FEATURED

Mag-asawang Tiamzon, 8 iba pa, minasaker—CPP

Minasaker ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang operasyong dinirehe ng Estados Unidos ang mga lider ng Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultants na sina Benito Tiamzon, Wilma Austria-Tiamzon, at walo pa nilang kasamahan, sa Samar noong Agosto 21, 2022. 

Wilma Tiamzon and Benito Tiamzon

Ito ang inanunsyo ni Marco Valbuena, tagapagsalita ng CPP, nitong Abril 20 na resulta ng kanilang imbestigasyon sa naunang ibinilata ng AFP na pagkamatay ng 10 sa isang engkuwentro sa karagatan. .

Kinilala ng CPP ang mga biktimang kasama ng mga Tiamzon na sina Joel Arceo alyas “Ka Divino”, Ka Jaja, Ka Matt, Ka Ash, Ka Delfin, Ka Lupe at Ka Butig.

Ani Valbuena, tinortyur bago tuluyang pinatay ang tinagurian nilang “Catbalogan 10.”

Sa kanilang imbestigasyon, lumalabas na dinakip ang 10 noong Agosto 21 habang bumibiyahe sakay ng magkahiwalay na van patungong Catbalogan City.

Ayon pa sa pahayag ng CPP, wasak ang mukha at katawan ng mga biktima mula sa hampas ng matigas na bagay.

Isinakay aniya ang bangkay ng nina Tiamzon at mga kasamahan sa isang bangka na pinahila sa dagat bago tuluyang pinasabog sa pagitan ng Catbalogan at Tarangnan Island para palabasing nagkaroon ng engkuwentro.

“Ang pinalalabas na labanan at pagsabog sa karagatan ay pawang drama lang na pakana ng AFP at kanilang US military advisers para pagtakpan ang lahat ng ebidensya sa kahihiyan ng kanilang pasistang krimen,” ani Valbuena.

Inabot ng ilang linggo bago nakumpirma ng Kawanihan sa Pulitika at Komiteng Tagapagpaganap ng CPP ang pagkakapatay sa 10, samantalang tumagal naman ng ilang buwan ang imbestigasyon sa nangyaring masaker.

Nananawagan ngayon ng hustisya ang CPP para sa brutal na pagpaslang sa Catbalogan 10.