Editoryal FEATURED

Utang ay ‘di birong kalbo


Umuutang ang gobyerno para sa kanilang luho at panunupil sa taumbayan, tapos tayo ang sisingilin ng pambayad.

Nasa P14.1 trilyon na ang pagkakautang ng Pilipinas nitong Mayo, katumbas ng P125,588 na pagkakautang ng bawat Pilipino. Tinatayang lolobo sa P15.8 trilyon ang utang ng bansa sa pagtatapos ng taon.

Nitong Mayo, bago markahan ang unang taon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naitala ang pinakamalaking buwanang pagtaas ng utang mula 2001 na nasa P118.6 bilyon. 

Hindi nakakatuwa ang biro ni Senador Bato Dela Rosa na dagdagan ang populasyon. Gusto ba niyang paramihin pa ang mga ‘di makatanggap ng batayang serbisyo dahil ginagamit ang pondo para ipambayad sa utang? Hindi porke kalbo siya ay nakakatawa na siya. Hindi rin biro para sa maraming Pilipinong naghihirap na bawasan ang inaasahan nilang pondo.

Pilit ding ipinagtatanggol ni Finance Secretary Benjamin Diokno na hindi raw naipapakita ng mga datos ang kabuuang kalagayang pampinansiya ng pamahalaan ang mga numero. Dapat daw tingnan ang debt-to-gross domestic product ratio upang makita ang kabuuang utang sa kakayahan ng ekonomiya na kumita.

Sa panukalang badyet para sa 2024, aabot sa P670.5 bilyon o 11.6% ng kabuuang badyet ang pambayad ng interes sa utang. Parang nangungutang tayo para ipambayad sa utang. At awtomatiko ito sa batas.

Pero saan nga ba napupunta ang mga inuutang ng gobyerno?

Kapuna-puna ang malaking confidential and intelligence funds na hinihingi ng iba’t ibang tanggapan at ahensiya tulad ng Office of the President, Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd) at maging ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) para sa susunod na taon.

Ayon kay Sara Duterte, gagamitin daw para sa “national security” ang confidential and intelligence funds ng OVP at DepEd na may kabuuang P650 milyon. Para sa seguridad nga ba o para sa paniniktik ng mga guro at mag-aaral?

Humihingi naman ng P9.7 bilyon na pondo ang NTF-Elcac para sa 2024. Lubhang napakalaking pondo na para raw sa “barangay development.” Pinuna rin sa pagdinig ng Kamara na wala pang audit sa pondo ng task force na kilala sa pangre-red-tag ng mga kritiko at progresibo.

Tila itinatago ng gobyerno kung paano ginagasta ang pondo. Imbis na ilaan sa serbisyo sa tao, nagagamit pa sa paglabag sa mga karapatan ng mamamayan.

Batbat din ng korupsiyon ang paggamit ng pondo ng gobyerno. Halos mamalimos ang mamamayan sa paghingi ng ayuda sa sabay-sabay na krisis na dinaranas pero napupunta sa bulsa ng mga makapangyarihan ang pondong dapat para sa mahihirap.

Hindi sana tayo mababaon sa utang kung binubuwisan nang malaki ang mayayaman. Nakakabwisit, ano? Umuutang ang gobyerno para sa kanilang luho at panunupil sa taumbayan, tapos tayo ang sisingilin ng pambayad. Mabuti sana kung ibabalik ng mga Marcos ang ninakaw nilang yaman para iyon ang ipambayad natin sa utang. 

Nanunuot ang korupsiyon, maling pamamalakad at maling prayoritisasyon sa pondo ng bayan. Sa taas ng buwis na ipinapataw sa ordinaryong mamamayan, halos walang balik sa taumbayan dahil sa kapritso ng mga nasa poder napupunta.

 Hindi ito birong kalbo, dapat tayong mag-aalala, magalit at kumilos.