Pagkilos para sa dagdag-sahod kasabay ng ILO-HLTM, hinarang ng PNP Iloilo

Sa kabila ng isinagawang high level tripartite mission (HLTM) ng International Labour Organization (ILO) sa bansa, sinupil ng pulisya ang pagkilos ng mga progresibong grupo sa Iloilo City na nanawagan para sa umento sa sahod at pagbaba ng mga presyo ng bilihin.

Pagsalubong ng mga manggagawa sa mga delegado ng high level tripartite mission (HLTM) ng International Labour Organization (ILO). Larawan mula sa Mayday Multimedia

Sa kabila ng isinagawang high level tripartite mission (HLTM) ng International Labour Organization (ILO) sa bansa, sinupil ng pulisya ang pagkilos ng mga progresibong grupo sa Iloilo City na nanawagan para sa umento sa sahod at pagbaba ng mga presyo ng bilihin.

Nagprotesta noong Enero 25 ang mga grupo sa tapat ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board-Region VI dahil sa implasyon sa Western Visayas na umaabot na sa 10.4% na pinakamataas sa buong bansa.

Ang pagtaas ng implasyon ay dulot ng kawalan ng suporta ng gobyerno para sa lokal na produksyon at pagpatupad ng mga patakarang nagpapahintulot sa mas maraming pag-aangkat at panghihimasok ng mga dayuhang kumpanya.

Giit ng mga nagprotesta na hindi sapat ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa rehiyon na P450 sa pagtugon sa nagsisiritang mga presyo. Lalong kapos din ito sa nakabubuhay na sahod na nakatakda ngayon sa P1,146, ayon sa Ibon Foundation.

Bagaman nanghihingi lamang ang mga grupo ng pananagutan mula sa gobyerno, pinagkaila ng pulisya ang kanilang karapatang maghapag ng mga makatwirang panawagan.

Natapos noong Enero 27 ang pag-iimbestiga ng ILO sa gobyerno ng Pilipinas hinggil sa pag-atake nito sa mga manggagawang lumalaban para sa taas-sahod, regularisasyon at malayang pag-oorganisa. /Ulat mula sa Mayday Multimedia