FEATURED

Larawan ng isang madre, guro at Aktibista


“Hindi sapat na sabihin ko lang na ipagdarasal kita. Sa aking ispiritwal na paglalakbay bilang relihiyoso, matindi ang aking pagnanais na tumugon sa Kanyang palagiang panawagan na maging mahabagin sa Kanyang mamamayan,”

Sister Liita Navarro

“Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Isang tinig ang naririnig sa Rama, panaghoy at mapait na pag-iyak. Iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak; siya’y tumatangging maaliw dahil sa kanyang mga anak, sapagkat sila’y wala na.’” —Jeremias 31:15

“Nakakakilabot. Mga taong nakatira sa sementeryo, mga inang ibinebenta ang kanilang mga sanggol upang sila ay makakain,” maririnig ang lungkot sa boses ni Sister Angelita Navarro habang inaalala niya ang kanyang karanasan nang siya ay makipamuhay sa mga maralitang tagalungsod sa sementeryo ng La Loma sa huling bahagi ng dekada 1970s.

Isa na siyang madre noon sa ilalim ng Missionary Sisters of the Immaculate Heart of Mary (ICM) nang kumuha siya ng Master in Community Development sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Iminungkahi ni Sister Emelina Villegas, kasamang madre ni Sister Lita sa ICM na sa La Loma na lamang manatili para sa kanyang community integration na bahagi ng kursong tinatapos.

Sa La Loma, kinaharap ni Sister Lita ang kahirapan, kawalan ng disenteng tirahan, kawalan ng trabaho—reyalidad na araw-araw kinakaharap ng mahihirap at inaapi. Ang mga ito ang nagtulak sa kanyang makita ang halaga at pangangailangan na maorganisa ang komunidad upang maisulong ang mga karapatang ipinagkakait sa kanila ng diktadurang Marcos Sr.

Sa La Loma, kinaharap ni Sister Lita ang kahirapan, kawalan ng disenteng tirahan, kawalan ng trabaho—reyalidad na araw-araw kinakaharap ng mahihirap at inaapi. Ang mga ito ang nagtulak sa kanyang makita ang halaga at pangangailangan na maorganisa ang komunidad upang maisulong ang mga karapatang ipinagkakait sa kanila ng diktadurang Marcos Sr.

Ang kanyang kaalaman at kagalingan sa pag-oorganisa ay hindi lamang mula sa mga teoryang nakasulat sa mga librong nabasa, kundi mas mahalaga, mula sa praktika. Humingi siya ng tulong mula sa mga community organizer ng Tondo na kanya namang pinayaman ng sariling karanasan bilang organisador.

Lalo pang naging mahalaga ang kanyang pag-oorganisa sa komunidad nang magpasya ang gobyerno na sapilitang palayasin ang mga residente ng komunidad bilang bahagi ng isang “development program” na paghahanda sa nalalapit na Miss Universe Pageant na gaganapin sa bansa noong 1974.

“Lumusob ang mga sundalo sa komunidad lulan ng malalaking trak. Wala kaming malapitan kaya’t ginamit ko ang pagiging madre. Tinanong ko ang mga sundalo, ‘ano ang batayan ninyo para palayasin sila? Saan ‘nyo sila dadalhin?’” kuwento ni Sister Lita.

Ang kaguluhan at hinagpis ng mga residente nang marahas na gibain ng kasundaluhan ang mga bahay ay inihalintulad ni Sister Lita sa isang berso sa Bibliya.

“Sila ay tulad ng mga anak ni Raquel, umiiyak. Napakasakit makita. Malala pa, nalaman kong naaksidente ang trak na sinakyan ng mga residente ng dadalhin dapat sa Sapang Palay par sa resettlement. May mga batang namatay,” wika ng madreng organisador.

Sa panahon ding iyon, nilapitan si Sister Lita ng iba’t ibang indibidwal at grupo upang maging opisyal ng iba’t ibang organisasyon. Subalit dahil abala pa siya sa pagtatapos ng kanyang tesis—isang kritisismo ng programa ni Marcos para sa kabataan—tumanggi siya, ngunit nangako na papayag sa pagtatapos ng kanyang gawain sa pamantasan.

Bagaman hindi kasapi ng anumang progresibong grupo, tuloy-tuloy si Sister Lita sa kanyang gawain na sumusuporta sa iba’t ibang panawagan at pagkilos, mula sa welga ng mga manggagawa, panawagan para sa lupa ng mga magsasaka, pagbisita sa mga detinidong politikal at pakikibahagi sa mga aktibidad ng simbahan upang alalahanin ang mga biktima ng kalupitan ng Martial Law.

Pakikipamuhay sa mga sakada ng Iloilo

Pagkatapos ng kanyang masterado sa UP, itinalaga si Sister Lita sa Iloilo at doon lalong lumalim ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga inaapi. Kasama nito ang paglakas naman ng kanyang kapasyahan na makiisa sa mga lumalaban para sa karapatan ng mamamayan.

Palagi ang kanyang pakikisalamuha sa mga sakada, mga manggagawa sa plantasyon ng asukal, at sa National Federation of Sugar Workers (NFSW) na humihingi ng suporta ng simbahan para sa mas mataas na sahod at mas ligtas na kalagayan sa paggawa—mga bagay na ipinagkakait sa kanila ng mga asendero sa Iloilo.

Palasakng kasabihan na ang kamay na bakal ng diktadurang Marcos Sr. ang pinakamalakas na rekruter ng oposisyon nito. Tumatagos sa mga pader ng kumbento ang nakagagalit na reyalidad sa labas.

Naaala ni Sister Lita ang napakaraming mga kasamahan sa kumbento at seminaryo na lumabas upang maging organisador. Naging pulang mandirigma pa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang ilan.

Si Sister Lita naman, nagpatuloy ng kanyang integrasyon sa maralitang tagalungsod at manggagawang bukid ng Iloilo bitbit ang mga aral mula sa kanyang karanasan sa La Loma.

“Naulit sa Iloilo ang naganap sa La Loma. Ang kaibahan lamang, ang demolisyon sa doon ay tulak ng isang lokal na panginoong maylupa. Nakipagharapan ako sa kanya, sa kabila ng pagpigil ng aking mga kaibigan na nagtatanong ano ang ginagawa ko doon,” aniya.

Natawa na lang si Sister Lita nang maalala ang panginoong maylupa na nagsabing, “Kung hindi ka lang babae at madre pa.”

Samantala, sinikap ni Sister Lita na isanib ang katotohanan sa lipunang Pilipino sa kurikulum ng St. Elizabeth’s School, isang paaralan na pagmamay-ari at pinatatakbo ng ICM, nang siya ay maging prinsipal nito.

Paliwanag niya, nang makita niya ang hinaharap ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa rehiyon, tumugon siya sa pamamagitan ng pagpapataas ng kanyang kamalayan bilang guro.

“Isinanib namin ang kuwento ng mga sakada sa kurikulum ng paaralan. Ang aking kaalaman mula sa aking karanasan at mula sa buhay ng mga taong aking nakilala, ibinahagi ko sa mga estudyante at kapwa guro. Binago namin ang oryentasyon ng paaralan,” kwento niya.

Sa Math, tinuruan nila ang mga estudyante na kalkulahin ang tantos ng pagsasamantala sa mga manggagawa. Ang Science ay pag-aaral sa halaga ng ebidensya at katotohanan. Ang Teatro ay entablado para sa kwento ng mga inaapi.

Sa Math, tinuruan nila ang mga estudyante na kalkulahin ang tantos ng pagsasamantala sa mga manggagawa. Ang Science ay pag-aaral sa halaga ng ebidensya at katotohanan. Ang Teatro ay entablado para sa kwento ng mga inaapi.

Marami sa mga gradweyt ng kanilang paaralan ay naging kasapi at lider ng Kaliwa at ang ilan ay naging martir ng pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya.

Ang taong simbahan bilang aktibista

“Itinutulak ng aming kongregasyon na lumabas ng bansa upang maging misyonero ng simbahan. Nanatili ako sa Pilipinas dahil sa mga isyung kinakaharap ng bansa noong Batas Militar,” sabi niya.

Ayon sa kanya, marami sa mga taong simbahan ngayon ang hindi na nanghihimasok sa mga isyung panlipunan dahil hindi na sila nag-aaral ng kasaysayan. Bagkus, nalululong sa ideya ng “identity.”

“Noong panahon namin, lagi’t lagi ang politikal na edukasyon,” dagdag niya.

Sinabi rin niya na kinakailangang balanse ang paghubog sa mga lider ng simbahan at kasama nito ang pakikisalamuha sa masa.

“Natutuwa ako sa bagong Santo Papa at ibinabahagi namin ang kanyang mga sulat na nagtutulak sa mga taong simbahan na magtungo sa mahihirap,” aniya.

Naaalala niya ang kanyang pagiging bahagi ng Basic Christian Community-Community Organizing, na binuo ng simbahan upang tumugon sa mga hamon ng lipunan mula nang ideklara ang Martial Law. Hinihikayat nito ang pantay na pagturing ng mga kasapi sa isa’t isa na taliwas sa pagpapahalaga ng simbahan sa herarkiya.

Ang kanyang pagiging bahagi ng National Coalition for the Protection of Workers’ Rights (NCPWR) ay resulta ng personal na imbitasyon sa kanya ni Crispin “Ka Bel” Beltran na kanyang hinahangaan. Ito ang nagpatindi ng kanyang paglahok sa isyu ng mga manggagawa at sa kilusang paggawa.

“Isinakongkreto ng NCPWR ang aking kaalaman sa mga isyu ng manggagawa, na noon ay mga bagay na nababasa ko lamang,” wika niya.

Pagpapatuloy

Sa edad na 75, patuloy si Sister Lita sa pagiging isang aktibista.

Matapos ang tatlong dekada mula nang una siyang dumalo sa isang rali sa pagtatapos ng dekada 1960s laban sa pagtaas ng presyo ng langis, tuloy pa rin ang paglahok ni Sister Lita sa mga pagkilos. Regular siyang lumalahok sa mga pagkilos laban sa planadong pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center na katabi ng kanilang kumbeto.

Matapos ang tatlong dekada mula nang una siyang dumalo sa isang rali sa pagtatapos ng dekada 1960s laban sa pagtaas ng presyo ng langis, tuloy pa rin ang paglahok ni Sister Lita sa mga pagkilos. Regular siyang lumalahok sa mga pagkilos laban sa planadong pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center na katabi ng kanilang kumbeto.

Noong isagawa ang interbyu para sa artikulong ito, inaabangan niya ang paglahok sa rally na tatawaging Million People’s March sa Luneta.

Aktibo pa rin siya sa mga grupo at organisasyong nagsusulong at nagtatanggol sa mga karapatan ng mamamayan, kabilang na ang pagiging aktibong kasapi ng Board of Directors ng Crispin B. Beltran Resource Center.

Sa pagsusuma ng kanyang karanasan bilang aktibistang madre, sinabi ni Sister Lita na ang kanyang kamalayan ang nagpapakilos sa kanya.

“Hindi sapat na sabihin ko lang na ipagdarasal kita. Sa aking ispiritwal na paglalakbay bilang relihiyoso, matindi ang aking pagnanais na tumugon sa Kanyang palagiang panawagan na maging mahabagin sa Kanyang mamamayan,” paliwanag ni Sister Lita.

Dagdag pa niya, “Nauunawaan ko na hindi malaya ang ating bansa. Paano natin papalayain ang bansa mula sa mga “ismo”—imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo? Kinakailangan ang kolektibong pakikibaka ng mga Pilipino.”

Minsan, dumalo siya sa isang talakayan. Itinuro siya ng tagapagsalita at sinabing nagagalak ito at naroon si Sister Lita, ang prinsipal ng paaralan na dahilan kung bakit siya ngayon ay isang lider manggagawa sa kanilang rehiyon.

Tumayo ang mga tagapakinig upang bigyan si Sister Lita ng masigabong palakpakan.

Bagamat ikinahiya niya ang atensyon, natuwa rin siya.

*Unang inilathala sa Update, ang newsletter ng Crispin B. Beltran Resource Center noong Setyembre 2013. Pumanaw si Sister Angelita Navarro, ICM noong Marso 18, 2023 sa edad na 85.