Editoryal

Panahon na, isabatas na


Iginigiit ng maraming grupo ng LGBTQ+ na agarang isabatas ang SOGIESC Bill upang protektahan ang kanilang buhay, dignidad at karapatan. Hanggang sa ngayon, nakararanas pa rin ng matinding diskriminasyon ang mga LGBTQ+ sa samu’t saring porma.

Photo of an LGBTQ couple wearing the pride flag with a call to pass SOGIE Bill on their backs

Mahigit dalawang dekada nang nakabinbin sa Kongreso ang panukalang batas sa proteksiyon laban sa diskriminasyon batay sa sexual orientation, gender identity and expression at sex characteristics (SOGIESC).

Unang inihain ang panukala bilang Employment Anti-Discrimination Bill noong 2000 sa Kamara at noong 2004 sa Senado. Mula rito, umunlad ang panukala sa loob ng maraming taon.

Hindi na lamang diskriminasyon sa hanapbuhay at karapatang ekonomiko ang nais tugunan ng kasalukuyang bersiyon ng panukala kundi pati ang diskriminasyon sa edukasyon, serbisyo publiko, serbisyong medikal at iba pa.

Sa Ika-19 na Kongreso, nakakuha ng malawak na suporta sa Senado ang panukalang batas na SOGIE Equality Bill na inihain nina Sen. Risa Hontiveros, Loren Legarda at Mark Villar.

Ngunit hinarang ni Sen. Joel Villanueva noong Pebrero ang pagdinig ng panukala sa plenaryo at ibinalik ito sa antas komite, partikular sa Committee on Rules na pinamumunuan niya, dahil may mga lider-simbahan pa umanong nais magpahayag ng kanilang pagtingin.

Sa Kamara, aprubado na ng Committee on Women and Gender Equality ang konsolidadong panukala na SOGIESC Bill. Sa kapulungang ito, hinarang naman ni Rep. Eddie Villanueva, ama ni Sen. Villanueva at tagapagtatag ng Jesus Is Lord Church, ang pag-usad ng panukala.

Ayon sa Commission on Human Rights, obligasyon ng Pilipinas sa internasyunal na kasunduan sa mga karapatang pantao ang pagsasabatas ng proteksiyon sa mga karapatang pantao ng mga lesbian, gay, bisexual, transgender, queer o questioning at iba pa (LGBTQ+).

Iginigiit ng maraming grupo ng LGBTQ+ na agarang isabatas ang panukula upang protektahan ang kanilang buhay, dignidad at karapatan. Hanggang sa ngayon, nakararanas pa rin ng matinding diskriminasyon ang mga LGBTQ+ sa samu’t saring porma.

Biktima rin ang mga LGBTQ+ kabi-kabilang paglabag sa karapatang pantao ng mga pasistang ahente ng estado at mga kasabwat nito kagaya ng ginagawang harassment at red-tagging ng mga persohane ng SMNI kay Bahaghari chairperson Reyna Valmores at pagkawala ng human rights defender at queer activist na si Loi Magbanua.

Nariyan din ang mga hate crime na kagaya ng pandarahas at pamamaslang katulad ng pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014 ng isang sundalong Amerikanong si Joseph Scott Pemberton na binigyan ng absolute pardon ni Rodrigo Duterte noong 2020.

Habang sinasabi ng mga pag-aaral na handa na ang karamihan ng Pilipino sa pagtanggap sa mga LGBTQ+ at sa kanilang mga karapatan, taliwas naman ang kilos ng pamahalaan upang tiyaking mabigyan sila ng proteksiyon sa ilalim ng batas.

Inuuna pa ni Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang mga kaalyado ang mga panukala kagaya ng Maharlika Investment Fund na pondo para sa korupsiyon at mandatory Reserve Officers’ Training Corps upang gawing pambala sa giyera ang kabataan.

Higit na mas kailangan ng mamamayan ang mga batas na magtitiyak ng kanilang mga karapatan at hindi ang kung anong patakarang mag-iibayo sa pandarambong at pang-aabuso sa kapangyarihan.