Rebyu

Buhay sa bingit ng kasaysayan


Hindi lahat magkakaroon ng inaasahang pagsasara. Pero ang importante ay kung paano natin itutuloy ang kuwento ngayong binabaluktot ang ating kasaysayan at nasa oras din tayo ng peligro sa panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan.

Laganap man ang pambabaluktot sa kasaysayan at buhusan man ng salapi ang pagpapabango sa imahe ng mga Marcos, mayroon pa ring patuloy na titindig para sa katotohanan, gaya ng pelikulang “Oras de Peligro.”

Isinisiwalat ng pelikula ang mga pangyayari sa huling apat na araw ng diktadurang Marcos gamit ang dramatisasyon at archival footage. Uminog ang kuwento sa isang ordinaryong pamilyang naghahanap ng hustisya.

Namamasukang kasambahay si Beatriz (Cherry Pie Picache). Habang drayber ng pampasaherong jeep ang kanyang asawa na si Dario (Allen Dizon).

Simpatiko sa mga nagpoprotesta si Dario kaya hinihimok siya ni Beatriz na huwag nang makialam. Marahil namulat si Dario sa kahirapan dahil sa ama (Nanding Josef) na isang lider-magsasaka.

Mayroon silang dalawang anak—si Nerissa (Therese Malvar) na isang estudyante at si Jimmy (Dave Bornea) na abala sa paghahanap ng trabaho at nadamay nang inaresto ang mga nagwelga sa papasukan nyang kumpanya.

Sa araw ding yun, pinaslang ng mga pulis si Dario at pinalabas pang sangkot sa holdapan. Nasaksihan ito ni Rita (Elora Españo). Gaya ng maraming Pilipinong napipi sa nakikitang karahasan.

Para pagtakpan ang krimen, ipinagkait ng Metrocom ang bangkay ni Dario sa pamilya upang hindi masuri at malaman ang totoong dahilan ng kanyang kamatayan.

Dahil sa kagipitan, humingi ng tulong si Nerissa kay Bembol (Allan Paule) ngunit tinangka s’ya nitong gahasain. Isang manipestasyon na pinalalala ng kahirapan ang kultura ng pang-aabuso sa kabataan at kababaihan.

Kung mayroong nagsasamantala, mayroon ding mga bukas sa pagtulong gaya ni Ma’am Jessa (Mae Paner) at ni Doktora. Nakiramay din ang mga taong simbahan at komunidad. Gaya ng EDSA People Power, pagkakaisa ang naging sandigan ng mga ordinaryong tao para lumaban.

Parang gatilyong nagpasabog sa poot nila ang desperadong hakbang ng pulisya na bawiin ang bangkay—tulad nang kung paano naging hudyat ng pag-aalsa ang resulta ng 1986 snap election.

Itinulak ng hinagpis at kagipitan ang pagbabago sa mga karakter. Ramdam ito sa pag-arte ni Picache. Mahuhusay din karamihan ng aktor. ‘Di man inabot ng mga batang aktor ang EDSA People Power, makikita ang internalisasyon sa pag-arteng natural.

Mataas ang naging pagpapahalaga sa pagtipon ng footage, retro set design, color grading at editing para dalhin tayo sa panahon ng 1986. Pinakamahusay na aspeto ang mga archival footage na nagawa nilang itahi sa istorya. 

Dinerehe ni Joel Lamangan at isinulat nina Bonifacio Ilagan at Eric Ramos ang pelikula. Parehong nakulong at natortyur sina Lamangan at Ilagan noong Martial Law.

Nilahad nito ang malawakang diskuntento sa paghahari ni Marcos, ang garapalang dayaan sa snap election, ang pagbaliktad ng mga elementong militar at panawagan ni Manila Arch. Jaime Cardinal Sin sa taumbayan na palibutan ang Kampo Crame at Kampo Aguinaldo sa EDSA. Pinakita rin ang pagtakas ang pamilyang Marcos na tangay na kuwestiyunableng yaman.

Sa istorya, may mga maliliit na kuwentong hindi naisara sa pagtatapos ng pelikula. Nagkaroon ba ng character development ang saksi sa pagpaslang? Naparusahan ba ang ibang tiwaling pulis? Marahil dahil sadyang hindi pa naman natatapos ang kuwento sa EDSA.

Hanggang ngayon, patuloy ang korupsyon, pandarahas at kahirapan. Marami pa ring nagbubulag-bulagan sa nakabuyangyang na katotohanan.

Hindi lahat magkakaroon ng inaasahang pagsasara. Pero ang importante ay kung paano natin itutuloy ang kuwento ngayong binabaluktot ang ating kasaysayan at nasa oras din tayo ng peligro sa panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan.