FEATURED

Kuwentong nakakaiyak: Danas ng isang magsisibuyas


Tatlumpung taon nang nagsasaka ng sibuyas si Nanay Merlita. Aniya, buhay ng paglaban ang buhay ng magsisibuyas.

Inabutan naming inaani ni Nanay Merlita Gallardo ang kanilang pananim na sibuyas kahit hindi pa panahon. Gusto niya kasing samantalahin na mataas ang presyo ng sibuyas sa merkado at maunahang maibenta ang kanilang mga ani bago ibagsak sa merkado ang 21,000 metriko toneladang sibuyas na aangkatin ng Department of Agriculture (DA).

May 30 taon nang nagsasaka ng sibuyas ang pamilya ni Nanay Merlita sa Bayambang, Pangasinan. Dito na siya nagkaasawa at nagkapamilya at kahit paulit-ulit ang kuwento ng pagkalugi dahil sa taas ng gastos sa produksiyon at kawalan ng suportang serbisyo ng pamahalaan, laban lang nang laban ang alam nilang paraan upang mabuhay.

“Ang buhay ng magsisibuyas ay laban nang laban,” aniya.

Walang sariling lupa at nakikitanim lang ang kanilang pamilya. Inuupahan nila ang 1.2 ektaryang lupa ng halos P350,000 sa panahon ng taniman ng sibuyas simula buwan ng Oktubre.

Labas sa halagang ito ang gastos sa binhi, pataba, patubig at gasolina. Hindi rin kasama sa kuwenta ang oras, pagod at pagkain na ginugugol ng kaniyang pamilya para maghintay ng 120 araw bago umani ng sibuyas.

Nasa P2,480 kada lata ang presyo ng binhi kumpara sa P600 na binhi ng mais. Karaniwang 12 lata ang kailangan para sa isang ektaryang taniman.

Halos umaabot na ang kanilang utang sa kalahating milyong piso para lamang makapagtanim at makapag-ani ng sibuyas. Kapag minalas at sinalanta pa ng pesteng harabas o armyworm ang kanilang tanim, uulit sila at muling mangungutang ng puhunan.

Wika ni Nanay Merlita, tatlong sunod-sunod na taon na silang lugi. Hindi na kinaya nang kaniyang asawang si Mang Rogelio ang problemang ito at kinitil ang sariling buhay sa pamamagitan ng pag-inom sa lason sa peste noong nakaraang taon.

Ayon kay Nanay Merlita, wala silang pinag-awayan ng asawa noong araw na iyon at sa mga kuwento ng kaibigan ng kaniyang asawa, hindi na raw nito kinaya ang depresyon dahil sa utang at pineste nilang taniman ng sibuyas. 

Masama din ang loob ni Nanay Merlita sa pagkamatay ng asawa dahil naiwan sa kanya ang lahat ng responsibilidad at mag-isa niyang hinaharap ang mga pagsubok.

Bagaman meron naman siyang apat na anak, iba pa rin aniya ang may katuwang sa buhay na nakakausap at nakakasama araw-araw lalo na sa mga gawain sa bukid. 

Hindi naman nagbago ang iniwang sitwasyon ng asawa.

Madalas, ‘di pa man inaani, may mga nag-aalok nang bilhin sa paluging presyo ang mga sibuyas. At dahil wala namang storage facility ang mga magsasaka, napipilitan silang magbenta kaysa mabulok ang mga ito. Bumabagsak ang presyo nito sa halagang P20 kada kilo. 

Bakit nga ba mataas ang presyo sa merkado?

Mismong ang DA ang nagtakda sa P250 kada kilo bilang suggested retail price para sa pulang sibuyas. Subalit sumisipa ito sa merkado ng P550 hanggang P700. Patunay na walang ngipin ang ahensiya para kontrolin ang umiiral na presyuhan. 

Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson emeritus Rafael “Ka Paeng” Mariano, talagang mataas ang gastusin sa pagtatanim ng sibuyas. Higit pa itong pinalala ng kawalan ng tulong ng pamahalaan lalo na sa panahon ng taniman at pamilihan.

Importasyon lang ang laging tugon ng DA sa panahong aani na ng sibuyas mula Pebrero hanggang Mayo.

Para kay Ka Paeng, solusyong tamad ang pag-aangkat at hindi ito kailanman sasagot sa problema ng self-sufficiency sa sibuyas at iba pang produktong agrikultural.

Dagdag pa niya, kailangang may sariling lupa ang mga magsasaka. Kapag may sapat na alalay para sa magandang binhi at iba pang serbisyo, mas gaganda ang ani.

Kung maganda ang ani at mabibili nang tama ang farm gate price ng sibuyas, tataas ang netong kita ng mga magsasaka. Magaganyak pa silang magtanim at abutin ang self-sufficiency sa sibuyas. Hindi na kailangan ang importasyon.

Pansamantalang ipinatigil ng DA noong Enero 13 ang pagbebenta ng sibuyas sa Kadiwa Store dahil tapos na ang memorandum of agreement nito.

Subalit sabi ni Ka Paeng, “Nandiyan na ang mga imported na sibuyas. Siguradong may usapan na ang DA at ang mga importers. Itinigil muna ng DA ang bentahan ng mas murang sibuyas sa Kadiwa para kumita ang importers. Sa huli, lugi pa rin ang masang mamimili at mga local onion grower.”

Ayon sa pahayag ng KMP, sa gitna nang pagkakaroon ng sapat na suplay ng sibuyas sa bansa, bukod sa lansakang ismagling ng sibuyas at iba pang gulay mula sa Tsina na pumapatay sa mga lokal na magsasaka, isa ang kartel sa dahilan kung bakit nagkakaroon ng manipulasyon sa presyo ng suplay ng sibuyas. 

Dagdag pa ng grupo, sa halip na tugunan ang hiling ng mga magsasaka at mamimili sa mas epektibo at pangmatagalang solusyon sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin, importasyon pa rin ang nakitang solusyon ng gobyerno.

“Ang dapat palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain, hindi importasyon,” panawagan ng grupo ng mga magsasaka.

Ang mga larawan sa artikulong ito ay larawan ng mga magsasakay ng sibuyas sa Bayambang, Pangasinan, ang kilalang onion capital ng Ilocos Region. Larawan nina Gabo Pancho at Catrina Rae ng Film Weekly.