Kapirasong Kritika

BTWT


Kritikal na magsuri sa ngayon at bago, umalpas sa nakagawian, abutin ang masa at mga posibleng kaibigan kung nasaan sila, isulong ang mga laban. Sa ganito, harapin ang mga nakakabagabag na katotohanan, tanong at palaisipan, at huwag magkasya sa mga nakakapanatag na madaling kasagutan. Sa ganito, makakapagpalawak at makakapagpalakas. Mananatiling buhay ang alamat ng mga Tiamzon sa kilusang rebolusyunaryo at aktibista. Hamon na panatilihing buhay ang diwa nila.

Matagal nang maalamat sina Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon sa rebolusyunaryong kilusan at aktibismo. 

Kabilang sila sa henerasyon ng mga proletaryanisadong intelektuwal na umusbong sa radikalismo ng dekada 1960, mula sa pagkagupo ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas noong dekada 1950, napanday sa pakikibaka at pag-oorganisa patungo sa Sigwa ng Unang Kwarto at kumilos sa underground noong Batas Militar ng diktadurang Marcos

Noon pa ma’y organisador na ang reputasyon nila: una sa hanay ng mga manggagawa at maralita at pagkatapos ay sa kanayunan. Sa Samar, kung saan sila dinukot at pinatay, napanday sila bilang bahagi ng New People’s Army (NPA). Ang kuwento-kuwento, diyan nila isinapraktika ang paraan ng pag-oorganisa na nilalaman ng “Our Urgent Tasks” ng 1975.

Naging prominente sila bilang organisador ng ika-10 plenum ng Komite Sentral ng Communist Party of the Philippines (CPP) na nagwasto ng malulubhang pagkakamaling nagawa ng CPP nooong dekada 1980. Kinatawan nila ang pamunuan ng kilusan na yumakap sa pagwawasto, at dahil diyan ay kinamuhian ng mga lider ng tinawag na Rejectionists.

Lumalabas na dalawang beses naaresto at nakulong si Benito habang apat si Wilma. Bago sila maaresto noong 2014, inanunsyo pa ni dating Pangulong Noynoy Aquino na may “malaking isda” na huhulihin. Nang maaresto na sila, tinawag si Benito na “Supremo” ng CPP, at sinabing ang pagkahuli nila ay hudyat ng paghina ng rebolusyunaryong paglaban sa bansa. 

Nitong Abril 20, inamin ng CPP na totoo ang inanunsyo pero binawi ng militar at gobyerno: na pinatay ang mag-asawang Tiamzon noong Agosto 2022. Mga mukha sila ng rebolusyonaryong kilusan at pakikibaka sa bansa, at malupit silang dinukot, tinortyur at pinatay ng militar. Binomba at sinalaula ang kanilang mga bangkay para itago ang mga bakas. 

Sa social media, bukod sa pagkondena sa ginawa sa kanila at panawagan ng hustisya, lumaganap ang mga larawan at pahayag nila bilang mga simbolo ng rebolusyon. Silang pinaslang at sinalaula ng militar, nabubuhay sa alaala at kamalayan ng marami na palaban at nakataas ang kamao, nagpapahayag ng di-natitinag na paninindigan sa rebolusyon.

Likhang sining ni Dong Dong Dudong, mula sa Facebook

Pero hindi lang sila simbolo ng rebolusyon, kundi mga lider nito. Hindi lang mahigpit ang tangan nila sa mga batayang prinsipyo ng pakikibaka, kundi, at ito ang aktwal na patunay ng naturang mahigpit na pagtangan, ginamit nila ang mga ito sa pagsuri at pagharap sa iba’t ibang usapin at suliranin sa pagsusulong ng rebolusyon.

Sa kanilang mga liham, mensahe at pakikipag-usap sa mga progresibong organisasyon nang makulong sila noong 2014 hanggang 2016 at pagkatapos, malinaw na ang kilusang pag-aaral at pagwawasto na isinulong nila ay hindi lang “back to basics” kundi paggamit ng batayang mga prinsipyo para suriin ang kasalukuyan upang isulong ang pakikibaka.

Sa kilusang paggawa, walang pagod nilang idiniin na kailangang pag-aralan ang neoliberal na atake sa kilusang manggagawa, magsulong ng mga laban na lapat sa kalagayan ng mga manggagawa, tumuklas ng iba’t ibang epektibong porma ng pag-oorganisa at makipagkapit-bisig sa iba’t ibang grupo ng manggagawa at puwersang pampulitika. 

Kumbaga, panimula pa lang ang paggagap sa teorya; kailangan ding gagapin ang reyalidad para sa praktika ng pagbago sa lipunan.

“Tanging mga aral ng reyalidad,” ayon kay Bertolt Brecht, “ang makakapagturo sa atin para baguhin ang reyalidad.” Kaya nga ang “kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan” ni Vladimir Lenin ang sinasabing kaluluwa ng Marxismo.

Sa ganito, talinhaga para sa mga Tiamzon ang sabi ni Terry Eagleton tungkol sa Diyos: laging nagpapaalala sa kanyang mga tagasunod na huwag gumawa ng mga larawang kaanyo niya, dahil hindi nariyan ang kaligtasan. Maaalala rin ang kritisismo ni Nick Joaquin, na dapat namang iwasan: ang magpilit gumawa ng mga botang Aleman mula sa bakyang Pinoy.

Kritikal na magsuri sa ngayon at bago, umalpas sa nakagawian, abutin ang masa at mga posibleng kaibigan kung nasaan sila, isulong ang mga laban. Sa ganito, harapin ang mga nakakabagabag na katotohanan, tanong at palaisipan, at huwag magkasya sa mga nakakapanatag na madaling kasagutan. Sa ganito, makakapagpalawak at makakapagpalakas.

Mananatiling buhay ang alamat ng mga Tiamzon sa kilusang rebolusyunaryo at aktibista. Hamon na panatilihing buhay ang diwa nila.