Pantasya ng nakaraan at kasalukuyan


Halaga ng pag-alala ang punto ng “Maria Clara at Ibarra,” ang pagbabalik-tanaw—ang pag-aaral sa nakaraan upang magkaroon ng mas malalim na pag-intindi sa lipunan sa kasalukuyan, at higit sa lahat, kung paano tayo hinuhulma ng kasaysayan.

Ang pagtatagpo ng nakaraan sa kasalukuyan ang nangingibabaw na tema sa teleseryeng “Maria Clara at Ibarra” na isang kontemporanyong adaptasyon sa tanyag na mga nobela ng minamahal na pambasang bayaning si Jose Rizal.

Umiikot ang kuwento kay Klay Infantes (Barbie Forteza) na siyang nagsisilbing tulay ng manonood tungo sa kuwento ng mga karakter ni Rizal.

Si Klay, isang Gen Z na nursing student ay biglang napunta sa mundo ng “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo.” Bilang estudyante na bumagsak sa kanyang klaseng nakasentro sa buhay at mga akda ni Rizal, naging mas makabuluhan ang kanyang pagdating sa mundong si Rizal ang naghulma. 

Para kay Klay, hindi naman nakatutulong ang kanyang klase tungkol kay Rizal sa pag-abot ng kanyang pangarap na maging nars sa ibang bansa kung kaya dinala siya mismo sa piling ng mga karakter ni Rizal upang higit niyang maintindihan na hindi kailanman magiging hindi mahalaga ang pagtanaw natin sa mga kuwentong naging integral sa pag-intindi natin sa ating lipunan at kasaysayan.

Sa paglalakbay ni Klay sa nobela, sa panahon nina Maria Clara (Julie Anne San Jose) at Crisostomo Ibarra (Dennis Trillo), kanyang nakikilala at minahal ang mga karakter na isinulat ni Rizal.

Nakabuo siya ng sariling pag-intindi sa mga karakter na ito sa kanyang pakikisalamuha sa kanila at kanya ring naihahatid sa mga manonood ang halaga ng pagtanaw sa nakaraan upang higit na maintindihan ang kasalukuyan. Sa ganitong paraan, kanya ring naihahanay ang mga sensibilidad ng nakaraan sa mga sensibilidad na alam niya sa panahong kanyang pinanggalingan.

Mas lalo rin niyang nakikilala ang sarili—ang kanyang mga paniniwala na siyang nakaugat sa kanyang pag-iral sa kasalukuyan. Nang dahil sa nakaraan, kanyang natutunang tumindig sa kung ano ang tingin niyang tama, kahit pa kinakailangan niyang subukin ang mga mas makapangyarihan sa kanya.

Isang pantasya ang nakaraan, at ganoon nga ito naipakikita ng teleseryeng “Maria Clara at Ibarra” na isang pantasya kung saan parehong malapit at malayo sa pag-iral ng kasalukuyan, kung saan nakaangkla ang kondisyon ng kasalukuyan sa kung anumang nangyari sa nakaraan.

Isang pantasya rin mismo ang teleserye sa pagtatangka nitong ihatid sa mga manonood na katulad ni Klay na maaaring nagtatanong kung may saysay nga bang pag-aralan ang mga kuwentong luma o lipas na para sa kanya. 

Halaga ng pag-alala ang punto ng “Maria Clara at Ibarra,” ang pagbabalik-tanaw—ang pag-aaral sa nakaraan upang magkaroon ng mas malalim na pag-intindi sa lipunan sa kasalukuyan, at higit sa lahat, kung paano tayo hinuhulma ng kasaysayan.

Si Klay, sa kanyang pagbalik sa nakaraan na malayong-malayo sa kanyang paggagap sa kasalukuyan, ay nabigyan ng pagkakataon na mas makilala ang sarili at ang lipunang kinabibilangan.

Ganito rin naman tayo, sa bawat pagtanaw sa kasaysayan, lalo nating napagtatanto kung bakit ganito ang kasalukuyan at kung bakit sa kabila ng bilis ng pagtakbo ng panahon, hindi dapat tayo nakalilimot tumingin sa ating mga pinanggalingan.