Lunas sa hinaing ng mga manggagawang pangkalusugan
Mula sa pampubliko at pribadong ospital, nagmartsa patungong Mendiola sa Maynila noong Mayo 5 ang mga manggagawang pangkalusugan bilang paggunita sa National Health Workers’ Day. Bitbit nila ang mga panawagan para sa pagtaas ng sahod, seguridad sa trabaho, pagbigay ng karampatang benepisyo at proteksyon sa kanilang mga karapatan.
Mula sa pampubliko at pribadong ospital, nagmartsa patungong Mendiola sa Maynila noong Mayo 5 ang mga manggagawang pangkalusugan bilang paggunita sa National Health Workers’ Day.
Bitbit nila ang mga panawagan para sa pagtaas ng sahod, seguridad sa trabaho, pagbigay ng karampatang benepisyo at proteksyon sa kanilang mga karapatan.
Ayon kay Health Workers United for Wage Fight (HWUWF) convenor at Alliance Health Workers (AHW) president Robert Mendoza, kitang-kita ang mga sintomas ng nalalapit na pagbagsak ng sistemang pangkalusugan ng bansa tulad ng laganap na understaffing sa maraming pagamutan, demoralisasyon sa hanay ng mga manggagawang pangkalusugan at kontraktuwalisasyong hindi inaaksyunan ng gobyerno.
Para magamot ang mga sintomas na ito, aniya, kailangang tugunan ang kahingian ng mga manggagawang pangkalusugan.
Dagdag-sahod
Sa kasalukuyan, sumasahod lang ng P13,000 kada buwan ang mga manggagawang pangkalusugan sa mga pampublikong ospital at P570 kada araw para sa mga nasa pribadong ospital.
Si Realyn Villanueva, isang housekeeper sa Philippine General Hospital (PGH), minimum wage ang nakukuha sa paglilinis ng mga hospital ward. Kinakaltasan pa ito ng buwanang hulog sa mga benepisyo at mga training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
“Kulang na kulang,” paglalarawan niya sa nauuwing suweldo. Solo parent si Villanueva at mag-isa niyang itinataguyod ang mga gastusin sa bahay at pag-aaral ng dalawang anak.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority, bumagal na sa 6.6% ang inflation rate nitong Abril. Mas mababa ito sa naitalang 7.6% inflation rate noong Marso, ngunit pinakamataas pa rin sa buong Southeast Asia.
“Mataas pa rin naman ‘yong [presyo ng] mga bilihin sa palengke tapos gano’n pa rin ‘yong sahod namin,” ani Villanueva.
Ayon sa Ibon Foundation, mananatiling mataas ang inflation rate sa bansa dahil wala pang kongkretong aksiyon ang pamahalaan ni Ferdinand Marcos Jr. para maibaba ang presyo ng mga bilihin at maitaas ang sahod ng mga manggagawa.
“Paano mabubuhay ang ordinaryong manggagawang pangkalusugan nang marangal? Nakasangla na ang mga ATM card namin para mabuhay. Marapat lamang ang aming paggigiit ng dagdag-sahod na P33,000 sa entry level na Salary Grade 1 sa mga pampublikong ospital at P1,100 kada araw sa mga pribadong ospital,” sabi ni Philippine Heart Center Employees Association-AHW president Salome Ejes sa Ingles.
Seguridad sa trabaho
Bukod sa kakarampot na suweldo, dagdag pasanin sa mga tulad ni Villanueva ang pagiging kontraktuwal. Wala silang direktang relasyon sa ospital na pinagtatrabahuhan, nakatali sa mga limitasyon ng manpower agency at maaaring mawalan ng hanapbuhay anumang oras.
“Salingkit” kung ituring niya ang sarili dahil, bagaman nagseserbisyo sa PGH, hindi siya kailanman tinuring nito bilang empleyado.
Ayon sa AHW, laganap pa rin ang kontraktuwalisasyon sa mga pagamutan. Sa katunayan, ginawa pa itong ligal ng gobyerno.
Mismong Department of Health (DOH) ang kumukuha ng mga manggagawang kontraktuwal, job order (JO) at contract of service (COS) para punan ang malaking bilang ng mga doktor, nars at iba pang kawani na pinipiling mangibang bansa.
Sabi pa ni DOH Officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, JO ang halos 40-50% ng mga manggagawang pangkalusugan.
Matatandaang ipinangako ni Marcos Jr. na wawakasan niya ang kontraktuwalisasyon noong kampanya. Gayunpaman, nanatili itong nakapako hanggang ngayon.
“Marami sana kaming matatanggap [na mga benepisyo] kung regular kami dito sa PGH,” ani Villanueva.
Nararapat na benepisyo
Nang tumama ng pandemyang Covid-19 noong 2020, lalong napagtanto ni Villanueva na napakahalaga sana ng tulong ng ospital na kaniyang pianapasukan at ng gobyerno sa mga tulad niya.
Dahil kontraktuwal, hindi niya naranasan ang mga benepisyo tulad ng libreng shuttle, grocery at allowance mula sa PGH noong may lockdown pa. Wala rin siyang natanggap na hazard pay noong 2020-2021.
“Wala talaga, as in,” sabi niya sa Pinoy Weekly nang tanungin kung may natanggap na pinansyal na tulong mula sa gobyerno noong kasagsagan ng pandemya. “Noong 2022 lang, nakatanggap kami ng HEA (Health Emergency Allowance) na P18,000 at sumunod ‘yong P12,000 para sa dalawang buwan.”
Sa ilalim ng Republic Act No. 11712 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, makatatanggap ng HEA na nagkakahalagang P3,000-P9,000 kada buwan ang mga manggagawang pangkalusugan sa mga pampubliko at pribadong pagamutan.
Ayon sa AHW at HWUWF, hindi pa rin natatanggap ng mga manggagawang pangkalusugan ang HEA at Performance-Based Bonus para sa taong 2021-2022. Naghihintay pa rin ang mga empleyado ng mga pampubliko at pribadong ospital at pasilidad para sa kanilang One Covid-19 Allowance (OCA) para sa Hulyo-Disyembre 2021 at HEA para sa Enero-Hunyo 2022.
“Ngayon, hinihintay namin ‘yong para sa isang buwan. Kami na lang ‘yong hindi pa nabigyan. Yung iba, [National] Kidney [and Transplant Institute], Philippine Heart Center, Tondo [Medical Center], nabigyan na,” wika ni Villanueva.
“Umaasa pa rin naman kami na mabigay ‘yong HEA namin noong 2020-2021. Dapat lang maibalik sa amin ‘yong pinagtrabahuhan namin kasi sumabak talaga kami. Kasi kung sahod lang namin, hindi ‘yon sapat,” dagdag niya.
Maayos na kondisyon sa pagtatrabaho
Ayon kay Mendoza, overworked at underpaid na ang mga manggagawang pangkalusugan bago pa ang pandemya. Lumala pa umano ang kondisyong ito nang sumirit ang mga kaso ng Covid-19.
Naging normal para sa mga manggagawa ang mag-duty ng 12-24 oras na kalauna’y umubos ng kanilang lakas at magtulak sa iba upang maagang magretiro o mangibang bansa.
Inamin mismo ng DOH sa pagdinig sa House Committee on Appropriations noong Mayo 4 na nagkukulang na ng mga doktor at nars sa bansa. Nangangailangan na umano ng mahigit 114,000 na doktor at 178,000 na nars.
“Nakaaalarma ang ganitong situwasiyon dahil nasa matinding krisis ang ating sistemang pangkalusugan. Nananawagan ang mga manggagawang pangkalusugan sa administrasyon na pakinggan ang mga matagal na naming panawagan,” ayon sa pahayag ng AHW sa Ingles.
Para kay Villanueva, likas na mapanganib ang kalagayan ng kanilang trabaho, literal na buhay nila ang nakataya sa bawat pagharap nila sa mga may-sakit na nangangailangan ng kanilang tulong at kalinga.
Kung gayon, ito dapat ang maging dahilan para lalong magpursigi sa paggigiit ng mga panawagan upang maabot at makamtan ang mga kahingian ng mga manggagawa’t kawani sa sektor ng kalusugan.