Katotohanan sa ‘kusang pag-surrender’ nina Casano at Cierva
Maituturing paglabag sa Carhrihl ang psychological torture at ang sapilitang pagkawala sa loob ng higit kumulang na dalawang linggo ng mga aktibistang sina Cedrick Casano at Patricia Cierva.
Matapos ang humigit-kumulang dalawang linggo, inilitaw ng militar noong Hunyo 2 ang dalawang kabataang aktibista na napabalitang dinukot sa Cagayan.
Sa isang press briefing ng Cagayan Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-Elcac), inihayag nina Cedrick Casano at Patricia Cierva ang mga nangyari sa kanila.
“Sa mga kasamahan namin sa labas na nagsasabing itinago kami, ito kami at nasa maayos na kalagayan. Wala kaming naranasan na anumang maltreatment mula sa kasundaluhan [sic],” ani Cierva.
Ayon sa Cagayan PTF-Elcac, sumuko ang dalawang diumano’y “NPA rebels” ngunit taliwas dito ang pagtingin ng human rights watchdog na Karapatan Cagayan Valley.
“Karapatan Cagayan Valley has received reports from concerned citizens that peasant and youth organizers Cedric Casano and Patricia Cierva were captured alive by alleged members of the 501st Infantry Brigade last May 16 in Brgy. Cabiraoan, Gonzaga, Cagayan,” ayon sa bulletin post ng Karapatan Cagayan Valley noong Mayo 25.
Samantala, nakapanayam din ng SMNI sina Casano at Cierva na tuluyang nagpatunay ng iginigiit ng Karapatan.
Hunyo 9 nang ipalabas ang panayam ng dalawang diumano’y rebelde sa programang “Laban Kasama ang Bayan,” isang programa na tahasang nangre-red-tag ng mga organisasyon at indibidwal at nagpapakalat ng maling impormasyon.
Isinilaysay nina Casano at Cierva sa panayam ang dahilan sa kanilang “boluntaryong pagsuko.” Sinabi ng dalawa ang kabi-kabilang pressure mula sa mga military operation na nanggipit sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.
“Nahahagip [kami] sa mga [operasyong] militar. Tapos ‘yong panahon na ‘yon sa proseso, nagigipit kami. Nahihirapan kami sa pagkuha ng pagkain,” ani Casano.
Ibinahagi rin ni Cierva ang kanilang ‘di malilimutang karanasan noong Setyembre 2021 nang unang beses silang tinamaan ng aerial bombing na kasabay din ng ika-49 na taon ng deklarasyon ng Martial Law ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Ayon sa ulat ng Communist Party of the Philippines (CPP), nilabag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga karapatang sibil at politikal nina Casano at Cierva sa kanilang pagkawala sa loob ng higit 15 araw.
“The civil and political rights of Casano and Cierva were grossly violated by the AFP when they were kept incommunicado for more than 15 days after being taken into custody last May 18,” sabi ng CPP sa isang pahayag.
Mula sa kabi-kabilang military operation na nakaapekto sa pang-araw-araw nilang pamumuhay, pagkawala ng kanilang kasamahan at hanggang sa mga pambobomba na kinailangan nilang pagdaanan, matinding pandarahas ang dinanas ng dalawang aktibista sa kamay ng militar sa kabila ng kawalan ng pisikal na bakas.
Sinasabi rin na paglabag sa Comprehensive Agreement for Respect on Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl) ang ginawa sa dalawang dinukot na aktibista.
Nagsisilbing mahalagang kasunduan ang Carhrihl sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na nilagdaan noong 1998. Saklaw ng kasunduang ito na protektahan ang karapatan ng mga mamamayan kasabay ng pag-iral sa mga kalayaang sosyal at politikal.
Maituturing paglabag sa Carhrihl ang psychological torture at sapilitang pagkawala sa loob ng humigit-kumulang na dalawang linggo nina Casano at Cierva.
“Casano and Cierva, youth activists in Cagayan, were subjected by the military to relentless psychological torture to break their spirit and will to fight for the people,” ayon pa sa CPP.
Parehong naging bahagi sina Casano at Cierva ng mga progressive organizations kung bago naging organisador ng mga kabataan at magsasaka sa Cagayan Valley. Dating mag-aaral si Casano sa Polytechnic University of the Philippines-Manila habang nagtapos naman si Cierva ng Development Studies sa University of the Philippines Manila.
Samantala, hindi pa rin nakikita ang dalawang indigenous peoples advocate na sina Bazoo De Jesus at Dexter Capuyan na huling nakausap noong Abril 28. Hinihinalang dinukot ang dalawa ng mga ahente ng estado sa Taytay, Rizal.