Editoryal

Hindi sagot ang mandatory ROTC


Hindi mandatory ROTC ang magtuturo ng disiplina at patriyotismo sa kabataan. Hindi rin nangangailangan ng karagdagang reserbang puwersang militar ang bansa dahil wala sa war footing ang Pilipinas hindi tulad ng South Korea na patuloy ang girian sa North Korea.

ROTC cadets from the University of the Philippines marching

Patuloy na itinutulak nila Sen. Bato Dela Rosa, Sen. Win Gatchalian at iba pang mga mambabatas ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa mga paaralan.

Sa isang sarbey ng Pulse Asia na kinomisyon ni Gatchalian na siya ring tagapangulo ng komite ng edukasyon sa Senado, nasa 78% ang nagsabing pabor sila sa mandatory ROTC sa kolehiyo. Ngunit hindi malinaw sa isinagawang sarbey kung ano ang edad ng mga sumagot dito.

Sa parehong sarbey, nasa 43% ang nagsabing dagdag gastos lamang ang mandatory ROTC, 40% ang nagsabing magdudulot ito ng mga mental health problem sa kabataan at 17% ang nagsabing magdudulot ito ng korupsiyon sa mga paaralan.

Kung titingnan ang naturang sarbey, napakalaki ng bilang na nagsabing pabor sila sa mandatory ROTC. Ang tanong, nag-aaral ba o papasok ba sa kolehiyo ang mga sumagot ba sa sarbey na ito? Walang inilabas na datos ang Pulse Asia sa edad ng mga sumagot maliban sa lugar kung saan sila naninirahan.

Mahirap patunayan sa sarbey na pabor ang mga mag-aaral sa mandatory ROTC na siyang magiging pangunahing apektado ng panukalang batas kung maipapasa ito.

Kamakailan, ginunita ng mga grupo ng mga mag-aaral ang pagpatay kay Mark Welson Chua, isa sa dalawang kadete ng ROTC sa University of Sto. Tomas (UST) na nagsiwalat ng korupsiyon sa ROTC unit ng pamantasan sa The Varsitarian, publikasyon ng mga mag-aaral ng UST. Ito ang itinurong dahilan ng pagpaslang sa kanya.

Dapat sana’y dadalo si Chua sa isang security training sa Fort Bonifacio sa atas ng ROTC commandant ng UST noong Marso 15, 2001 ngunit hindi na siya muling nakita.

Tatlong araw ang lumipas, natagpuan sa Ilog Pasig malapit sa Jones Bridge ang kanyang naaagnas na bangkay. Nakabalot sa carpet ang katawan at may tela at packing tape ang ulo. Ayon sa autopsy, buhay pa si Chua nang itapon sa ilog.

Nahatulang guilty ang dalawa sa apat na suspek sa pagpatay kay Chua habang hindi na muling lumitaw ang dalawa pang suspek sa krimen.

Ang pagpatay kay Chua ang naging mitsa ng panawagan sa pag-abolis ng ROTC. Ngunit sa halip na buwagin ang ROTC, isinabatas ng National Service Training Program (NSTP) Act of 2001 kung saan isa sa tatlong component ang ROTC, kasama ang Civic Welfare Training Service at Literacy Training Service na maaaring pagpilian ng mga mag-aaral.

Hindi mandatory ROTC ang magtuturo ng disiplina at patriyotismo sa kabataan. Hindi rin nangangailangan ng karagdagang reserbang puwersang militar ang bansa dahil wala sa war footing ang Pilipinas hindi tulad ng South Korea na patuloy ang girian sa North Korea.

Sa halip, dapat magkaroon ng klarong makabayang oriyentasyon ang edukasyon sa bansa upang magkaroon ng malalim na pagpapahalaga ang kabataang mag-aaral sa kanilang bansa at sa mamamayan nito.

Hindi natin kailangan ng mas maraming reserbang kawal. Ang kailangan natin, mga mamamayang handang maglingkod para sa katarungan, kapayapaan at kaunlaran ng bayan.