Ang laro ng kapangyarihan sa “Triangle of Sadness” ni Ruben Ostlund


Hindi nagpapasintabi ang “Triangle of Sadness” (2022) ni Ruben Ostlund sa matalas na pagsusuri nito sa ultra-rich na tinatawag. Bilang satirikong pelikula, hayag nitong ginagawang katatawanan ang kahihiyan ng mayayaman. Hinihila nito ang manonood na maging kaisa sa pagtunghay sa mga indibidwal na ito na may nakahanda nang pag-uuyam sa mga ito.

Triangle of Sadness

Hindi nagpapasintabi ang “Triangle of Sadness” (2022) ni Ruben Ostlund sa matalas na pagsusuri nito sa ultra-rich na tinatawag. Bilang satirikong pelikula, hayag nitong ginagawang katatawanan ang kahihiyan ng mayayaman. Hinihila nito ang manonood na maging kaisa sa pagtunghay sa mga indibidwal na ito na may nakahanda nang pag-uuyam sa mga ito.

Sa gitna ng film festival circuit at mas malawakang pagpapalabas sa publiko, lalo pang humatak ng atensyon ang pelikula dahil sa pagtatanghal ng Pinay na aktres na si Dolly de Leon.

Naging usap-usapan ang kanyang natatanging pagganap sa karakter na si Abigail na siya ring humatak ng mas marami pang manonood, Pinoy man o hindi. Si Abigail ay isang karakter na lalong nagpatingkad sa kritisismong hinahatid ng “Triangle of Sadness” hinggil sa linya sa pagitan ng mayaman at mahirap na pinakanakita sa dinamiko ng mga karakter na lulan ng cruise ship.

Bukod kay Abigail, masinsin ang paglikha at pagtatanghal ng pelikula sa bawat karakter nito—mula sa magkarelasyong model-influencer, isang Rusong kapitalista, ang mag-asawang manufacturer at supplier ng mga bomba’t granada, tungo sa isang Marxistang Amerikanong kapitan ng cruise ship. Ang ganitong dinamismo ng mga karakter ang nakapagbigay daan upang mapaigting ang herarkiya kung saan nakatungtong ang pelikula.

Bilang isang Pilipinang maintenance worker sa isang cruise ship, malay si Abigail sa linya na naghihiwalay sa kanya sa kanyang mga pinagsisilbihan. Sa second act ng pelikula kung saan ang tuon ay nasa mga manlalakbay ng cruise ship, malinaw ang kaibahan ng mga naninilbi sa sinisilbihan—sa ganitong paraan.

Naipakikita rin ng pelikula na hindi basta basta nagtatagpo ang magkakaibang mundo ng dalawang ito. At ang upper hand ay lagi’t laging nasa mas may mayaman, ang siyang itinakdang may hawak na kapangyarihan. Subalit ang pagpoposisyon na ito sa mga karakter ay biglang nabaliktad kasabay ng paglubog ng barko—pagdating sa isla kung saan tila napawalang-silbi ang kahit anong kapital na naging puhunan ng mga karakter bago umapak sa barko.

Dito naiiba si Abigail, wala siyang puhunan kundi ang pangsariling karanasan bilang isang manggagawa, sa isang isla kung saan ang kanyang kakayahan ang nagsilbing sagisag ng kaligtasan. Nagbagong anyo ang karakter ni Abigail bilang “captain” ng isla kung saan siya ang naging tagapagtakda kung paano iiral ang grupo—paano makakain, paano matutulog, paano mananatiling buhay. 

At tulad ng marami pang kuwento hinggil sa kapangyarihan at kung paano nito binabaluktot kahit pa ang mga mabuti—sinubukan ni Ostlund na palitawin itong tila gamit na gamit nang mensahe, na “power corrupts all.”

Kung tutuusin, pinakikita ng pelikula na hindi naman nagkakalayo ang mga desisyon ng mga karakter, mahirap man o mayaman—parehong kaduda-duda at katawa-tawa ngunit ang sa mayaman pa rin ang tila mas pinapanigan. Kumbaga, maaaring ikatuwa ang sa mayaman, ang sa mahirap na manggagawa naman ay naipipinta bilang mala-kriminal.

Sa pagtatapos ng pelikula, sa pagtatampok sa nabuong galit sa loob ni Abigail, tila nag-iiwan ito ng tanong: karapat-dapat ba talagang bigyan ang inaapi ng kapangyarihan?