FEATURED

Umento sa sahod sa pananaw ng pamilyang Pilipino

Hindi na makasasapat ang katagang “isang kahig, isang tuka” upang ilarawan ang matinding kahirapan ng mamamayan. Sa harap ng walang awat na pagtaas ng presyo ng bilihin, hindi na makaagapay ang kakarampot na sahod ng mga manggagawa sa kasalukuyan. 

wage hike

Hindi na makasasapat ang katagang “isang kahig, isang tuka” upang ilarawan ang matinding kahirapan ng mamamayan. Sa harap ng walang awat na pagtaas ng presyo ng bilihin, hindi na makaagapay ang kakarampot na sahod ng mga manggagawa sa kasalukuyan. 

Sa mga tahanan ng manggagawa, mula kalunsuran hanggang sa mga nayon, dama ang krisis na ito na nakakaapekto sa pag-abot ng pamilyang Pilipino sa isang pamumuhay na may dignidad at dangal. 

Sa punto de bista ng isang inang nagtataguyod ng pamilya sa minimum na sahod, kabataang manggagawa na natutong magbanat ng buto at mga amang nangangarap ng maaliwalas na kinabukasan ng pamilya, matatahi natin kung bakit kagyat at makatarungan ang panawagan para sa nakabubuhay na sahod.

Beteranong manggagawa si Rodito Neri, 59, sa isang kumpanya ng bakal sa Quezon City. Bilang forklift operator sa loob ng 22 taon, tila hindi pa magreretiro sa trabaho si Rodito dahil siya ang nag-iisang tagapagtaguyod ng anim na miyembrong pamilya. 

Gil at Rodito, mga ama at manggagawa

Beteranong manggagawa si Rodito Neri, 59, sa isang kumpanya ng bakal sa Quezon City. Bilang forklift operator sa loob ng 22 taon, tila hindi pa magreretiro sa trabaho si Rodito dahil siya ang nag-iisang tagapagtaguyod ng anim na miyembrong pamilya. 

May lima siyang anak. Nakapagtapos na ang dalawa at kasalukuyang nag-aaral ang kaniyang bunso. Subalit may panghihinayang sa kaniyang boses nang maikuwento na tumigil na sa pag-aaral ang dalawa sa kaniyang anak.

“Ayaw na mag-aral ng dalawa kong anak. Siguro naiintindihan nila ang kalagayan namin na walang pera,” wika ni Rodito sa panayam ng Pinoy Weekly.

Bagamat kumikita siya ng P939 kada araw, hindi pa rin ito nagkakasya sa taas ng presyo ng bilihin at gastusin sa eskwela. 

“Hindi talaga kasya [ang sahod]. Tipid-tipid nga lang kami,” ani Rodito.

“Sa upa pa lang P4,000, tapos P2,500 para sa ilaw at kuryente. Ano na lang ang matitira?” sabi ni Gil, 51, pitong taong checker sa shipment ng bakal sa parehong kumpanya.

Ganito rin ang tingin ni Gil Bigkas, 51, pitong taong checker sa shipment ng bakal sa parehong kumpanya. Hindi na rin sumasapat ang maliit na sahod sa harap ng kabi-kabilang gastusin.

“Sa upa pa lang P4,000, tapos P2,500 para sa ilaw at kuryente. Ano na lang ang matitira?” sabi ni Gil.

Sa datos ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), P33 na umento sa basic pay ang ibinigay ng gobyerno sa mga manggagawa noong nakaraang taon. Sa taas ng presyo ng mga bilihin, halos hindi na ito maramdaman ng manggagawa. 

“Sabi ng iba ay kasya pero ano ang kinakain mo doon? Tuyo, noodles at sardinas ang kinakain mo noon. Hindi ka makakain ng masarap. Hindi talaga sapat ang P570 na minimum,” katuwiran ni Gil.

Kahit gusto nilang maghanap ng sideline na trabaho, masyado na raw silang matanda kaya wala nang magkakainteres na kunin sila kahit extra.

Kaya nakikita ng mga manggagawa, kagaya nina Gil at Rodito, na makatarungan ang dagdag sahod.

“Sana ay aksyunan nila [gobyerno] ang umento sa sahod. Tuloy lang hanggang makamit ang pinaglalaban,” panawagan nina Gil at Rodito.

Kalbaryo ni Judith Berdonia, 33, kung paano pagkakasiyahin sa araw-araw ang minimum na sahod ng asawa.

Judith, Ina

Kalbaryo ni Judith Berdonia, 33, kung paano pagkakasiyahin sa araw-araw ang minimum na sahod ng asawa.

Isang konduktor ng electronic minibus o e-jeepney ang kanyang kabiyak. Bumibiyahe ito sa rutang Malanday-Quiapo.

Sa 12 hanggang 13 oras na pagtatrabaho kada araw, sumasahod lang ito ng P580. Hindi bayad ang overtime at P50 kada araw na allowance lang ang pakunsuwelo sa kanila.

“Lugi talaga,” makailang ulit na sabi ni Judith.

Dahil nanggagaling pang Pandi, Bulacan, gumigising ng 3 a.m. ang kanyang asawa at nakakauwi naman ito ng 11 p.m. Halos wala nang oras para magpahinga na nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan.

Sa katunayan noong nakaraang linggo, pinahinto niya sa pagtatrabaho ang asawa dahil nagkakasakit na. Hindi rin kasi maayos ang pamamalakad ng kumpanya at hindi pumapayag sa bale o cash advance gayong babayaran naman.

Wika ni Judith, “Paano makakapasok [ang asawa ko] kung hindi magbibigay ng pangangailangan nila?”

Para maitawid ang pang-araw-araw, dumidiskarte na rin si Judith. Pinapaikot niya ang perang inutang para ipinampuhunan sa tinitindang street food sa harap ng kanilang bahay. Kahit papano, aniya, ito ang umaagapay sa kanilang pamilya.

Bukod pa rito, nagtatrabaho siya sa kanilang barangay bilang istap dalawang araw sa isang linggo. Malaking sakripisyo ito para sa kanya lalo na at may apat na anak siya nangangailangan ng alaga at atensiyon.

“Umagahan, tanghalian, hapunan—umaabot po sa P700 [ang gastos] kada araw. Kung wala ka talagang extra income, may oras talaga na magugutom ang pamilya. Hindi kayo kakain,” wika niya.

Pinabulaanan din ng may-bahay ang paniniwalang mas mura manirahan sa probinsya. Aniya, pareho lang o kung minsan pa’y mas mahal ang presyo ng mga bilihin sa kanilang lugar. Kinakailangan pa nga nilang magtanim ng mga gulay sa paso o pinaglumaang timba para may maani kapag walang makain.

Sa ganitong kalagayan, dagdag ni Judith, kagyat at makatarungan ang hinihinging P1,161 na family living wage ng mga manggagawa, tulad ng kanyang asawa, para makakain nang disente at tatlong beses sa isang araw ang kanilang pamilya.

JR, anak at kabataang manggagawa

Sa unang tingin, hindi aakalaing edad 15 lang siya. May sinasabi na ang kaniyang tindig, pulido ang gupit ng buhok at nakasuot pa ng puting t-shirt na may tatak ng isang unyon. Idagdag pa ang baon niyang matingkad na kuwento mula sa kaniyang mga karanasan.

Subalit totoo: menor de edad pa lang si JR (hindi niya tunay na pangalan), trabahante sa isang rice mill sa Bocaue, Bulacan. Isa siya sa mga naghahati ng bigas mula sa 50 kilo patungong 25 kilo.

Tatlong beses sa isang linggo ang pasok niya sa trabaho. “Pakyawan” ang sistema rito at kumikita siya ng P1,900 hanggang P2,700 kada duty na tumatagal ng 24 oras o isang araw at isang gabi.

Kuwento niya, nakumbinsi siya na magtrabaho dahil bukod sa gusto niyang mabili ang mga gusto, “madali lang” ang paglalarawan sa gawain. Sa unang araw niya roon, dalawang oras pa lang sa duty ay nag-uunahan na ang kaniyang pawis.

“Halos magkandamatay ako do’n,” sabi niya.

Gayunpaman, napalitan iyon ng tuwa nang matanggap niya ang unang sahod na P900. Sapat na raw iyon sa kaniya noon. 

Dahil kasagsagan pa ng lockdown sa unang taon niya sa trabaho, nakaipon at nakabili siya ng sariling cellphone na napapakinabangan niya ngayon sa pag-aaral bilang grade 10 student.

Ngunit ngayong bumabalik na sa dati ang lahat at may face-to-face classes na, pansin niya ang paglaki ng kaniyang arawang gastos. Ganoon din ang dobleng paghihirap ng kaniyang mga magulang.

Kung dati nakakapag-ipon pa siya, ngayon hindi na.

Sa halos dalawang taong pagtatrabaho ni JR sa rice mill, batid niya ang hirap bilang isang manggagawa. Hindi umano makatwiran ang bigat ng trabaho sa inuuwing kakarampot na sahod.

“Hindi ko alam sa kanila [mga manggagawang pamilyado] kung paano nila nakakaya ‘yon,” sabi niya.

Sa datos na nilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2020, 2.8% ng edad 5 hanggang 17 taong gulang ang nagtatrabaho sa bansa. At kahirapan pa rin ang pangunahing nagtutulak sa kabataan para maagang pumasok sa hukbo ng lakas paggawa.

Pagkakaisa para sa nakabubuhay na sahod

Bagaman iba ang kanilang mga pinanggalingan at karanasan bilang manggagawa, pinag-uugnay sila ng isang mahalagang usapin—na ang kalagayang kanilang dinaranas ay magkaugnay at pinagbubuklod ng isang panawagan. 

“Sa sama-samang pagkilos doon makakamit ang tagumpay. Kung ikaw lang mag-isa walang mangyayari. Sasama kami, 100% ng kasapian, kasama ang aming pamilya sa Mayo 1,” wika ni Gil. 

Nakikita ng mga manggagawa na hindi kusang ibinibigay ng kapitalista at gobyerno ang mga hiling nila para sa makatarugan at nakabubuhay na sahod. Makukuha lamang ito sa puspusan at matiyagang pakikibaka.