Dekanong Makabayan

Paglaya ni Maria Ressa


Isang tagumpay para sa malayang pamamahayag ang pagpapawalang sala kay Maria Ressa. Mangyari lang na magkaroon pa ng maraming tagumpay para sa pending cyberlibel conviction ni Ressa sa Supreme Court, sa kaso ni Frenchie Mae Cuipino, isang community journalist na inaresto sa Tacloban City noong Pebrero 2020, at sa kaso ng cyberlibel ni Frank Cimatu na isang Baguio journalist.

Maria Ressa

Pinawalang sala ng Court of Tax Appeals (CTA) ang Rappler Holdings Corporation (RHC) at ang presidente nito, si Maria Ressa mula sa tatlong bilang ng failure to file tax returns at isang bilang ng tax evasion. Nag-ugat ang kaso mula sa reklamo ng Bureau of Internal Revenue (BIR)

Nagsampa ng kaso ang Department of Justice (DOJ) noong ika-26 at 28 ng Nobyembre dahil sa paratang na tumungo sa tax evasion ang pagkuha nila ng kapital sa North Base Media (NBM) at Omidyar Network (ON). Kabilang rito ang issuance ng Philippine Depositary Receipts o PDRs sa dalawang network.

Noong ika-18 ng Enero 2023, pinawalang sala na ng CTA ang RHC at si Ressa, isang Nobel Peace Prize winner, mula sa kaso ng tax evasion na isinampa ng administrasyong Duterte. Nasa halaga ito ng P70.228-milyon.

Sa desisyong nakakahon sa 80 na pahina noong ika-18 ng Enero, pinawalang sala ng CTA First Division si Ressa at ang RHC mula sa apat na kaso na nakapailalim sa paglabag ng National Internal Revenue Code (NIRC). Ayon sa desisyon ng CTA, “accused Rappler Holdings and Maria A. Ressa are acquitted, for the failure of the prosecution to prove their guilt beyond reasonable doubt.

Inilahad din ng CTA na, “No civil liability may be adjudged against the accused as the alleged unpaid tax obligations have not been factually and legally established and proven.”

Dahil sa desisyon ng CTA, ipinakansela na nila ang piyansa na ibinigay ng inakusahan. Dagdag pa rito, inatas ang kanilang paglaya mangyari lamang na ipakita ang mga kinakailangang dokumento gaya ng nakaugaliang mga tuntunin.

Kabilang sa kaso ang PDRs na ibinigay ng Rappler sa NBM Rappler L.P. at ON na pagmamay-ari ng eBay founder na si Pierre Omidyar.

Ayon sa CTA, wala namang nagsasabi mula sa PDR Instruments at PDR Subscription Agreements na magiging pagmamay-ari ng NBM at ON ang stocks ng Rappler sa pagbigay sa kanila ng PDRs.

Paragraph 4 of the PDR Instrument, stipulates that the ownership of the shares of stock of RI remains with the issuer RHC,” ayon sa tax court. Ibig sabihin, walang bisa ang Section 254 at 255 ng 1997 NIRC dahil hindi kinailangang magbayad ng Rappler ng income tax at Value Added Tax (VAT) sa PDR transactions noong 2015. Kaya naman pinawalang sala ng CTA ang Rappler at si Ressa.

Idiniin din na mayroon lamang karapatan ang PDR holder na bilhin ang shares ng RI sa ilalim ng mga tiyak na kondisyon, at walang batas na nagbabawal ng foreign ownership sa operating entity.

Isinulat ni Associate Justice Catherine Triunfante Manahan ang desisyon na may suporta nina Associate Justices Jean Bacorro-Villena at Marian Ivy Reyes-Fajardo mula sa CTA First Division.

Apat na taon ang lumipas bago naisara ang kasong ito na isinampa ng administrasyong Duterte laban kay Ressa at sa Rappler.

Ayon sa International Center for Journalists, ipinapakita ng acquittal na maaaring baliktarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang media repression na nangyari noong batas militar. Ayon naman sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), tagumpay ng mga mamamahayag at ng batas ang acquittal na ito. Sinabi rin ng NUJP na ipinapakita ng mga kaso ni Ressa at ng Rappler ang paggamit ng batas upang pagbantaan ang mga mamamahayag at ordinaryong mamamayan.

Isang tagumpay para sa malayang pamamahayag ang pagpapawalang sala kay Maria Ressa. Mangyari lang na magkaroon pa ng maraming tagumpay para sa pending cyberlibel conviction ni Ressa sa Supreme Court, sa kaso ni Frenchie Mae Cuipino, isang community journalist na inaresto sa Tacloban City noong Pebrero 2020, at sa kaso ng cyberlibel ni Frank Cimatu na isang Baguio journalist. 

Nawa’y manaig ang malayang pamamahayag sa ating bansa.