FEATURED

Araling comfort women, isinusulong sa Kamara


Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang naglalayong isama sa kurikulum sa mga paaralan ang pag-aaral sa buhay at sakripisyo ng comfort women na biktima ng pang-aabuso ng mga sundalong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ayon sa Makabayan bloc, bigong kilalanin hanggang ngayon sa mga aklat pangkasaysayan ang naging pagdurusa ng libo-libong kababaihan sa kamay ng mga Hapon. File photo.

Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang naglalayong isama sa kurikulum sa mga paaralan ang pag-aaral sa buhay at sakripisyo ng comfort women na biktima ng pang-aabuso ng mga sundalong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa inihaing House Bill 8564 o Comfort Women Education Act ng Makabayan bloc, nais nina Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party, Rep. France Castro ng Act Teachers Partylist at Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Partylist na ituwid ang “historical injustice” hinggil sa comfort women.

Anila, bigong kilalanin hanggang ngayon sa mga aklat pangkasaysayan ang naging pagdurusa ng libo-libong kababaihan sa kamay ng mga Hapon.

“Napakahalaga na turuan natin ang mga nakababatang henerasyon tungkol sa mga kalupitan at sekswal na pang-aalipin na dinanas ng mga babaeng ito noong World War II, dahil ang kanilang mga kuwento ay matagal nang isinantabi,” ani Brosas.

Sakaling aprubahan, isasama sa Araling Panlipunan ang comfort women education sa antas elementarya at sekondarya. Gagawin naman itong elective course o opsiyonal na kurso sa kolehiyo at iba pang institusyon.

Matatandaang noong 2018, tinanggal ang estatuwa na sumisimbolo sa comfort women sa Roxas Boulevard sa Maynila. Sabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maaari naman itong ilipat ng lugar at “tapos na” ang isyu hinggil sa comfort women.

Samantala, hindi man lang nabuksan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isyu hinggil sa mga comfort women sa pagbisita sa Japan noong Pebrero.

Dismayado ang Gabriela at Lila Pilipina, mga organisasyong nagtatanggol sa comfort women, sa mga aksiyon ni Duterte at ngayon ni Marcos Jr.

“Nakapanghihinayang na ang gobyerno ng Pilipinas ay kumikilos na parang puppet government sa Japan sa halip na manindigan para sa dangal at dignidad ng mga babaeng Pilipino na naging biktima ng pananakop ng mga Hapones sa bansa noong World War II,” sabi ng grupong Lila Pilipina.