Editoryal FEATURED

Para sa sariling kaligtasan


Malinaw na kaya pumasok sa politika si Marcos Jr. at ang iba pa niyang kaanak ay hindi para maglingkod sa mamamayan, kung hindi para sagipin ang kanilang mga sarili at linisin ang kanilang pangalan.

Marcos Family

Sa huling biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Davos, Switzerland para sa World Economic Forum (WEF), sinabi niya ang dahilan ng kanyang pagpasok sa politika nang makabalik noong 1991 mula sa pagkakadistiyero sa Estados Unidos matapos ang unang EDSA People Power.

“For us to defend ourselves politically, somebody had to enter politics and be in the political arena,” sambit ni Marcos Jr. sa isang one-on-one conversation kay WEF president Børge Brende.

Sa mga salitang ito ng anak ng napatalsik na diktador, malinaw na kaya pumasok sa politika si Marcos Jr. at ang iba pa niyang kaanak ay hindi para maglingkod sa mamamayan, kung hindi para sagipin ang kanilang mga sarili at linisin ang kanilang pangalan.

Matatandaan na sa halalan noong 1992, nabigo si Imelda Marcos sa kanyang pagtakbo sa pagkapangulo habang nanalo naman si Marcos Jr. bilang kongresista sa ikalawang distrito ng Ilocos Norte.

Nahalal ding gobernador ng Ilocos Norte ang unico hijo ng diktador noong 1998 at naging senador noong 2010 ngunit bigong nasungkit ang pagiging bise presidente noong 2016.

Sa kasalukuyan, senador si Imee Marcos, house speaker ang pinsang si Martin Romualdez, kongresista ang panganay na si Sandro Marcos at gobernador ng Ilocos Norte ang pamangking si Matthew Manotoc.

Naging kongresista ng unang distrito ng Leyte mula 1995 hanggang 1998 at ikalawang distrito ng Ilocos Norte mula 2010 hanggang 2019 naman ang matriyarkang si Imelda ng dinastiyang Marcos.

Maliban sa kanila, marami pang kamag-anak ng mga Marcos at Romualdez ang humawak ng iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.

Unti-unting umakyat ang pamilyang Marcos sa kapangyarihan mula nang mapalayas sa Malacañang matapos ang pag-aalsa sa EDSA noong 1986. Tiyak na masusi, kalkulado at binuhusan ng salaping ninakaw ang kanilang bawat hakbang upang makabalik sa poder.

Ngunit isang bagay ang malinaw, hindi totoong naglilingkod ang mga Marcos sa mamamayang Pilipino. Makasarili at uhaw sa kapangyarihan ang pamilyang ito. Hindi dapat nating hayaang muling lapastanganin ng pamilyang ito ang ating bayan.