Ang nagbabadyang Cha-cha
Mayroon naman talagang mga kailangan baguhin at isama dito gaya ng anti-political dynasty provision, pagiging hiwalay na constitutional commission ng Commission on Human Rights, pagbago ngunit hindi pagbuwag ng party-list system upang matugunan nang mas mabuti ang tunay at inclusive representation at pagpapalawak ng Bill of Rights para maging bahagi nito ang socio-economic at cultural rights. Ngunit duda ako na magbibigay ng progresibong Cha-cha ang Con-con na pangungunahan ng mga delegadong ihahalal mula sa mga distrito.
Noong Marso 6, inaprubahan ng House of Representatives ang third reading ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 na nagsasaad ng constitutional convention (Con-con) bilang porma ng charter change (Cha-cha). Ayon sa RBH No. 6, kailangang baguhin ang 1987 Constitution para maging “globally competitive” ang Pilipinas.
Noong Marso 14 naman, nakakuha ng supermajority vote ang House Bill No. 7352 o Constitutional Convention Act na nagbibigay ng mga partikularidad na kinakailangan para sa Con-con.
Naging usapin na dati ang Cha-cha ngunit naiiba ang ngayon dahil 1) hindi sangkot ang Pangulo mula sa punto de bista ng publiko at 2) mayroong diin sa paggamit ng Con-con para sa Cha-cha. Ngunit sa kabila ng mga pagkakaibang ito, kailangan natin alalahanin ang kasaysayan ng charter change sa Pilipinas.
Hindi gaya noong administrasyong Duterte, tila walang suporta mula sa kasalukuyang pangulo ang Cha-cha noong kampanya hanggang ngayon. Isang posibleng rason kung bakit hindi litaw ang partisipasyon ng pangulo ang naging kawalan ng tiwala ng publiko sa Cha-cha ng nakaraan administrasyon nang malaman ang interes dito ng dating pangulo.
Kahit na hindi natin lubusang alam ang tunay na panig ng kasalukuyang pangulo sa Cha-cha, sapat na ang naging karanasan natin noong panahon ni Marcos Sr. na nagdala ng 1973 Constitution. Isang paalala ito sa lahat kung gaano kadelikado at kalaki ang pagbabagong ito lalo na kung kasangkot ang pangulo.
Habang hindi natin kita sa ngayon ang direktang kasangkutan ni Pangulong Marcos Jr. sa Cha-cha, malinaw na kasama siya sa planong ito. Ipinagpaliban niya ang eleksyon ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na dapat ay sa Disyembre 2022 at inilipat sa Oktubre 2023. Madaling maisasabay ang pagboto ng Con-con delegates sa regular na eleksyon ng barangay at SK.
Nagsabi na rin ang Finance Secretary na si Benjamin Diokno na popondohan nila ang Con-con. Dagdag pa rito, tinatantsa na ng National Economic Development Authority ang budget na kakailanganin. Nasa ilalim ng pangulo ang dalawang ahensiyang ito.
Wala rin namang nakalalabas ng Kongreso, lalo na’t ganito kabigat, nang walang suporta at proteksyon mula sa pangulo.
Nakalaan na ang atensiyon ng lahat ngayon sa House Bill No. 7352 na nagsasaad kung papaano isasagawa ang Con-con na magiging kauna-unahan kung sakaling matuloy ito.
Bubuuin ang Con-con ng 251 na delegadong magmumula sa pagboto—isa mula sa bawat legislative district. Magkakaroon din ng mga appointed delegate mula sa iba-ibang sektor—gaya ng mga doktor, abogado, guro, ekonomista, siyentista, manggagawa, magsasaka, mangingisda, katutubo, kababaihan, kabataan, may kapansanan at senior citizen.
Iboboto ang mga delegado sa eleksiyon ng barangay at SK sa Oktubre habang pipiliin naman ng Pangulo ng Senado at Ispiker ng Kamara ang mga appointed delegate.
Mangyayari ang Con-con mula Disyembre 1, 2023 hanggang Hunyo 30, 2024. Matapos isumite ang Con-con Report na maglalaman ng mga nais baguhin sa Konstitusyon, gagawin ang plebesito matapos ang 60 hanggan 90 na araw.
Sa kabila ng bagong porma ng Cha-cha, Cha-cha pa rin ito.
Kaya nanawagan kami na kilalanin natin ang mga panganib na maaaring dala nito. Ayon nga sa aming “no-nonsense guide” para sa Cha-cha noong 2021, administrasyon pa ni Duterte:
“There exists no constitutional process or mandate […] that can, by force of law, limit the scope of a charter change. We, as of now, cannot have any assurance that what is being proposed today is and shall remain a charter change of economic provisions, and not of term extensions or of abolition of party-lists– because there is no such limitation known in legal parlance.
When those who assure the public that what will be tinkered are merely the economic provisions [like RBH No. 06], we are left at the mercy of their words and promises.”
Ngayon ang tanong, kailangan ba talaga natin ng Cha-cha para sa ating ekonomiya?
Hindi. Nais lamang nilang palalain lalo ang liberalisasyon ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng ating batas para sa personal na interes.
Isang halimbawa ang amendment ng Public Service Act na nagpadali ng foreign ownership requirements. Hindi naman natin dama ang pagbabago ngunit matindi ang naging pagtulak sa amendment na ito. Ngayon, bakit kailangan din nilang biglang baguhin ang Constitution?
Mayroon naman talagang mga kailangan baguhin at isama dito gaya ng anti-political dynasty provision, pagiging hiwalay na constitutional commission ng Commission on Human Rights, pagbago ngunit hindi pagbuwag ng party-list system upang matugunan nang mas mabuti ang tunay at inclusive representation at pagpapalawak ng Bill of Rights para maging bahagi nito ang socio-economic at cultural rights.
Ngunit duda ako na magbibigay ng progresibong Cha-cha ang Con-con na pangungunahan ng mga delegadong ihahalal mula sa mga distrito.
At ang pinakamahalagang tanong, magkakaroon ba ng magandang pagbabago mula sa Cha-cha na tutugon sa mga kasalukuyang balakid ng ating bansa?
Nasa hinaharap na naman natin ang Cha-cha at muli ang tugon natin, no to Cha-cha!