Movie Buff

Isang oda sa pelikulang Pilipino


Sa pagtawid ng manunulat sa mundo ng kanyang mga katha, makikita ang kanyang pagtatangi sa kanyang mga nilikhang tauhan at kung paanong ang mga ito ang nagsilbing kanyang ligaya

Leonor will never die poster

Rebyu ng Leonor will Never Die

Pinaglalaruan ng pelikulang “Leonor Will Never Die” ni Martika Ramirez Escobar ang katotohanan at kathang-isip sa pamamagitan ng paghahabi ng kuwento ng bidang karakter—si Leonor (Shiela Francisco).

Bilang isang retiradong screenwriter, kita sa mata ni Leonor ang napakarami pang kuwentong naghihintay pa ring maisapelikula. Subalit bakas din sa kanyang kaanyuan ang paglipas ng panahon kasabay ng pagbabago ng mga kuwentong nangingibabaw sa mas mga bagong pelikulang Pilipino.

Hayag ang pagiging meta ng pelikula. Mahihila ang bida sa kuwentong siya mismo ang kumatha—ang pelikulang matagal niyang ninanais tapusin.

Sa paglubog ni Leonor sa mundong kanyang ginawa, kanyang napagagalaw ang kuwento nang nakaayon sa pagtakbo ng kanyang isipan kung saan tumatakbo ang iba’t ibang pangamba hinggil sa kanyang sarili, bilang isang manunulat na tila lipas na ang alaala sa mga taong minsang inabangan ang bawat kuwento niya at bilang isang inang tuluyang tumatanda at humaharap sa mga pagkukulang sa kanyang pamilya.

Nagsisilbing pagtakas ang pagdulog sa pelikula ngunit kasabay din nito ang paghugot sa mga sariling karanasan at damdamin. Napatatampok ng mga motibasyon at hinaing ng mga karakter na si Leonor mismo ang sumulat sa mga dala-dala niya sa kanyang pang-araw-araw na buhay.

Siguro dahil ganito nga ang pelikula—ang paghahabi ng mga mundo ay naka-angkla pa rin sa mga katotohanang nakapaligid sa atin.

Sa pagpapatintero ng pelikula sa pagitan ng katotohanan at kathang-isip, napalilitaw nito ang mga pamilyar na tropo ng mga Pinoy action film: ang karakterisasyon ng bidang inapi at nais ipaghiganti ang kanyang pamilya, ang karakter na babae na ililigtas ng bida na siyang magiging dahilan ng kanilang pag-iibigan, at ang mga maaaksiyong eksena ng bida at kontra-bida.

Naipakikita ng “Leonor Will Never Die” na ang mga kuwentong ating minahal ay hindi naman talaga natatapos, hindi nawawala, kundi nananatali—nag-iibang anyo lamang, nagpapanibagong hubog ayon sa kondisyon ng lipunan at ayon sa panibagong mga trend ng kulturang popular.

Malinaw na nabuo ang pelikula na nakatungtong sa matinding paghanga sa pelikulang Pilipino at sa naidulot nito sa kulturang popular ng Pilipinas. Bakas sa pelikula ang pagmamahal sa mga kuwentong kinalakhan ng karamihan, ang mga maaaksiyong eksenang ilang ulit nang napanood ngunit lagi’t laging pa ring aabangan at tututukan.

Higit sa isang pelikula hinggil sa pelikula, isang selebrasyon ang “Leonor Will Never Die” ng mga kuwentong hindi kailanman makakalimutan sa kamalayang Pilipino.

Isa itong oda, isang madamdaming liham sa anumang hatid ng pelikulang Pilipino, mula noon hanggang ngayon, tungo sa hinaharap at ang patuloy na pagbabagong-anyo ng mga kuwentong lagi’t lagi nating tutunghayan.