Dekanong Makabayan

Pag-alala’t pagdiriwang sa Earth Day

Noong Abril 22, ipagdiwang natin ang ika-53 na Earth Day. Noong 1970 ito naitaguyod nang magkasa ng demonstrasyon ang isang senador sa Estados Unidos para bigyang pansin ang mga isyung pangkalikasan.

Oil spill off the waters of Oriental Mindoro.

Noong Abril 22, ipagdiwang natin ang ika-53 na Earth Day. Noong 1970 ito naitaguyod nang magkasa ng demonstrasyon ang isang senador sa Estados Unidos para bigyang pansin ang mga isyung pangkalikasan.

Limampu’t tatlong taon ang nakalipas, hinaharap pa rin natin ang mga isyung pangkalikasan—mas malala at delikado pa kaysa noong dekada 1970. Sa Pilipinas, palala nang palala ang mga bagyo at ang tag-init. Sa pagtaas ng lebel ng tubig sa dagat, lumulubog na ang mga isla natin.

Noong Pebrero lang, nagdala ng mas maraming isyung pangkalikasan ang Oriental Mindoro oil spill. Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, malapit nang umabot ng P1 bilyon ang pinsalang dulot nito.

Mahigit sa isang buwan ang nakalipas, ang mga residente ang nahihirapan sa sitwasyon. Ayon sa kanila, kahit pagsamahin ang kanilang kinikita at ayuda, hindi pa rin ito sapat dahil mahirap mangisda habang may oil slick. Ni hindi sila makapagbigay ng allowance sa mga anak nilang nag-aaral. Dagdag pa rito, maraming coral reef na mahalaga sa marine life ang naapektuhan ng oil spill.

Isang balintuna man, makikita natin dito kung paanong nakapipinsala ang fossil fuel sa kalikasan, hindi lamang dahil sa polusyon na dala nito, kundi sa mga iresponsableng desisyong kaakibat nito, gaya ng nagdala ng oil spill.

Malungkot balikan kung nasaan na ang mundo sa ika-53 na Earth Day.

Ayon sa ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), “Human activities, principally through emissions of greenhouse gases, have unequivocally caused global warming, with global surface temperature reaching 1.1°C above 1850-1900 in 2011-2020.”

Dahil sa ating mga aktibidad, lumalala ang climate change at ang ibang dala nito gaya ng matinding tagtuyot at malalakas na bagyo.

Habang mayroong magandang epekto ang mga aksiyon nating tumutugon sa anyaya ng climate adaptation at mitigation, hindi pa rin sapat ang ating mga ginagawa.

Ayon sa IPCC, habang pataas nang pataas ang pondo para sa global climate finance, hindi pa rin ito sapat para sa adaptation lalo na’t palala nang palala ang mga hinaharap nating mga epekto ng climate change.

Dagdag pa rito, habang kalakhan ng climate finance ay nakatutok na sa mitigation, hindi pa rin natin nalilimatahan nang maayos ang global warming na dapat ay mas mababa sa 2°C o hanggang 1.5°C lang.

Kung magtutuloy-tuloy ang parehas na dami ng greenhouse gas emission, tataas agad nang 1.5°C na magdudulot nang mas malalang mga panganib. Kung lalala pa ang global warming, makararanas tayo ng biglaan at hindi na maaalis na mga pagbabago.

Kapag iniisip natin ang climate change at ang hinaharap natin, madaling mawalan ng pag-asa. Madaling sumuko at isipin na lang na wala na tayong magagawa. Ngunit hindi ito totoo. Maraming solusyon na inihahain ang IPCC para sa iba’t ibang industriya.

Para sa energy systems, kung nais nating mabawasan ang paggamit ng fossil fuel, kailangan ang carbon capture at storage technology at mga sistemang hindi maglalabas ng carbon dioxide.

Para sa transportasyon at paggawa, kailangang magbigay ng mitigation options na mag-aangat ng energy at materials efficiency. Mainam ring magkaroon ng adaptation at mitigation elements ang urban systems ng mga lungsod natin. Maaaring gamitin ang mga lumang building at pabutihin ang sistema ng pampublikong transportasyon.

Para sa lupa, karagatan, pagkain at tubig, ang pinakamabuting gawin ay iligtas ang ating mga kagubatan. Ito ang may pinakamataas na mitigation potential ayon sa IPCC.

Marami tayong iba-ibang puwede at dapat na gawin upang iligtas ang ating planeta, ngunit dapat din nating tandaan na hingin mula sa pamahalaan ang kanilang suporta. Kailangan nilang magsimula, magpondo at magpatibay ng mga proyekto at inisyatibang nagtutulak ng climate justice.

Mahalaga ang papel nila, kasama ng civil society at pribadong sektor, upang masiguradong patungo tayo sa sustainability at climate resilience. Dapat gawing prayoridad ang risk reduction, pagkakapantay-pantay at katarungan.

Sa panahong nanganganib ang ating mundo, dapat ay mahalin, alagaan at ipaglabaan natin ito, hindi lamang sa Earth Day kundi araw-araw.