CPA sec gen, naghain ng retrial sa kasong cyberlibel

,

Litisin muli ang kaso. Ito ang inihaing mosyon ni Cordillera Peoples Alliance (CPA) secretary general Sarah “Bestang” Dekdeken sa Baguio City Regional Trial Court (RTC) noong Enero 19.

Larawan mula sa Stand With Sarah “Bestang” Dekdeken Facebook Page

Litisin muli ang kaso. Ito ang inihaing mosyon ni Cordillera Peoples Alliance (CPA) secretary general Sarah “Bestang” Dekdeken sa Baguio City Regional Trial Court (RTC) noong Enero 19.

Ito ay matapos mahatulan siyang guilty ng Regional Trial Court (RTC) Branch 59 sa kasong cyberlibel na isinampa ni dating Police Regional Office Cordillera director BGen. R’Win Pagkalinawan.

Sa pahayag ng CPA, binansagan nila ang hatol bilang bahagi ng mga atake sa katotohanan at kalayaan sa pagpapahayag.

“This court ruling borne of an unscrupulous justice system gives an impression that even truth is without potency when we hold state entities to account for their actions against the people,” sabi ng CPA.

Sinampahan ng kasong cyberlibel ni Pagkalinawan si Dekdeken sa mga pahayag sa isang press conference hinggil sa naging bahagi ng heneral sa demolisyon ng bantayog para sa mga bayani ng pakikibaka laban sa Chico Dam sa Tinglayan, Kalinga noong Enero 2021.

Mariin ding tinutulan ng mga aktibista, historyador at akademiko ang demolisyon ng monumento.

Ani Dekdeken, ibinahagi lamang niya ang ulat ng komunidad tungkol sa pagkawasak ng monumento at ang naging bahagi ng heneral dito. Iginiit pa niya na mismong ang “sources” niya ang nagsabing si Pagkalinawan ang nagbitaw ng utos para isagawa ang demolisyon.

Maaalalang inihain ng Gabriela Women’s Party (GWP) ang House Resolution No. 1378 upang imbestigahan ang demolisyon.

Ayon sa GWP, malaking dagok sa kasaysayan ng mamamayang Kordilyera ang pagwasak sa bantayog na inaalala ang mga bayani ng pakikibaka laban sa Chico Dam na sina Macliing Dulag, Pedro Dungoc at Ama Lumbaya Gayudan.