FEATURED Kapirasong Kritika

Sison Rebolusyon


Nitong Disyembre 16, pumanaw si Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) at matatawag sigurong lider-intelektuwal ng mas malawak na pambansa-demokratikong kilusan na bumubuo ng kalakhan ng Kaliwa sa bansa. Siguro, hindi na iyun maiiwasan: na ang pagpanaw niya ay gawing pagkakataon ng mga kritiko’t katunggali para maanghang na tuligsain […]

Nitong Disyembre 16, pumanaw si Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) at matatawag sigurong lider-intelektuwal ng mas malawak na pambansa-demokratikong kilusan na bumubuo ng kalakhan ng Kaliwa sa bansa. Siguro, hindi na iyun maiiwasan: na ang pagpanaw niya ay gawing pagkakataon ng mga kritiko’t katunggali para maanghang na tuligsain siya at ang Kaliwa.

Sigurado, si Sison mismo ang may paliwanag: tunggalian ng mga uri. Nasa materyal na interes ng mga katunggaling uri at puwersang pampulitika ang umatake. Sa Pilipinas, isang multi-milyong pisong industriya ang paninira sa kanya at sa Kaliwa. Ngayon, nasa pamunuan at ubod ng industriyang iyan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elac), at abalang nagtatrabaho ito ngayon kahit Kapaskuhan.

Hindi itinago ni Sison na kampeon siya ng komunismo at ng armadong paglaban na isinusulong ng New People’s Army (NPA). Pero hindi lang mula sa punto-de-bista ng mga paniniwala at kilusang iyan mabibigyan siya at ang Kaliwa ng halaga. Tiyak, kahit sa hanay ng mga relihiyoso at taong-simbahan, lalo na iyung may malasakit sa lipunan, may nagluluksa sa pagkamatay niya at nagpaparangal sa kanyang mga nagawa.

Puwede ring pahalagahan si Sison mula sa perspektiba ng demokrasya at karapatang pantao. Isang pakahulugan, sa paglaban sa mga diktador. Sa klase niya noong dekada ‘90, sabi ni Dante L. Ambrosio, historyador at propesor ng kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas: kinikilala nating bayani ng paglaban sa diktadurang Marcos si Sen. Ninoy Aquino, “pero ang namuno talaga sa pakikibaka ay si Sison.. Itinuturing ba natin siyang bayani?”

Ang sabi sa Kaliwa ng trolls at influencers ng rehimeng Noynoy Aquino: lahat na lang ng presidente, tinuligsa ninyo. Ang sabi ng trolls at influencers ng mga rehimeng Rodrigo Duterte at Bongbong Marcos: kasabwat kayo ng mga Dilaw. Ang totoo, kalaban si Sison at ang Kaliwa ng lahat ng naging pangulo — taliwas sa ginagawang pagbaluktot ng mga tulad ng Trotskyistang sinungaling na si Joseph Scalice sa mga pahayag niya sa mga kampanyang elektoral at mga prinsipyo ng Kaliwa sa mga uring panlipunan.

Isa pang pakahulugan ang pagpapalakas sa boses ng mga mamamayan, gamit ang kanilang pagkakaisa at pagkilos, sa pulitika ng bansa. Demokrasya, paghahari ng mamamayan, na hindi matatakdaan ng pagboto lang sa mga eleksiyon. Kung titingnan ang lahat ng malalakas na organisasyon ng mga mamamayan sa huling kasaysayan ng bansa, pulang sinulid na tumatahi si Sison at ang Kaliwa. At isinulong nila ang mga karapatang pang-ekonomiya ng mamamayan, na napakahalaga pero madalas isinasantabi.

Nasa likod ng ganitong pagsusulong sa demokrasya at karapatang pantao ang pagpapakahulugan mismo ng Kaliwa: ang paglaban sa dayuhang kontrol sa ekonomiya, pulitika at lipunan ng bansa. Walang demokrasya sa isang bansang kontrolado ng isa pang bansa. Gayundin ang pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa. Walang sariling pagpapasya ang nakakarami kung nakatali sa pag-aari at kontrol ng iilang panginoong maylupa. Hungkag ang demokrasyang nasa antas lamang ng pulitika, hindi ekonomiya.

May mga naninisi kay Sison at sa Kaliwa sa pagpuri at pagsalubong sa mga hindi maikakailang maka-mamamayang pahayag, pangako at hakbangin ng kandidato at bagong pangulong si Duterte noong 2016. Kesyo nag-ambag daw sa pagkaluklok ng paghaharing awtoritaryan ni Duterte, na naghawan naman ng landas para sa panunumbalik sa kapangyarihan ng pamilya ng diktador na si Marcos ngayong 2022.

Pero kung mag-iisip ng isang alyansa para sa eleksiyon, tradisyunal na pulitika at paggogobyerno na kontra-diktadura at para sa demokrasya at mga karapatang pantao, ang pangunahing may pananagutan ay ang paksyon ng naghaharing elite na nagpapakilalang kampeon ng demokrasya at mga karapatang pantao. Sila ang may yaman, kapangyarihan at posibleng interes para sa larangang iyan. Maraming pagsisikap para sa ganyang alyansa si Sison at ang Kaliwa na isinantabi, kundi man inatake, ng naturang paksyon.

Iyan ang isang pangunahing dahilan kung bakit nakasalisi at nakapambudol si Duterte noong 2016: ang “liberal” na paksyon ng elite ay walang prinsipyadong paggagap sa demokrasya at karapatang pantao, ginagamit lang itong retorika para sa sariling kapakanan; sunud-sunuran sa US at militar sa pagturing sa Kaliwa na terorista; hambog sa paniniwalang malakas sila at mananalo; at nagpatupad ng mga neoliberal na patakarang lalong nagpahirap at lumikha ng pagkadismaya sa nakakaraming Pilipino.

Pagdating sa pakikitungo sa Kaliwa, isinabuhay ng naturang paksyon ng mga naghaharing uri ang isang tendensiyang inilarawan mismo ni Sison: “Again under the banner of anti-communism, men [and women] are being led into anti-democracy” [“The Mercenary Tradition in the AFP,” Struggle for National Democracy, 1967]. Nag-ambag ang ganitong kawalan ng malalim na paninindigan para sa demokrasya at karapatang pantao sa pagkaluklok at pagpapatibay sa puwesto ng awtoritaryanismo sa bansa.

Larawan mula sa benarnews.org

Sa ganitong konteksto ng pagkabigong kilalanin ang halaga ni Sison at ng Kaliwa sa balangkas ng demokrasya at karapatang pantao, at sa gayo’y pag-aambag sa paghaharing awtoritaryan, mainam basahin ang “Ano ang itsura ng kilusang Kaliwa post-Joma Sison?,” editoryal ng Rappler.com na lumabas ilang araw pagkatapos ng pagpanaw ng nasa titulo.

Nakakagulat ang editoryal, sa totoo lang. Sa nakaraang  mga taon, magkahanay ang Kaliwa at ang Rappler sa paglaban sa, at pag-atake ng, rehimeng Duterte at Marcos. Wala ring masyadong tumutuligsa Rappler mula sa Kaliwa. Tapos biglang-bigla, sa panahon ng mabigat na pagluluksa ng Kaliwa, maglalabas ito ng editoryal ng mabalasik na pag-atake at panlalait kay Sison — na para bang sinapian ito ng NTF-Elcac.

Hindi naman siguro makatotohanang asahan ang Rappler na magbigay-pugay rin kay Sison at sa Kaliwa. Mahirap ding isa-isahin ang mga lapit na puwede nitong ginawa; mas ito ang nabubuhay sa pamamahayag at komentaryo, kaya mas alam nito ang iba’t ibang posible sanang timpla. Pero sana’y nagsimula ito sa balangkas ng demokrasya at karapatang pantao — at hindi sumadsad sa napakakrudong antas ng pagsusuri at pagkakasulat nito.

(1) Tulad ng klasikong ideyalismo na tinutuligsa ng mga aktibista, sinisisi ng editoryal si Sison bilang lider at mga ideya nito para sa armado at iba pang pakikibaka na nagaganap sa bansa. Sa ganito, kadikit ito ng maka-elite at elitistang pagbasa sa kasaysayan. Mas kapani-paniwala ang paliwanag ng materyalismo: ang mga materyal na kalagayan sa lipunan — kahirapan, kagutuman, kawalang-trabaho, kawalang-lupa — ang nagtutulak sa mamamayan na lumaban. Mahalaga ang mga ideya ni Sison sa pag-unawa at pagsisikap nilang baguhin ang mga reyalidad na ito.

Narito rin ang paliwanag sa kawalan ng kasunduang pangkapayapaan, kaiba sa Moro Islamic Liberation Front(MILF), sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na kumakatawan sa CPP at NPA: tumatanggi ang gobyerno na magpatupad ng mga reporma sa ekonomiya at pulitika na papabor sa mga mamamayan. Hindi lang tawaran para sa pulitikang pakinabang o pagkakaroon ng “political will, sinseridad, at tiyaga” ang kailangan diyan para maging makabuluhan.

(2) Kinukutya ng editoryal ang CPP-NPA dahil matatanda na raw ang mga miyembro nito. Marami ngang matatandang aktibo pa rin sa Kilusan, at hindi ito masamang bagay. Maraming organisasyon sa bansa at ibang bansa na hindi nakapagbigay ng espasyo sa mga kasapi para tumanda nang mahigpit ang tangan sa kanilang prinsipyo. Kahanga-hanga: “Forgotten his whole youth but not its dreams, long forgotten the roof but never the sky above it.” [Bertolt Brecht, sinipi ni Hannah Arendt, Men in Dark Times, 1970]. Kaalinsabay nito, lagi ring malakas ang Kaliwa sa mga organisadong kabataan.

(3) Naguguluhan ang editoryal sa paliwanag sa sinasabi nitong paghina ng Kaliwa: atake ng militar at gobyerno ba o “irrelevance” o kawalan ng kabuluhan? Iyung una, posibleng dahilan, at kinikilala mismo ni Sison: “It is impossible to have a straight line of advance from year to year due to the tremendous odds and the active efforts of the reactionaries to suppress the revolutionary movement.”

Iyung ikalawa, matagal at paulit-ulit nang akusasyon sa Kaliwa. Noong “katapusan ng kasaysayan” noong dekada ‘90, ang sabi ni Fredric Jameson, Marxistang intelektuwal, kakatuwa na ipagdiwang ang umano’y kamatayan ng Marxismo kasabay ng umano’y tagumpay ng kapitalismo, dahil “Marxism is the very science of capitalism” [“Actually Existing Marxism,” 1993]. Hindi mawawalan ng kabuluhan ang Kaliwa hangga’t hindi nagbabago ang bulok at makauring lipunang sinusuri-binabago nito.

(4) May tinutumbok ang mga binabanggit na pagkakamali ng hayag na Kaliwa: boykot noong 1986, Manny Villar noong 2010, at Duterte noong 2016. Ang gusto, basta na lang kumampi ang Kaliwa sa paksyong Aquino ng mga naghaharing uri. Sa una, tanggap ng Kaliwa na mali ito. Sa ikalawa, ni hindi kinausap ang Kaliwa ni Noynoy, hanggang 2016 at higit pa. Sa ikatlo, si Duterte ang nangako ng mga patakarang anti-neoliberal.

Pero isa sa mga kagyat na hamon ng panahon ay labanan ang paghaharing awtoritaryan at lumaban para sa demokrasya at karapatang pantao. At inililihis ng ganitong pagbato ng putik sa Kaliwa ang pansin mula sa mas mahalagang isyu para magawa ito. Ginagawa ng Kaliwa ang papel nito, pero hindi ginagawa ng paksyon ng naghaharing uring yumayakap umano sa mga prinsipyong ito ang papel nito. At bahagi ng kahinaan nito ang hindi pagkilala sa papel ng Kaliwa sa pagsusulong ng demokrasya at karapatang pantao sa bansa at paninindigan para rito.

(5) Matindi ang akusasyon ng editoryal: ang umano’y “urban assassinations” ng Kaliwa noong dekada 1980 ang nagbigay kay Duterte ng “blueprint para sa Tokhang.” Saang lupalop hinugot ang pagsusuring ito? Parang galit na matagal na kinimkim ng isang Rejectionist. Parang iyung anti-komunistang akusasyon na sa sosyalistang Unyong Sobyet kumuha ng ideolohiya at plano ang Nazismong Aleman — gayung sa mahabang kasaysayan ng kolonyalismo talaga nagmula at humalaw.

Ang mas malapit na pinagkuhanan ng Tokhang ni Duterte ay ang mga ekstrahudisyal na pagpaslang sa mga aktibista sa panahon ng kaalyado niyang si Gloria Macapagal-Arroyo. At kung uugatin pa, bilang mga pagpaslang sa mga aktibista at rebolusyunaryo, sa programang kontra-insurhensya ng US sa Vietnam (Oplan Phoenix) at Latin America (Oplan Condor). Sa buong panahon pala, iniisip ng nagsulat ng editoryal na ang pagpaslang ni Duterte sa mga aktibista ay isang porma ng “karma”? Kasamaan!

(6) At dahil inungkat ng editoryal ang lahat ng puwedeng  ungkatin sa okasyon ng kamatayan ni Sison, sinabi nitong wala nang “moral ascendancy” ang rebolusyunaryong Kaliwa dahil sa “internal purges kung saan pinatay ng kasama ang kapwa kasama, [at] sa abductions at summary executions ng pinaghihinalaang ahente sa komunidad.” Mga pagkakamali ito ng Kaliwa sa isang partikular na yugto ng kasaysayan nito, na kinilala at iwinasto nito. Sinikap din nitong papanagutin ang mga maysala.

Pero sa mga pagkakamali lang ba susukatin ang “moral ascendancy” ng Kaliwa? Hindi ba kasama ang walang patid na pagsanib at pagsasatinig sa buhay at pakikibaka ng mga mamamayan? At nagsasalita ang editoryal tungkol sa “lahat ng rebolusyon,” bagay na inaaming masalimuot at marahas ng mga nagsusulong nito. Malinis ang hinaharaya nitong rebolusyon, na tipong mulat na pinipili ng mga mamamayan dahil sa “moral ascendancy” nito. Hindi ba nagtatagumpay ang rebolusyon, madalas, sa pagguho ng kalaban, sa pagkapit sa rebolusyon ng mga mamamayan dahil wala nang makapitan, sa aktibong pagkilos ng kritikal na hanay ng masa?

May mga usapin ng datos na ibinabato ang editoryal. Isa ang disposisyon ng mga uri ngayon sa bansa. Kinukutya nito ang matatanda sa pakikibaka, pero ito ang tila pagod at sinikal na kung magsuri: “ang wait-and-see attitude ng woke elite at middle class kay Marcos Jr., at… ang apathetic youth na hindi na talaga makakarelate sa ideyolohiya ng marahas na rebolusyon.” Kakatwa ang pagmaliit sa panggitnang uri at kabataan, na nagpamalas ng ibang antas ng pagkilos nitong kakatapos na eleksyon.

Ikalawa, ang pagiging mahina ngayon ng Kaliwa, na agad na tinuntungan ng editoryal para sabihing wala na itong kabuluhan. Krudong pag-iisip ito at hibo ng mekanikal na materyalismo ng pandaigdigang kilusang Kaliwa noon. Malinaw si Sison: “the ever-worsening crisis of the ruling system and escalating conditions of oppression and exploitation favor the continuity and advance of the revolutionary forces.” Nasa panig ng Kaliwa ang mga materyal na kalagayan, bagamat maaari itong lumakas-humina.

Gaya ng sinabi ni Sison, ang reyalidad ng tunggalian ang magpapasya sa paglakas o paghina ng Kaliwa. Ayon nga sa pagmumuni ni Caroline S. Hau sa nobela ni Ramon G. Guillermo, mga progresibong intelektuwal: “history cannot be secured with either certainty or hard-and-fast rules.” Dagdag pa niya, “It is precisely because history is open-ended that political decision and struggle are necessary; in history’s open-endedness lies the hope that things can change for the better” [Elites and Ilustrados in Philippine Culture, 2017].

Anuman ang katotohanan sa kasalukuyang lakas ng Kaliwa ang nasabing mga usapin ng datos na binanggit ng editoryal ay mas mainam ding kilalanin na mga hamon sa praktika ng Kaliwa, kasama ang ibang usaping inihapag nito: lalong gagapin ang kalagayan ng lipunan, magpalawak ng hanay sa kabataan, alpasan ang atake ng militar, panatilihing buhay ang kabuluhan ng Kilusan, panghawakan ang mga aral ng pakikibaka para maiwasan ang mga pagkakamali ng nakaraan, at iba pa.

Ang matibay na diwang palaban ay hindi iyung pilit pinapaganda ang pagsusuri sa reyalidad nang labag sa reyalidad, kundi iyung tinatanggap ang masamang lagay ng reyalidad at nagpapasya pa ring sumulong mula rito. Sa editoryal, sinusuri si Sison bilang lider ng isang malakas nang Kilusan. Pero mahalaga ring balikan ang isa pang Sison: ang nagpunyaging buhayin ang alab ng pakikibaka mula sa abo ng pagkalupig ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas noong dekada 1950, kasagsagan ng Cold War. Isa ito sa di-matatawarang kabuluhan niya: binasag niya ang takot at katahimikan, at ibinangon at itinawid ang kilusang mapagpalaya sa isang mahalagang panahon, na umabot hanggang ngayon.

Sa dulo, panawagan ng editoryal na magtasa at maglagom ang Kaliwa sa karanasan nito. Kung maglalagom man ngayon ang Kaliwa, tiyak na hindi ito sa balangkas-kulungan ng kaisipan ng nagsulat ng editoryal: ideyalista at elitista sa mga sanhi ng pagkilos ng masa, nang-iinsulto sa matatandang aktibista at rebolusyunaryo, kumukuwestyon sa nagpapatuloy na kabuluhan ng pakikibaka, gusto ng awtomatikong pagpanig ng Kaliwa sa isang paksyon ng naghaharing uri na sarado ang pinto rito, at ibayong nagpapalaki ng mga pagkakamaling nagawa ng Kaliwa.

Ano ang itsura ng Kaliwa kung masusunod ang editoryal sa pagsantabi kina Joseph Stalin, Mao Zedong at Jose Maria Sison? Siguro’y repormista at elektoralistang sosyal-demokrata, nangangarap ng insureksyon sa malayong hinaharap pero walang tanaw na baguhin ang sistema kaya hindi nakalubog at nagpapalakas sa hanay ng masa. Walang makabuluhang paglalagom ng Kaliwa na tatalikod sa mga turo ng mga nabanggit na guro.

Nagpapanggap ang editoryal na gustong paunlarin ang Kaliwa, pero halatang pagkalusaw ang gusto nito. Iyan ang tinutukoy nitong “rebolusyon mula sa loob.” Wala itong diwang tumulong, kundi mang-insulto lang. Pero ano ang sabi ng kanta ng Kaliwa? “Tayo ngayo’y inaalipin” at inaalipusta rin, “subalit atin ang bukas” — hindi bilang katiyakang naghihintay, kundi hinaharap na pinapanday batay sa mga paborableng kalagayan.