Pamilya ng mga napaslang sa Abra, sumisigaw para sa katarungan
Nanawagan ng mas malalim na imbestigasyon hinggil sa pagpaslang sa ilang sibilyan at rebeldeng nahuli diumano ng militar sa isang engkuwentro noong Setyembre sa Lacub, Abra. Sa kanilang piket sa harap ng Kampo Aguinaldo, sa Quezon City, iginiit ng kaanak ng mga napaslang na kailangang magkaroon ng malalimang imbestigasyon hinggil sa mga pangyayari sa naturang […]
Nanawagan ng mas malalim na imbestigasyon hinggil sa pagpaslang sa ilang sibilyan at rebeldeng nahuli diumano ng militar sa isang engkuwentro noong Setyembre sa Lacub, Abra.
Sa kanilang piket sa harap ng Kampo Aguinaldo, sa Quezon City, iginiit ng kaanak ng mga napaslang na kailangang magkaroon ng malalimang imbestigasyon hinggil sa mga pangyayari sa naturang lugar, lalo na matapos ang sinasabing engkuwentro sa pagitan ng mga elemento ng 41st Infantry Batallion ng Philippine Army at mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa lugar.
Batay sa inisyal na independyenteng mga imbestigasyon, nilabag ng 41st IB ang International Humanitarian Law dahil sa diumano’y mga bakas ng pagpapahirap (torture marks) sa mga katawan ng pitong biktima na kinilalang miyembro ng NPA.
Matatanggap namin kung namatay si AJ sa lehitimong engkuwentro. Pero posibleng buhay siya at posible rin na pinahirapan bago patayin,” ani Cynthia Dacanay, asawa ni AJ Jaramillo isa sa mga napatay na NPA.
Batay sa awtopisiya ng National Bureau of Investigation (NBI), tadtad ng bala ang likod at ibabang bahagi ni AJ, at may bahagi rin ng katawan na sunog na maaari daw sanhi ng malapitang pagbaril. Wasak din ang kanyang panga at kinailangan. Naniniwala si Dacanay na pinahirapan muna ang kanyang asawa bago patayin.
Patay ang kapatid ko, pero walang tama ng bala,” sabi naman ni Jang Monte, kapatid ng isa ring miyembro ng NPA na si Recca Noelle Monte. Batay din sa awtopsiya ng NBI, walang anumang tama ng bala ang katawan ni Recca. Pero basag ang kanyang bungo, durog din ang ibabang bahagi ng kanyang katawan.
Bukod sa dalawa, maging ang anim pang miyembro ng NPA ay may mga bakas ng pagpapahirap, kung hindi man sinalaula ang kanilang mga bangkay, ayon sa Hustisya, grupo ng mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao.
Malalang paglabag sa karapatang pantao ang naganap sa operasyon ng militar noong Setyembre 4 hanggang 6. Dapat managot ang 41st IB,”sabi ni Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya.
Maliban sa akusasyong paglabag sa karapatan ng mga miyembro ng NPA bilang kombatant, inakusahan din ng grupo ang militar ng pagpaslang sa dalawang sibilyan.
Ayon kay Guevarra, pinaslang ng militar si Noel Viste matapos siyang gamiting guide ng mga militar. Biktima rin daw ng ekstrahudisyal na pamamaslang si Fidela Salvador, isang enhinyero na nagsusubaybay ng mga proyekto ng isang non-government organization nang maganap ang labanan.
Sinabi naman ng grupong Karapatan na maituturing na war crimes ang naganap sa Lacub, Abra.
“Ang pagtortyur, pagpatay at pagsalaula sa mga bangkay ng pitong NPA ay paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law na nilagdaan ng gobyerno at ng National Democratic Front,” ani Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
Panawagan ng kaanak na maglunsad ang Kamara ng isang hiwalay at malalimang imbestigasyon. Gayundin ang idudulog nila sa International Committee of the Red Cross at sa GPH-NDF Joint Monitoring Committee.