FEATURED

Dadaluyong ang protesta sa tinambakang dagat


Aabot sa 27,000 ektarya o halos dalawang ulit ng laki ng Quezon City ng karagatan ang maaaring masira at kasalukuyang winawasak dahil sa 53 proyektong reklamasyon na nasa iba’t ibang antas ng pag-apruba ng pamahalaan.

Higit 100 lider mula sa iba’t-ibang grupo ng mga mangingisda kasama ang mga akademiko, taong-simbahan, siyentista at mga grupong makakalikasan ang nagtipon para sa Third Summit Against Reclamation noong Hunyo 3-4 sa Pope Pius XII Catholic Center sa Maynila.

Ang reklamasyon ay ang pagtambak ng lupa sa dagat upang palawakin ang real estate property sa lugar.

Sa Pilipinas, madalas itong gawin sa pakikipagkutsabahan ng malalaking korporasyon at gobyerno tulad ng New Manila International Airport ng San Miguel Corporation (SMC) sa Bulacan.

Dambuhala man ang pinsala nito sa kalikasan, pinatitindi man nito ang epekto ng mga bagyo at pagbaha sa mga komunidad sa dalampasigan, nabibigyan pa rin ng environmental compliance certificate ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga ganitong proyekto.

Malakas at malawak man ang pagtutol ng mamamayan dito, patuloy pa rin itong tinatangkilik ng mga nagdaang administrasyon at ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Bilang tugon sa mga proyekto at mga pinsala nito, sinabi ng mga grupong dumalo sa summit na naghahanda na sila para sa isang malawak at mas malaking pagkilos para ganap na mapatigil ang mga proyekto.

Tinalakay ni Pamalakaya president Fernando “Ka Pando” Hicap sa Third Summit Against Reclamation and epekto ng reklamasyon sa Manila Bay sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda at marine ecosystem. Larawan mula sa People’s NICHE.

Ayon kay Pambansang Lakas ng mga Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) president Fernando “Ka Pando” Hicap, isang martsa ng mamamayan ang kanilang hinahanda.

“Isa itong Lakbayan ng mga Mangingisda at mga residente ng mga fishing communities mula sa mga probinsya patungo sa Maynila. Ipapaabot namin sa Malacañang at sa lahat ng ahensya ng gobyerno na sangkot sa mga proyektong reklamasyon na tutol ang mga mangingisda sa mga proyekto,” aniya.

Sinabi din ni Hicap na nabuo na ang alyansang Defend Manila Bay.

“Napakahalagang protektahan ng Manila Bay sapagkat bukod sa pangkultura at pangkasaysayang halaga nito sa ating bansa, matatagpuan dito ang napakayamang biodiversity. Isa rin itong premier fishing ground na mahalaga sa food security ng Pilipinas,” paglilinaw niya.

Ibinahagi rin ni Hicap na sa Hulyo, kasabay ng ikalawang State of the Nation Address (Sona) ni Marcos Jr., maglulunsad ng “Tunay na Sona ng Bayan” ang progresibong organisasyon kasama ang Pamalakaya. Ilalantad aniya ng mga maralitang mangingisda ang tunay na kalagayan ng sektor.

Samantala, iniulat rin sa summit na umabot na sa isla ng Cebu ang paglaban sa reklamasyon. Nabuo noong Nobyembre 2022 ang Save Cebu Movement, alyansa ng iba’t ibang grupo laban sa 10 planong proyektong reklamasyon sa probinsya.

Isa rin sa mga lumahok sa pagtitipon ang mga kinatawan at lider ng Save Gubat Bay Movement. Ayon kay Ernie Gallardo, isa sa mga pangulo ng samahan na kumakatawan sa mga maliliit na mangingisda ng alimango, lumuwas sila mula Sorsogon upang ipaabot ang pagtutol ng mga mangingisda sa bayan ng Gubat sa isang coastal road project.

Aniya, bagaman hindi tahasang reklamasyon ang proyekto, may matindi itong pinasalang dala sa kalikasan, apektado nito ang natural na siklo ng buhay at pangingitlog ng mga alimango. Pag-aalimango ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente sa lugar.

Ayon sa People’s Network for the Integrity of Coastal Habitats and Ecosystems (People’s NICHE), isang malawak na alyansang tutol sa pagwasak ng karagatan, aabot sa 27,000 ektarya o halos dalawang ulit ng laki ng Quezon City ng karagatan ang maaaring masira at kasalukuyang winawasak dahil sa 53 proyektong reklamasyon na nasa iba’t ibang antas ng pag-apruba ng pamahalaan.

Nasa 23 proyekto na sumasaklaw sa 22,875.54 ektarya ang matatagpuan sa Manila Bay. Pinakamatindi ang epekto ng mga proyekto sa kabuhayan ng mga mangingisda.

Pagtulak sa bingit ng karalitaan

Nasa 1.56 milyong Pilipino ang direktang maaapektuhan ng mga itinutulak na proyekto ng pamahalaan. Isang milyon sa kanila ay naninirahan sa mga komunidad sa Manila Bay.

Sumasaklaw ang look sa mga baybayin ng Paranaque, Las Piñas, Pasay, Malabon, Maynila at Navotas sa Metro Manila at mga probinsya ng Cavite, Bulacan, Bataan at Pampanga.

Sinasabi ng Oceana, isang internasyunal na NGO, na kung susumahin ang kabuuang halaga ng Manila Bay, 67% nito ay nagmumula sa industriya ng pangingisda.

Batay naman sa datos na nakalap ng People’s NICHE, sa kada P100 na kinikita ng mga mangingisda, P68 hanggang P90 ang nawawala sa kanila dahil sa dredging at reklamasyon.   

“Kung noon bago mag pandemya, umaabot ng sampung banyera ang huli namin sa magdamag na pagpapalaot. Ngayon, mula nang magsimula yang reclamation at dredging, nasa isang banyera na lang ang huli namin buong gabi,” ani Ricardo Bagonggong, 64, residente ng Bacoor City, Cavite, miyembro ng Pamalakaya at isa sa mga mangingisdang apektado ng reklamasyon.

Ayon sa datos ng Philippine Reclamation Authority (PRA), sa Cavite, aabot sa 13,530.22 ektarya ang saklaw ng dedging at seabed quarrying habang 2,307 ektarya o halos sinlaki ng Makati City ang sa reklamasyon.

Ang pagkasira ng tirahan ng mga isda at pagpuputik ng dagat bunga ng dredging at seabed quarrying ang dahilan ng pagliit ng huli ng mga mangingisda.

“Magastos rin sa gasolina kasi kailangan naming pumalaot ng mas malayo para mangisda,” dagdag ni Baggongong.

Mayaman sa yamang dagat ngunit sinisira ng negosyo at estado

Ayon kay Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) national coordinator Jon Bonifacio, hindi lang buhangin at tubig ang tinatambakan ng lupa sa reklamasyon, tinatabunan nito ang malusog na ecosystem ng mga dalampasigan.

“Inililibing nang buhay ang napakaraming mga isda at iba pang lamang dagat, sinisira ang mga bakawan at seagrass na tirahan ng mga lamang dagat at nagsisilbing likas na barrier laban sa storm surges. Winawasak din ng reclamation ang mga mudflats [sic] at iba pang ecosystem at organismong tumutulong sa climate change mitigation,” aniya.

Nagtipon sa Pope Pius XII Catholic Center sa Maynila ang mga mangingisda, akademiko, siyentipiko, taong simbahan at environment defender para sa Third Summit Against Reclamation noong Hunyo 3-4. Larawan mula sa People’s NICHE.

Sa datos ng People’s NICHE, 600 na bakawan ang naiulat na pinutol sa Bulacan kung nasaan ang SMC Aerotropolis.

Sa Kawit, Cavite, isang buong eryang hitik sa mangrove forest noong 2018 ang naglaho noong 2020 matapos ang iligal na reklamasyon dito.

Sa isa namang biophysical study sa Coron, Palawan ni Dr. Filipina Sotto, marine biologist at propesor sa Cebu Normal University, nasa 27% ng corals sa lugar ang namatay dahil sa mga proyektong reklamasyon.

Samantala sa Rosario, Batangas, 80% ng corals ang nasira bunga ng seafloor dredging.

Bagaman matagal nang napatunayan ng kasaysayan at agham ang pinsala sa tao at kalikasan ng reklamasyon, nakagugulat ang patuloy na pag-apruba ng pamahalaan sa mga ganitong proyekto.

May tagumpay sa pagkilos 

Sa summit, sinariwa ni Paco Perez, tagapagsalita ng Nilad na isang grupong anti-reklamasyon sa Metro Manila, ang mga tagumpay sa nakaraan na ibinunga ng pagkakaisa at pagkilos ng mamamayan laban sa reklamasyon.

Ilan dito ang ng pagpatigil sa demolisyon ng komunidad sa Cavite noong 2004 at Baseco, Maynila noong 2011, at ang matagumpay na pagsagip sa Las Piñas-Paranaque wetlands.

Nitong Marso sa Consolacion, Cebu, panimulang napaatras ng pagkakaisa ng mamamayan ang 235 ektaryang reklamasyon. Kasunod ito ng pagkabuo ng Save Cebu Movement noong 2022.

At nitong nakaraang buwan lamang, sa tulak ng tuloy-tuloy na aksiyon, dayalogo at iba pang aktibidad ng iba’t ibang grupong tutol sa reklamasyon, naglabas ang PRA ng moratorium o pansamantalang pagpapatigil sa aplikasyon ng mga bagong proyekto habang iniimbestigahan ang epekto nito sa mamamayan at kalikasan.

Ayon kay Bagonggong, “Nasa 64-anyos na ako. Hindi na ako tatanggapin bilang manggagawa sa construction. Ito na lang na pagsama sa Pamalakaya at ang pagpapatigil sa reclamation at dredging ang tanging pag-asa namin para muling bumalik ang dating sigla ng karagatan.”