FEATURED Rebyu

Trahedya ni Oppenheimer


Trahedya ito, hindi dahil sa anumang aksiyon niya, kundi dahil ginawa niya ang mga ito sa konteksto ng malupit at mapanupil na politika ng post-WW2 Amerika, ng red scare, communist witchhunts at McCarthyism ng huling bahagi ng 1940s at buong 1950-60s.

Trahedya ang kuwento ni J. Robert Oppenheimer, ‘di pa dahil isa siya sa pangunahing naglikha ng pinakamalagim na instrumentong pandigma sa kasaysayan ng mundo, at ‘di rin dahil nilamon siya ng ambisyong maging bahagi ng pinakasignipikanteng siyentipikong pagtutuklas noong panahong iyon.

Trahedya ito, hindi dahil sa anumang aksiyon niya, kundi dahil ginawa niya ang mga ito sa konteksto ng malupit at mapanupil na politika ng post-WW2 Amerika, ng red scare, communist witchhunts at McCarthyism ng huling bahagi ng 1940s at buong 1950-60s.

Trahedya ang kuwento ni Oppenheimer, batay sa pagsasalaysay ng pelikula ni Christopher Nolan at nina Kai Bird at Martin Sherwin (mga awtor ng “American Prometheus” na “inspirasyon” ng pelikula ni Nolan) dahil tinanggap na lang ng dakilang siyentipiko ang pagpaparusa sa kanya ng Amerika (kahit hindi naman kailangan, sabi nga ng asawang si Kitty) sa kabila ng mga kontribusyon niya sa pagwagi ng huli sa WW2, sa kabila ng paglikha niya ng atom bomb.

Trahedya din ito dahil sa buong panahong subsob ang mga siyentipiko sa Los Alamos sa proseso ng pagdebelop ng teknolohiya ng enerhiyang nukleyar, nasa likod ng isip ng marami sa kanila ang posibilidad—ang probabilidad—na bagamat maaaring makatulong ang kanilang imbensiyon sa pagawawakas sa digmaan, maglilikha ito ng chain reaction na maaaring dumulo sa pagwawakas ng mundo at sangkatauhan.

Alipin sila ng kasalukuyan, wala silang magagawa. Karimarimaram ang alternatibo—ipaubaya sa mga Nazi ang pagpapaulad ng teknolohiya at posibilidad na gamitin ito, hindi lang sa Amerika, kundi sa lahat ng kaaway ng pasismo sa mundo.

Dahil dito, kumbinsido ako sa katumpakan ng argumento ng pelikula, at ni Oppenheimer, sa paglahok sa pagpapaunlad ng teknolohiyang ito. Malinaw naman sa kasaysayan na sa kabila ng pagiging “digmaan ng mga imperyalista” ang WW2, nasa panig ng tama ang Allies, at kinatawan ng mga Nazi ang pinakamasahol at malupit na bersiyon ng kapitalismo.

Pero hindi ako tiyak sa katumpakan ng mga desisyon ni Oppenheimer hinggil sa pagtalikod sa progresibong mga tunguhin niya sa proseso ng pagsusog sa kanyang ambisyong maging bahagi ng kasaysayang ito.

Malinaw din naman ang pelikula: kauna-unawa ang pagsakripisyo ni Oppie sa pagkakaibigan niya kay Haakon Chevalier, ang pag-ibig kay Jean Tatlock (kailangang banggitin: parehong miyembro ng Partido Komunista sa US) para manatili ang siyentipiko sa Manhattan Project.

Pero hindi ibig sabihing tama ang desisyong ito. Sa huli, naging sakripisyo sila sa altar ng siyensiya at “paglaban sa pasismo”—si Tatlock, nasawi sa sariling kamay (bagamat may pinalulutang ang pelikula na posibilidad na pinatay siya ng FBI), si Chevalier, nawalan ng propesyon katulad ng maraming progresibo at komunista dahil sa witchhunts ng gobyerno ng US.

Sa kabila ng mga sakripisyo—sakripisyo ng mga kaibigan, sakripisyo ng prinsipyo—hindi pa naging sapat ito para maisalba si Oppenheimer. Iyong pagiging maka-Kaliwa niya, na siyang pinagmumulan ng kagustuhang durugin ang Nazismo (lalo na’t Hudyo rin siya) at sa gayo’y dahilan niya para lumahok siya sa Manhattan Project, ang ginamit para idiin at siraan siya.

Sa huli, parang gamit na laruang binasura ng Estado si Oppenheimer. Inungkat ang kanyang nakaraan bilang “fellow traveler”—tagasuporta  ng paglaban sa pasismo sa Espanya, paglahok sa unyon sa akademya at nakaraang asosasyon sa mga komunista (dating miyembro ng Partido Komunista kahit ang asawa niyang si Kitty at kapatid at kapwa siyentistang si Frank)—para bawian siya ng security clearance at idiskaril ang karera sa siyensiya.

At hinayaan na lang niya itong mangyari dahil nabalutan na siya ng konsensiya sa paglikha ng bomba atomika at pagkasawi ng daanlibong katao sa Hiroshima at Nagasaki.

Habang pinanonood ang pelikula, nasa likod ng isip ko ang mag-asawang sina Julius at Ethel Rosenberg.

Inakusahang nag-espiya sa Amerika para maipasa sa Unyong Sobyet ang mga impormasyon sa paglikha ng bomba atomika, binitay sila ng gobyernong US noong 1953 sa silya elektrika—isang taon bago ang pagsasakdal ng gobyerno ng US kay Oppenheimer. Pero para sa akin, hindi trahedya ang kuwento ng mag-asawa.

Sa kahuli-hulihan, minantine nilang wala silang ginawang masama. Totoo, batay sa mga dokumentong declassified, na nag-espiya nga si Julius para sa Unyong Sobyet. Pero malinaw ngayong hindi ito ang naging mapagpasya sa pagdebelop ng USSR ng mga armas nukleyar. Malinaw ring walang gaanong kinalaman si Ethel sa pag-eespiya ng asawa.

Anu’t anuman, may argumentong magagawa sa teoretikal na senaryo ng pagpasa ng mga sikreto ng programang nukleyar ng US sa USSR: bilang deterrent o tagapigil sa paggamit ng US ng nuclear bomb sa pakikidigma nito (kahit pa “malamig” na digmaan ito) sa mga Ruso. May argumento sa pagtataksil sa makina ng imperyalismo.

Samantala, kabaligtaran ang naging karanasan ni Oppenheimer. Naging tapat siya sa (Estado ng) Amerika, pero sa huli, siya ang pinagdudahan at pinagtaksilan nito.

Napatotoo ang kanyang naunang mga suspetsa: na hindi pagwawakas kundi pagpapaigting ang kanyang imbensiyon ng digmaan sa mundo na maaaring humantong sa pagawawakas nito.