FEATURED

Alyado nina Marcos-Duterte, inireklamo sa illegal recruitment scam


Nagsampa ng reklamo ang mga biktima sa Department of Migrant Workers (DMW) laban kay dating Cebu City Councilor Niña Mabatid sa kasong illegal recruitment noong Hulyo 12.

“Imbestigahan ninyo po itong iskema ni Niña Mabatid at Opportunities Abroad, na ginagamit lamang ang student pathway visa papunta sa Canada, upang manloko at magnakaw ng pera sa ating mga kababayan,” ani Migrante International chairperson Joanna Concepcion. Larawan ni Michael Beltran.

Nagsampa ng reklamo ang mga biktima sa Department of Migrant Workers (DMW) laban kay dating Cebu City Councilor Niña Mabatid sa kasong illegal recruitment noong Hulyo 12.

Pinangunahan ng Migrante International panawagan ang mga overseas Filipino worker (OFW) upang mapanagot si Mabatid sa kanyang iskema.

“Imbestigahan ninyo po itong iskema ni Nina Mabatid at Opportunities Abroad, na ginagamit lamang ang student pathway visa papunta sa Canada, upang manloko at magnakaw ng pera sa ating mga kababayan,” ani Migrante International chairperson Joanna Concepcion.

Ginamit ni Mabatid ang kanyang mga koneksiyon sa politika at sa mga sikat na personalidad upang makahikayat ng mga biktima.

“Pinakita pa niya ‘yong mga picture kasama sila Sen. Raffy, President Duterte, Inday Sara. [Pagkakita] namin, siyempre nahikayat na kami”, anii Ronel Robles, OFW galing Japan at isa sa mga biktima.

Ayon sa kanya, nagbayad sila ng P104,500 bilang processing fee para sa student visa papuntang Canada, kasabay pa nito ang pautang umano na P1 milyon na may 0% interest.

Matapos makapagbayad, pumirma si Robles ng memorandum of agreement, kung saan nakasaad na non-refundable ang nasabing transaksiyon.

Mahigit 100 katao ang sinasabing dumalo sa oryentasyon noong Marso 3 sa munisipyo ng Gen. Mariano Alvarez, Cavite kung saan dumalo si Robles.

Matapos ang oryentasyon, hindi na matawagan o makontak ang kompanya ni Mabatid.

Nag-comment si Robles sa Facebook page ng Pinoycare Visa Center at doon nagreklamo. Ngunit nagulat siya ng makitang nabura ang mga komento niya.

“’Yong mga comment ko nawawala. Mga ilang araw siguro naka-block na ako sa page. Following days naka-receive ako ng message kakasuhan ako ng cyberlibel kapag di ako tumigil,” dagdag ni Robles.

Mayroon din mga naging biktima ng illegal recruitment scam ni Mabatid sa Hong Kong.

Nagsampa sila ng reklamo sa Hong Kong Police at Philippine Migrant Workers Office sa Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong noong nakaraang buwan.

Sinabi naman ni DMW Secretary Susan Ople na iimbestigahan ng ahensiya ang mga reklamo ng panloloko sa mga OFW.