Dekanong Makabayan

Pakikibaka para sa Masungi


Hindi pa tapos ang laban ng Masungi. Kamakailan, mayroon na namang lumitaw na gustong gamitin ang georeserve. Noong ika-17 ng Pebrero, sinabi ni General Gregorio Catapang, Bureau of Corrections (BuCor) acting Director, na gagamitin ang Masungi para sa bago nilang headquarters.

Masungi Georeserve

Mahalagang parke ang Masungi Georeserve. Kilala ito sa magandang tanawin at sa mabuting pagtingin nito sa conservation.  Pinagsasama nito ang turismo at pangangalaga sa kalikasan. 

Naging kilala rin ang Masungi dahil lagi itong inaatake. Palaging may gustong manamantala dito sa iba’t ibang paraan gaya ng land-grabbing, deforestation, at quarrying. 

Hindi pa tapos ang laban ng Masungi. Kamakailan, mayroon na namang lumitaw na gustong gamitin ang georeserve. Noong ika-17 ng Pebrero, sinabi ni General Gregorio Catapang, Bureau of Corrections (BuCor) acting Director, na gagamitin ang Masungi para sa bago nilang headquarters. Isang araw bago niya ito sabihin, iniulat ng Masungi Georeserve Foundation na nagsagawa ng ‘ocular inspection’ ang BuCor para sa bagong relocation site ng New Bilibid Prison (NBD). Ayon sa BuCor, nakuha nila ang titulo para sa 270 hectares ng Lot 10. Sinabi ng BuCor at Department of Justice (DOJ) na ang relocation ay paraan ng pagpapaluwag ng Bilibid dahil nga labis na ang populasyon sa Muntinlupa. 

Sa Proclamation 1158 noong 2006, panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo, ibinigay ang 270 hectares ng lupa para sa bagong NBP ayon sa rekomendasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kung iisipin na magbibigay ng mas malaking espasyo ang relocation ng NBP, maganda naman itong proyekto. Ngunit kailangang tanungin kung angkop ba ang Masungi para dito.

Ibinigay na ng Masungi Georeserve Foundation ang pinakasimpleng sagot, ‘geologically unbuildable’ ang Lot 10 kaya’t kung ipipilit rito ang NBP, magiging mas malaki ang gastos. Ngunit higit pa sa praktikal na sagot, mahalaga naman talagang i-preserve ang Masungi Georeserve. Kaya nga’t ang panawagan ng mga tao ngayon, “Save Masungi.”

Kilala ang Masungi sa geotourism ngunit higit dito, conservation area ito. Pinoprotektahan nito ang sungki-sungki at malalaking limestone pati na ang higit sa 400 na species ng flora at fauna na ilan ay endemic sa Pilipinas. Inaalagaan at nire-restore din ng georeserve ang kagubatang nasira ilang dekada na ang nakalipas.

Ayon sa papel ng National Museum na lumabas noong 2022, mas mabuting hindi galawin ang Masungi dahil sensitibo ito sa kahit anong human activity, lalo na kung may kinalaman sa lupa o tubig. Ito ay dahil karstic region ang Masungi. Ibig sabihin, hinugis ang carbonate bedrock ng tubig. Sa kaso ng Masungi, limestone ang bato. Binanggit sa ulat na sensitibo sa kahit anong pagbabago ang karstic regions kaya’t mahalagang hindi ito galawin.

Bahagi rin ng Sierra Madre mountain range ang Masungi na kilala sa proteksiyon na ibinibigay nito sa Luzon laban sa pinakamalalakas na bagyo. Sa pagharap sa patindi nang patindi na mga bagyo dahil sa climate change, mahalagang protektahan ang ating mga bundok upang hindi makompromiso ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Isa pang palaisipan ang kahalagahan ng conservation sa kalagitnaan ng climate change. Mabuti at marangal na ginagawa ito ng Masungi Georeserve sa kabila ng mga atake. Importante itong simbolo na nagpapaalalang prayoridad dapat natin ang pangangalaga sa kalikasan.

Sa mundong nalulunod sa ideya ng urbanization at overdevelopment, mahalagang alalahanin ang conservation. Hindi lamang ito mahalaga dahil pinoprotektahan ng kalikasan ang tao kundi dahil nagbibigay ng mas luntiang recreational space ang conservation areas gaya ng Masungi. Lalo na sa mga siyudad gaya ng Metro Manila, mahirap humanap ng mga espasyong pupuntahan kung saan mararanansan pa ang kalikasan. Kakaunti at laging puno ang mga parke. Pipiliin pa ba nating bawasan ang iilan sa mga natitirang luntiang espasyo?

Maaaring para sa iba, tila magkatunggali ang prinsipyo ng conservation at development, ngunit kung iisipin, maaari itong magtulungan. Ang Masungi mismo ay patunay nito. Kung titingnan, kinailangang i-develop ang Masungi para maging parke, ngunit ginawa ito sa paraan na naaayon sa kapaligiran nito. At ang development na ginawa nila ay tinutulungan naman silang panatilihing conservation area ang lugar.

Kaya naman tumitindig ako at nakikiisa sa panawagan na protektahan at iligtas ang Masungi. Hindi lamang ito simbolo, kundi mahalagang lugar ng biodiversity at geological heritage, at isa ring paalala na hindi magkalaban ang development at conservation. 

Maaaring malakas ang mga atake laban sa Masungi, ngunit naniniwala akong mas matibay ang kahalagahan nito pati na ang mga tumitindig kasama nito. Save Masungi!