Editoryal FEATURED

Balasahan sa gabinete ni Marcos Jr.


Sa nalalapit na pagtatapos ng isang taong appointment ban sa mga natalong kandidato sa halalan noong 2022, nagpahayang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang panayam sa midya sa ASEAN Summit sa Indonesia na magkaroon ng pagbabago kanyang gabinete.

Balasahan sa gabinete ni Marcos Jr.

Sa nalalapit na pagtatapos ng isang taong appointment ban sa mga natalong kandidato sa halalan noong 2022, nagpahayang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang panayam sa midya sa ASEAN Summit sa Indonesia na magkaroon ng pagbabago kanyang gabinete.

Sa kasalukuyan, nananatiling walang kalihim ang Department of Agriculture (DA) na kasabay na pinamumunuan ni Marcos Jr., Department of Health (DOH) na pinamumunuan ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire at Department of National Defense (DND) na pinamumunuan ni Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr.

Hinimok naman ng ilang mambabatas na magtalaga ang pangulo ng mga opisyal na manunungkulan sa loob ng limang taon at walang planong tumakbo sa halalan sa 2025 upang maayos na magampanan ang mga gawain sa mga ahensiya.

Bago ang pahayag ni Marcos Jr. sa balasahan sa gabinete, may mga kumakalat ng haka-haka sa social media sa pagtatalaga ng mga natalong kandidato sa nagdaang eleksyon sa matataas na katungkulan sa mga ahensiya ng gobyerno.

Mahalaga ang pagtatalaga ng mga kalihim, lalo na sa DA at DOH.

Hindi pa rin naiibsan ang hirap na dinaranas ng mamamayan sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin kagaya ng bigas, gulay at asukal.

Patuloy pa rin ang banta ng COVID-19 kahit nagpahayag na ang World Health Organization na hindi na ito isang public health emergency of international concern.

Sa mga suliraning nabanggit, wala pa ring malinaw na plano at hakbang ang administrasyong Marcos Jr.

May mahalagang papel din ang magiging kalihim ng DND sa pagpapatupad ng mga ‘di pantay na kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at United States na ginagamit ang banta ng China sa mga karagatang sakop ng ating exclusive economic zone upang mas paigtingin ang presensiya ng mga tropang Amerikano sa ating teritoryo.

Ngunit sa huli, aabangan ng sambayanan ang mga patakaran na ipapatupad sino man ang mga bagong maitatalaga sa poder.

Tiyak na magbabantay ang mamamayan.