NPA, pero ang totoo, marami sa mga sumuko ang hindi naman nagbago ang buhay, ang ilan pa ay sapilitang ginamit para sa kontra-rebolusyong digma at ginawang mga tirador sa mga grupo ng sindikatong binubuo ng mga militar at pulis.

Sadyang ganyan ang disenyo dahil ang pagpapasuko sa NPA ay karugtong ng marahas na kontra-rebolusyonaryong gera ng estado. Hibang na hibang silang patayin at ubusin ang mga Pulang mandirigma. Napakarami nang kaso dito sa ST ng mga kasapi ng NPA na wala nang kapasidad lumaban o mga hors de combat pero walang awang pinatay ng AFP-PNP, tulad nina Ermin Bellen, Mario Caraig, Lorelyn Saligumba at marami pang iba. Walang armas si Bellen at dalawa pang kasama nang pasukin ng kaaway ang tinutuluyan nilang bahay, habang sina Saligumba at Caraig ay parehong sugatan at wala nang kakayahang lumaban. 

Sa mga balita, nagsinungaling ang AFP-PNP at pinalabas na nanlaban ang mga hors de combat na NPA para pagtakpan ang kanilang krimen. Ito rin ang “nanlaban” na modus na gamit sa brutal na drug war ni Duterte. Dapat pagbayaran ng reaksiyunaryong estado ang mga krimeng ito na tahasang lumalabag sa international humanitarian law at rules of war.

Hindi kailanman tatalikuran ng CPP at NPA ang sinumpaang tungkuling paglilingkuran at ipagtatanggol ang sambayanang Pilipino. Tanging ang CPP-NPA-NDFP na lamang ang kakampi’t tagapagtanggol ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, katutubo, mangingisda, mga bata at ng bansang Pilipinas laban sa mga dayuhan at lokal na naghaharing uri. Pinatunayan na ito sa 54 na taong kasaysayan ng CPP. Ang CPP-NPA-NDFP ay nakikipaglaban hindi para sa interes nito, kundi para sa pambansa at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Determinado itong dalhin sa tagumpay ang adhikain ng sambayanan na makamit ang pambansang kalayaan, demokrasya hanggang sa sosyalismo.

PW: Gaano kalala ang kampanya ng red-tagging at militarisasyon ng AFP-PNP at NTF-Elcac sa Timog Katagalugan?

AC: Sa TK, na inihanay ng AFP-PNP bilang isa sa  pambansang prayoridad ng kampanyang supresyon, malaking banta ang red-tagging sa mga di-armadong nakikibakang mamamayan. Tampok ang kaso ng 9 na aktibistang biktima ng pamamaslang na tinaguriang “Bloody Sunday Massacre” at ang pagpatay kay Dandy Miguel, isang lider-obrero, noong 2021. Bago sila pinaslang, tinatakan sila o ang kanilang mga organisasyon na may kaugnayan umano sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Dahil nabansagan nang terorista, tinarget sila ng karahasan ng estado sukdulang paslangin sila.

Tumitindi rin ang militarisasyon sa TK, kapwa sa kalunsuran at kanayunan, at naging komponente na nito ang red-tagging. Kasama na sa mga operasyong militar at pulis ang pang-re-redtag sa mga organisasyon ng mga magsasaka at mga kasapi nito. Humahantong ‘yan sa pagpapasuko at mga gimik na programa kung saan pinasusunog sa mga magsasaka ang mga bandila ng CPP at NPA at pinasusumpa sila ng katapatan sa gobyerno.

Ginagawa lamang ito ng mamamayan dahil sa takot nilang pag-initan sila ng AFP-PNP. Sa ngayon, nakakapanatili ang mga puwersa ng AFP-PNP sa mga komunidad sa tabing ng mga pekeng proyektong pangkaunlaran sa ilalim ng BDP.  Sa mga lugar na binababaran ng mga sundalo ay parang batas militar—may curfew, may oras lang ng pagtatanim, kung minsan ay bawal pang pumunta sa linangan (taniman), may mga biglaang patawag at interogasyon at kailangang magpaalam kapag aalis at mag-uulat din pagbalik sa baryo. May kaso sa Mindoro kung saan lumayas ang buong sityo dahil hindi na nila kayang makasama ang mga sundalo.

May mga ulat din ng pambabastos sa mga kababaihan, pagnanakaw ng mga alagang hayop at pambabalahura sa mga pampublikong gusali tulad ng mga barangay hall. Sa Quezon ay nagalit na nga ang mga taumbaryo dahil burara at nag-iwan ng dumi (tae) ang mga sundalo. Bukod sa paghahasik ng takot ay namemerwisyo pa ang militar.

PW Mabibigyan niyo ba kami ng pagtatasa kung ilan na ang mga front sa buong bansa at lawak na saklaw ng CPP at NPA at gaano na din kalawak ang saklaw ng CPP at NPA partikular sa Timog Katagalugan?

AC: Ayon sa mga nakaraang pahayag ng Komite Sentral ng Partido, sa nakaraang 54 na taong rebolusyonaryong pakikibaka ng CPP-NPA-NDFP, naitayo ang libu-libong mga komite at sangay ng Partido sa 14 na rehiyon sa higit 70 probinsya, daan-daang munisipalidad, distrito at libu-libong mga barangay. Naitayo ito kapwa sa kanayunan at kalunsuran bagamat ang malaking bulto nito ay nasa kanayunan. Sa mga ito, umabot sa 110 ang naitayong larangang gerilya na nasa proseso ng ibayong pagpaparami at pagpapalakas sa gitna ng gitgitang pakikipaglaban sa kaaway. Maitim na balak ng rehimeng US-Duterte at maging ng rehimeng US-Marcos-Duterte na wasakin ang 110 larangang gerilya bago matapos ang taong 2022. Bagamat dumanas ng ilang seryosong pinsala ang CPP-NPA-NDFP sa nakaraang mga taon, tiyak ang kabiguan ng kaaway sa kanilang maitim na hangarin.

Sa Timog Katagalugan, nakatayo ang mga Komite ng Partido at mga larangang gerilya ng NPA sa estratehikong mga probinsya na saklaw ng rehiyon. Habang may ilang mga pinsalang nakamit ang ilang mga larangang gerilya sa proseso ng gitgitang paglaban, patuloy na napreserba ang sapat na lakas upang maging puhunan sa ibayong pagbawi at pagsulong sa hinaharap.

Larawan: Pagdiriwang ng ika-54 anibersaryo ng CPP sa Timog Katagalugan. /Kontribusyon

PW: Gaano kalawak na ang suporta ng mga mamamayan sa CPP at NPA sa kanayunan partikular sa Timog Katagalugan sa paanong paraang niyo naisasagawa ito?

AC:Patuloy na nakakapagpreserba ng lakas at patuloy na sumusulong ang CPP-NPA-NDFP sa TK dahil sa malawak at malalim na suporta ng mamamayan dito, lalo na ng masang magsasaka. Ginagabayan at sinusuportahan ng mga organo ng Partido at mga yunit ng NPA ang pagtatayo ng mga organisasyon ng mamamayan upang mapalakas ang kanilang kapangyarihan sa paglulunsad ng kanilang pakikibaka laban sa kanilang kaaway at mga sistemang nagpapahirap sa kanila. 

Pangunahin sa mga ito ang pakikibakang anti-pyudal ng mga magsasaka upang ibaba ang upa sa lupa, itaas ang sahod ng manggagawang bukid, ibaba o pawiin ang mataas na interes sa pautang, itaas ang presyo ng produktong bukid at ibaba ang presyo ng farm inputs. 

Tinutulungan din ang mga mamamayan sa paglulunsad ng kanilang mga tulungan sa paggawa at pagtatayo’t pagpapagana ng kanilang mga kooperatiba. Ilampung libong ektarya ang sinaklaw ng mga ito at libu-libong mga magsasaka ang nakinabang. Sa tindi ng krisis at kahirapang dinaranas ng mga magsasaka at mamamayan sa kanayunan, ang pagtugon sa mga problemang ito ang nagbibigay kalutasan sa dinadanas nila. Ito ang dahilan kung bakit walang maliw ang suporta ng mamamayan sa CPP at NPA sa kanayunan. Ito din ang dahilan kung bakit hindi kailanman magagapi ang NPA ng kahit anong operational plan ng reaksiyunaryong estado.