Paglinang sa kamalayan ng mga bata


Isa ang panitikang Pilipino sa paraan nang wastong paghubog sa kamalayan ng mga bata. Marami sa mga akda ang sumasalamin sa buhay at pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Sa panahon ngayong lumalaganap ang matinding disinformation at historical revisionism na dala ng mga impormasyon mula sa internet at iba pang porma ng mass media, bulnerable ang mga bata sa mga maling konsepto ng pang-araw-araw na buhay. Kaya naman mahalaga na kahit bata pa lamang, nahuhubog na sila sa tamang kamalayan.

Isa ang panitikang Pilipino sa paraan nang wastong paghubog sa kamalayan ng mga bata. Marami sa mga akda ang sumasalamin sa buhay at pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Sa pamamagitan ng mga kuwentong bayan, awit, tula at aklat, naipapaliwanag sa sariling wika ng mga bata ang tunay na kalagayan ng lipunan.

Kamakailan, inilunsad ang isang aklat pambata ang “Isang Himala sa Gubat Kamanyang,” isang kuwento ng mga langgam at mga punong balete sa panulat nina Janus Bulawan at Sophia Garduce.

Hindi simpleng dibuho o drawing ang pagsasalarawan sa mga pangunahing karakter sa kuwento. Nagmula ito sa palihan ng mga bata noong 2008 sa anibersayo ng People Power I, ginamit ni Bulawan at iba pang bata ang luwad o clay bilang pangunahing porma ng pagsasalarawan sa kuwento at isinadokumento ng isang retratista.

Makulay na isinalarawan ng aklat ang paglaban ng mga langgam sa pagmamalabis ng isang tuko, si Ruyoko Tuko at ng kanyang among si Haring Chenso, na nagnanais angkinin ang kanilang kaharian—ang kagubatan.

Sipi mula sa pambatang aklat na “Isang Himala sa Gubat Kamanyang” sa panulat nina Janus Bulawan at Sophia Garduce.

“Tinipon ni Reyna Tala ang mga langgam, kailangang sagipin natin ang kagubatan ng Kamanyang. Kundi ay mas malalakas na bagyo ang tatama sa ating palasyo. Kung wala na nang mga puno unit-unting iinit ang paligid”, isang sipi sa aklat. Isinalarawan ng kuwento ang kasalukuyang nararanasan natin na pagbabago ng klima dulot ng walang habas na pagsira sa kalikasan ng mga malalaking korporasyon nais lamang kumita.

Ngunit sa sama-samang pagkilos, maaring mahinto o mapigilan ang pagkawasak ng kalikasan. 

“Kinagabihan nagkapit-kapit ang mga langgam at dahan –dahan silang gumapang pailalim sa natutulog na si Ruyoko. Nagmistula silang isang gumagapang na banig na binuhat siya palabas ng palasyo. Samantala dahan-dahang kumilos ang mga balete patungo sa natutulog na si Haring Chenso. Sa hudyat ni Balete. Tinapakan nila si Haring Chenso hanggang sa magkagutay-gutay ito,” ilan pang sipi mula sa aklat.

Maraming katulad ng “Isang Himala sa Gubat Kamanyang” na mga aklat pambata na tumatalakay sa totoong kalagayan ng iba’t ibang sektor ng lipunang Pilipino. Hindi lamang kapupulutan ng mga positibong aral, bagkus hinuhubog nito ang kamalayan ng mga batang Pilipino na maging kritikal sa pagsusuri sa kanyang paligid na ginagalawan.

Nariyan ang mga aklat pambata na nagsasalarawan sa buhay at pakikibaka ng mga Lumad at Moro tulad ng “Datu Birang,” “Sayaw ng Pantaron” at “Ang Mahiwagang Tungkod ni Lolo Jose.” Ang aklat pambata na “Jamin: Ang Batang Manggagawa” na halaw naman sa buhay ng mga batang sakada sa Negros. 

Maaaring makipag-ugnayan sa Southern Voices Printing Press o sa The Indie Publishers Collab PH para sa mga aklat pambata na tumalatalakay sa iba-ibang paksa at isyung panlipunan.