ACT, tutol sa panibagong profiling ng DepEd


Nakapalaman sa nasabing memorandum ni DepEd Undersecretary for Operations Revsee Escobedo ang paghingi ng listahan ng mga pangalan na kasapi ng ACT at mga unyon nito na nasa Automatic Payroll Deduction System (APDS).

Logo of Alliance of Concerned Teachers
Logo of Alliance of Concerned Teachers

“Hindi na bago ‘yong ganitong mga mekanismo ng Department of Education (DepEd) na paghingi ng mga sensitive information ng mga teacher na affiliated sa Alliance of Concerned Teachers (ACT). Sa DepEd, ito ‘yong pangalawang instance na ginawa na niya ito.”

Ito ang naging pahayag ni ACT-Philippines secretary general Raymond Basilio sa inilabas na memorandum ng DepEd noong Hunyo 14.

Nakapalaman sa nasabing memorandum ni DepEd Undersecretary for Operations Revsee Escobedo ang paghingi ng listahan ng mga pangalan na kasapi ng ACT at mga unyon nito na nasa Automatic Payroll Deduction System (APDS).

Bukod sa pagkondena, nababahala rin ang ACT sa mga impormasyong makakalap.

Anila, walang garantiya ang seguridad ng mga ito lalo pa’t ang kasalukuyang pinuno ng DepEd na si Vice President Sara Duterte ay co-vice chairperson din ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na pasimuno ng red-tagging at harassment sa mga progresibong grupo at indibidwal.

Sa red-tagging, binabansagang terorista ang sinoman para patihimikin o kaya ay ipiit gamit ang mga gawa-gawang kaso at Anti-Terrorism Act of 2020.

Nagtataka rin ang ACT sa hakbang ng DepEd dahil matagal nang alam ng DepEd kung sino-sino ang mga miyembro ng ACT na nasa APDS.

“Ang isang malinaw sa atin, nais nitong maghasik ng takot sa ating mga teacher, sa ating mga miyembro sa antas eskwelahan,” ani Basilio.

Sabi naman ng DepEd, ginagawa nila ito para ayusin at gawing sentralisado ang pamamalakad sa kanilang Human Resource Systems kabilang ang APDS.

Ngunit buwelta ng ACT, hindi na ito kailangan dahil DepEd naman ang nagpapasa at nagpapatupad ng APDS kada buwan.

Gayundin, hindi anila sapat ang paliwanag ng DepEd na gusto lamang nitong tugunan ang mga reklamo tungkol sa maling pagkakaltas.

Samantala, nilalabag ng hakbang ng DepEd ang karapatang mag-unyon at ang freedom of speech na ginagarantiyahan ng Bill of Rights sa ilalim ng Konstitusyon ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL).

Dagdag pa ng NUPL, salungat din ang pag-oobliga ng DepEd sa mga impormasyon ng mga kasapi ng ACT sa isinasaad ng Data Privacy Act of 2012.

Matatandaang noong Disyembre 2018, nagsagawa ng profilling ang Philippine National Police sa mga miyembro ng ACT sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Noong 2021 naman, naglabas ang DepEd ng “internal instruction” na humihingi sa listahan ng mga miyembro ng ACT.

Patuloy naman sa panawagan ang ACT na gampanan nang maayos ng DepEd ang kanilang mandato.

“Tiyakin na maibigay ‘yong serbisyong pang-edukasyon sa kabataang Pilipino, ‘yong dekalidad na edukasyon. At the same time ay maibigay ‘yong mga pangangailangan ng mga guro at mga kawani, at hindi niya po naging trabaho kailanman ‘yong mandahas, manakot, at mang-api sa kanyang constituents,” dagdag ni Basilio.