Teatro

Ang magmahal ay magrebolusyon 


Pagbibigay-pugay ang dula sa isang tauhan ng ating kasaysayan, si Gregoria de Jesus, ang Lakambini ng Katipunan.

Isang karangalan na maging isa sa mga unang nakapanood ng espesyal na pagtatanghal ng “O, Pag-ibig na Makapangyarihan” sa direksyon at panulat ni Bonifacio Ilagan at inihahandog ng Tag-ani Performing Arts Society

Pagbibigay-pugay ang bagong dula ni Ilagan sa isang tauhan ng ating kasaysayan, si Gregoria “Oryang” de Jesus (na ginampanan ni Pau Benitez), ang Lakambini ng Katipunan at kabiyak ni Andres Bonifacio.

Ipagdiriwang ngayong Mayo 2025 ang ika-150 kaarawan ni Oryang at sa selebrasyong ito, nais ng pagtatanghal na ibalik sa alaala ng mga manonood ang diwa ng himagsikan at ang nagpapatuloy na katuturan nito sa ating lipunan—ang pag-aasam ng ganap na pambansang paglaya.

Mula sa maagang bahagi ng kanilang pagmamahalan hanggang sa kadakilaan ng kanilang mga buhay, ipinakita sa pagtatanghal ang bahagi ng kanilang kasaysayan na hindi madalas nababasa o natatalakay sa mga libro o eskuwela.

Hindi naging madali at hindi rin puro kilig ang pagmamahalan ng dalawa. Binalot din ito ng mga pagsubok, pagkalayo, at mga pagtutol. Sa kabila nito, ang kagustuhan ni Oryang na malayang magmahal ang nagtulak sa isang love story na totoong tumatak sa kasaysayan. 

Sa una, inakala kong makikilala ko lang si Oryang at ang kanyang pagmamahal kay Andres sa isang panahon at kontekstong malayo sa aking karanasan. Ngunit higit dito ang kuwento ng pagtatanghal.

Ipinakikilala ni Ilagan ang isang tipo ng pagmamahal at paninindigan ng isang babae na hindi kailanman matutumbasan ninuman—ang lumalagablab na pagmamahal sa bayan, buhay ma’y ialay.

Ipinakita ni Oryang na ang pagmamahal ay hindi pagsunod, ito ay pagpili. Hindi isang tipikal na love story ang “O, Pag-ibig na Makapangyarihan,” at malayo din si Oryang sa imahen ni Maria Clara na kimi, banal at sunud-sunuran.

Isang eksena sa dulang “O, Pag-ibig na Makapangyarihan” sa direksiyon at panulat ni Bonifacio Ilagan. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Umiikot ang kuwento sa pagkilala ni Oryang sa kritikal na sarili, ang paghahanap ng kanyang lugar sa rebolusyon, at ang pagtatangi niya kay Andres bilang isang iniirog at kasama sa pakikibaka. Tunay nga, walang mas matamis na pag-ibig kaysa sa pag-ibig na inialay para sa rebolusyon! 

Liban sa ganda ng naratibo, mahusay din ang paggampan sa bawat karakter. Sa pamamagitan ng mga supporting character, mahusay na napagtagpi-tagpi ang kuwento ng dalawang bida.

Ang higit kong hindi ko inaasahan: kahit ako palang manonood ay karakter din sa pagtatanghal! Isa ito sa pinakanagustuhan ko sa palabas. Naramdaman kong bahagi ako ng kasaysayan at bahagi ako ng pagpapatuloy nito.

Agaw-pansin din sa palabas ang paggamit ng mas makabagong mga pananalita. Nagdagdag ang ganitong masining na desisyon ng pagkakuwela sa buong palabas.

Pero para kay Ilagan, liban sa pagiging nakakatawa, ang dahilan pa ng paggamit ng napapanahong pananalita sa ilang eksena ay para lalong ilapit ang kuwento sa manonood at maparamdam na ang mga karakter ay mga karaniwang tao din sa kanilang panahon.

Hindi lang sa ganitong paraan ipinakita ang pagiging napapanahon ng “O, Pag-ibig na Makapangyarihan.” Ang katuturan nito’y makikita sa ilang paralelismo ng mga danas noon at ngayon—korupsiyon, paniniil, pambubusal, terrorist-tagging at iba pa—na mahusay na naipagtagpo ni Ilagan sa maraming eksena.  

Marami pa ang dapat malaman tungkol sa palabas. Hindi sasapat ang maiksing rebyu na ito para bigyang hustisya ang husay at ganda ng naratibo. Kaya kung ako sa inyo, huwag ninyo nang palampasin ang pagkakataong makapanood.

Opisyal nang nagsimula ang lingguhang pagtatanghal noong Peb. 7 sa Ignacio B. Jimenez Theater ng College of Arts and Letters o IBG-KAL sa University of the Philippines Diliman. Pumunta lang sa opisyal na social media accounts ng Tag-ani Performing Arts Society para sa mga petsa ng palabas at iba pang mahahalagang detalye.

Isama ang inyong sinisinta o kahit ang buong pamilya, barangay at barkada! Ang mga palabas na kagaya nito’y dapat nating ipakalat at ipapanood sa marami, dahil pagbalik ito sa puso ng ating kasaysayan—kasaysayan ng wagas na pagmamahal sa bayan, kasaysayan ng rebolusyonaryong paglaban!