May araw din ng paghuhukom
Sa kabila ng kawalan ng kooperasyon ng kasalukuyang rehimen sa imbestigasyon nito, patuloy ang pakikipag-ugnayan sa ICC ng mga pamilya ng mga biktima ng giyera kontra-droga. Patuloy din silang sinusuportahan ng iba’t ibang grupo na makamit ang katarungan para sa mga mahal sa buhay na walang awang pinatay.
Naglabas kamakailan ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant para kina Russian President Vladimir Putin at Russian Presidential Commissioner for Children’s Rights Maria Alekseyevna Lvova-Belova. Ito ay para sa pagdukot sa mahigit 16,000 kabataang Ukrainian mula nang magsimula ang giyera noong Pebrero 2022.
Ayon sa ICC, maituturing na war crime ang pagdukot sa mga kabataang Ukrainian upang dalhin sa Russia.
Ayon sa mga kritiko ng nagdaang rehimen, isang babala ito kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanyang “giyera kontra-droga” na pumaslang ng halos 30,000 mahihirap.
Itinuturing na crime against humanity ang malawakan at sistematikong pagpatay sa ilalim ng Rome Statute, ang internasyunal na kasunduan at batas na gumagabay sa ICC.
Noong Enero, pinayagan na ng ICC Pre-Trial Chamber I ang pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay ng mga pagpatay na may kinalaman sa droga mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.
Hinimok din ng mga pamilya ng mga biktima ng pamamaslang na makipagtulungan ang kasalukuyang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. sa imbestigasyon ng ICC.
Ngunit ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, bubuo ng isang “independent commission” ang pamahalaan upang imbestigahan ang mga pagpatay para patunayan sa ICC na gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa at ipatigil ang imbestigasyon ng ICC.
Patuloy ding ipinipilit ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na insulto sa soberanya ng Pilipinas ang imbestigasyon at hindi na sakop ng ICC ang mga kaso ng pagpatay sapagkat kumalas na ang bansa sa Rome Statute noong 2019.
Pero para sa ICC, nasa hurisdiksyon pa rin ng korte sa The Hague ang lahat ng pamamaslang sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 nang maging signatory ang bansa sa Rome Statute.
Bumuwelta rin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) nang ipinatupad ang Oplan Tokhang, na hindi siya natatakot sa imbestigasyon ICC. Ngunit sa katunayan, wala pang listahan ng mga akusado na inilalabas ang ICC sa mga kaso ng pagpatay.
Sa kabila ng kawalan ng kooperasyon ng kasalukuyang rehimen sa imbestigasyon nito, patuloy ang pakikipag-ugnayan sa ICC ng mga pamilya ng mga biktima ng giyera kontra-droga. Patuloy din silang sinusuportahan ng iba’t ibang grupo na makamit ang katarungan para sa mga mahal sa buhay na walang awang pinatay.
Umaasa sila na magkakaroon din ng araw ng paghuhukom para kay Duterte sa kanyang tinawag na giyera kontra-droga na sa aktuwal ay naging madugong giyera kontra-mahihirap.