Panay Panayam

Higit na pag-intindi sa ugat ng maraming problema natin


Matagal ko nang kilala, pero hindi personal, si Propesor Temario C. Rivera. Matagal ko na rin siyang hinahangaan; siya ang ginagaya ko noon sa pagsusuot ng kamisetang batik. Isang karangalan na makapanayam siya at nakakatuwang pinaunlakan niyang sagutin maging ang mga tanong tungkol sa kanyang buhay intelektuwal, kundi man buhay mismo.

Batay sa reaksyon sa social media, mukhang maraming natuwa sa huli nating panayam, bukod pa sa marami nang tagahanga ang ating kinapanayam. Sabi ni MB, idolo ng isang komunidad nag maralitang lungsod si Pastor Irma Balaba.

Ngayon naman, kapanayam natin si Propesor Temario C. Rivera, may palayaw na “Temy,” isa sa mga kilalang political scientist o siyentistang pampolitika sa bansa. Naging propesor siya ng Department of Political Science ng University of the Philippines (UP) Diliman, kung saan naging tagapangulo rin siya noong 1992-1997. Nagturo siya sa International Christian University sa Tokyo, Japan nang mahigit isang dekada at naging patnugot ng Philippine Political Science Journal (1993-2013). Siya ngayon ang tagapangulo ng Board of Directors ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG), isang think tank na nagsusulong ng makamamamayang paggogobyerno.

Matagal ko nang kilala, pero hindi personal, si Propesor Rivera. Matagal ko na rin siyang hinahangaan; siya ang ginagaya ko noon sa pagsusuot ng kamisetang batik. Isang karangalan na makapanayam siya at nakakatuwang pinaunlakan niyang sagutin maging ang mga tanong tungkol sa kanyang buhay intelektuwal, kundi man buhay mismo.

Maraming salamat kay Orle Valsing sa pagpapayag na gumawa ng mga imahen para sa panayam na ito. Inedit ang panayam para mapaiksi at isinalin sa Filipino ang mga salitang orihinal na sinabi sa Ingles hanggang makakaya.

Ano po ang pagtatasa o assessment ninyo sa rehimen ni Ferdinand Marcos Jr., lalo na’t kakatapos lang ng kanyang ikalawang State of the Nation Address?

Isang taon at ilang buwan pa lang matapos siyang maging presidente. Kaya ang pagtatasa ay batay sa aktuwal na rekord niya sa panahong iyon. Masasabing ang pampolitikang pamumuno ni Bongbong ay may hinaharap na tensiyon: ang isa, nagmumula sa tradisyon ng kanyang tatay na naging diktador, si Ferdinand Marcos Sr., at pangalawa, dahil naging kaalyado niya ang pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nandoon din ang tensiyon kung paano magmaniobra kaugnay ng mga Duterte.

Sa unang taon niya, matingkad iyong pagnanasa niyang ma-rebrand o mabigyan ng bagong imahen ang tradisyon ng pamilya niya. Kasi nga, sa matagal na panahon, kapag sinabi mong “Marcos,” nakakabit iyan sa diktadura at lahat ng abuso. Ang rebranding na ginagawa niya, makikita sa maraming bagay kagaya ng kagustuhan niyang mabuhay ulit ang maraming proyekto na dikit sa tatay niya—Kadiwa, Masagana 99, kahit iyong Maharlika Fund. Kasi iyong Maharlika ay ginamit ng tatay niya na pangalan ng isang grupong gerilya kuno noong World War II, pero gawa-gawa lang pala, walang matibay na batayan. Malinaw na gusto niyang patingkarin iyong sa tingin niya ay mga nagawa o achievements ng kanyang tatay. Pero ang aktuwal na rekord ng mga ito karamihan ay napakasama, puro palpak, hindi rin nagtagumpay.

Sa kabilang tradisyon naman, nagmamaniobra rin siya. Ano ngayon ang sagot niya sa mga isyu laban kay Duterte? Kasi gustuhin man niya o hindi, kailangang pumosisyon siya. Siguro pinakamatingkad diyan iyong mga nangyaring abuso sa karapatang pantao, lalo na iyong ekstrahudisyal na pagpaslang. Alam na rin natin na pumosisyon na rin siya na hindi papayagang pumasok sa bansa ang mga imbestigador ng International Criminal Court.

Ngayon pa lang, nakikita na kung paano pumoposisyon ang pamilya ni Marcos Jr. sa estratehikong banta na puwedeng mangyari sa susunod na eleksiyon sa 2028. Bagaman malayo pa, may mga maniobrang pampolitika na. Ang pinakadramatiko rito sa ngayon ay iyong pagpapababa sa katungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Kongreso. Medyo malaki ang problema ng mga Marcos kasi gaya ng kahit anong dinastiyang pampolitika, gusto nilang hindi mawala sa poder. Pero ang problema diyan, sa mga Marcos, sino ang ihaharap kay Bise Presidente Sara Duterte? Kasi tiyak o halos tiyak—maliban na lang kung may malaking mangyari na hindi inaasahan—na lalaban si Sara na presidente. Siyempre, nandiyan si Imee, kapatid, pero may ilang alinlangan dahil, interesante, hindi siya kontrolado ni Bongbong at ng pangkatin ni Bongbong. May sariling lakad ito, na ipinapakita niya sa malalaking isyu, tulad sa patakarang panlabas, Maharlika Fund at iba pa. Ang lumalabas na puwede nilang ilaban kay Sara ay si Speaker Martin Romualdez.

Isa pang matingkad, ipinakita ni Bongbong iyong kulang na kulang ang sense of urgency o pag-aksyon agad at nang mapagpasya, lalong-lalo na ikaw ang presidente pagkatapos ng pandemya—at napakatindi ng mga problema natin, mga krisis sa ekonomiya, kalusugan, edukasyon at iba pa. Kulang na kulang ang sense of urgency na ipinakita niya kung paano harapin ito. Halimbawa, hanggang ngayon, wala pang pultaym na kalihim sa agrikultura, napakahalagang sektor ng ekonomiya. Sa korupsiyon, wala ring malinaw na mga patakaran para maharap ang napakatinding problema.

At siyempre, bagaman ipinapangalandakan niya iyong panawagan para sa pampolitikang pagkakaisa o unity, wala ring polisiya sa pampolitikang inclusiveness o panghahamig. Kasi kung mananawagan ka ng unity, mahalaga na iyong mga tumutuligsa sa iyo ay magkaroon ng oportunidad na makatrabaho mo, kumbaga. Isang kongkretong kakulangan na nakikita ko, patuloy pa rin ang programang kontra-insurhensiya. Kung unity sa politika, ang isang malinaw na kasagutan sana, seryosong pagbubukas muli ng usapang pangkapayapaan.

Tampok po iyong napakaraming biyahe sa ibang bansa. Nakapaloob na po siguro sa rebranding?

Puwedeng isama natin sa rebranding dahil siyempre, sa ginawa ng tatay at nanay niya, nagkaroon ng napakasamang reputasyon ang mga Marcos. So iyong maraming biyahe niya, isang paraan para mapanibago iyon. Hanggang ngayon, ang pinakamasasahol na kaso ng korupsiyon at pandarambong ay sa panahon ng diktadura.

Palaisipan po para sa marami ang pagiging popular ni Duterte hanggang sa dulo ng kanyang termino—sa kabila ng war on drugs at kahit tugon ng gobyerno niya sa pandemyang COVID-19. Ano po ang paliwanag ninyo rito?

Ikinakawing ko iyan sa pampolitikang kultura natin, sa isang bahagi o sa pangunahin, at iyong kahinaan ng ating mga mayor na pampolitikang institusyon.

Kung titingnan mo ang kasaysayan natin, dahil napakaraming problemang pinasok ng bansa natin mula pa noong panahong kolonyal, panahon ng Hapon, pagkatapos ng gera, at hindi nagkaroon ng malinaw na solusyon—halimbawa, pampolitikang estabilidad at paglago ng ekonomiya na nakita sa ibang bansa, kahit sa Asya o Timog Silangang Asya. Napag-iwanan na tayo ng mga kapitbahay: Singapore, Thailand, Malaysia, Indonesia at Vietnam.

Sa konteksto na iyan, napakalakas ng paghahanap ng karaniwang Pilipino ng isang solusyon, pampolitikang solusyon, na hindi niya nakikita sa mga nakatayong institusyon. Kaya ang palaging hinahanap niya ay iyong personalidad. Parang naghahanap ng tagapagligtas, kumbaga. Kasi nga kung hindi mo maaasahan ang mga institusyon na nariyan, gaya ng hudikatura, Kongreso, sistema ng edukasyon at kalusugan at iba pa, hindi kataka-taka na hahanapin mo ang solusyon sa isang tao na sa tingin mo ay malakas ang pamumuno. Si Duterte, ayaw o gusto mo man siya, ay nagpakita ng ganoong personalidad. Kapag may sinabi siya, susundin natin.

Kaya nga kung magiging obhetibo lang, kahit sa mga unang taon ng diktadura, talaga namang maraming naniwala kay Marcos Sr dahil sa tingin nga nila, siya na ang sagot sa maraming problema natin. Ganoon din ang tingin nila sa ilang malakas na pinuno noong una, sa isang antas gaya ni dating Pangulong Arroyo.

Sa tingin ko, doon naglalaro ang pagtingin ng ordinaryong botante. Kaya sa mga sarbey na ginawa, nagtagumpay si Duterte na mapanatili ang mataas na rating. Hindi ako pupunta sa puntong ibalewala ang mga sarbey. Kasi kilala ko rin ang mga tao sa likod ng mga ito at sa tingin ko naman, hindi nila binabago-bago ang metodolohiya nila. Kaya maghahanap tayo ng paliwanag, at bagaman hindi kumpleto ang sinasabi ko, malaking bagay iyong pampolitikang kultura at sikolohiya ng karaniwang Pilipino.

Ano po ang tingin ninyong hinaharap ng demokrasya ng bansa sa ilalim ni Marcos Jr.?

Siyempre, kailangang ilinaw natin ang pag-intindi natin sa demokrasya. Kahit sa political science, ang minimum na pormal na rekisito para ang isang bansa ay maituring na demokratiko ay magkaroon ng regular at credible o kapani-paniwalang eleksiyon. Sa rekisitong iyan pa lang, malayo pa tayo. Kaya nga kahit gumagamit tayo ng automated election system, bawat eleksiyon, maraming hindi naniniwala sa resulta. Pangalawa, ang kredibilidad ng eleksiyon natin ay napakalaking problema dahil alam nating kontrolado ng ilang henerasyon ng iilang dinastiyang politikal. Iyong kompetisyon na makikita natin sa mga mas matagumpay na demokratikong sistema, wala rin sa atin. Malakas ang mga dinastiya, napakahina naman ng mga tunay na partidong pampolitika.

Kung pupuntahan pa natin ang mga importanteng sangkap ng gumagana at kapani-paniwalnag demokrasya, napakahina rin sa atin. Halimbawa, iyong accountability o pananagutan na tinatawag. Sa pag-aaral ng demokrasya, may tatlong antas ng pananagutan. iyong elektoral o bertikal, napakarami ng problema ng eleksiyon natin, na bagamat regular, hindi rin natin matatawag na kapani-paniwala at talagang may kompetisyon, sa mga dahilang nabanggit na. iyong pangalawang lebel, iyong tinatawag namang pananagutang horisontal, iyong checks and balances o pagwasto at pagbalanse sa isang sistemang presidensiyal na gaya ng atin. Bakit wala o mahina iyon? Dahil sa ating sistemang presidensiyal, napakalakas ng posisyon ng ehekutibo o presidente kumpara sa lehislatura at hudikatura.

Pangatlo, iyong kakayahan ng ng mga mamamayan sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon, mga non-government organizations (NGOs) at people’s organizations o organisasyon ng mga mamamayan, na kumuha ng pananagutan sa mga opisyal natin, napakahina rin. Dahil iyong sa kapaligirang pampolitika kung saan puwede sanang magawa iyan—bagaman may mga pormal na batas, sa Konstitusyon halimbawa, na kumikilala sa lahat ng karapatang politikal at kalayaang sibil—sa totoo, hindi rin nangyayari dahil sa kakayahan ng mga makapangyarihang politiko na i-weaponize o gamiting armas ang batas pabor sa kanila.

Iyong tatlong antas ng pagpapanagot na iyon ay napakahina. Siguro sa pinakamainam, masasabi natin na hanggang ngayon, nagsisikap tayong magkaroon ng demokratikong sistema, pero hindi pa tayo maituturing na gumaganang demokrasya.

Ano po ang tingin ninyong tungkulin mga mamamayan at organisasyon ng mga mamamayan sa harap ng ganitong takbo ng rehimen?

Gaya ng sinabi ko, sa hindi lubos na gumaganang demokrasya, mahalaga ang partisipasyon ng mga mamamayan. Sa larangan ng politika, ang pinakadramatikong paglahok siguro ay sa larangan ng eleksiyon bagamat marami pang paraan. Sa kasamaang-palad, alam din natin ang maraming problema ng paglahok sa eleksiyon. Pero hindi dapat isantabi iyan, kasi mahalagang larangan iyan ng pagdagdag sa pagpapanagot. Sa pamamagitan ng mga kolektibong desisyon sa eleksiyon, sana, maipapanalo natin ang mga lider na mas responsable at may pananagutan. Kaya lang maraming problema—iyong pagdomina nga ng mga dinastiya, napakahinang mga partido, napakagastos na prosesong elektoral, kabit-kabit na ano? Pero kaalinsabay, mahaba na rin ang karanasan ng paglahok sa eleksiyon at magagamit natin ang mga aral na ibinunga nito.

Bagaman madaling sabihing ang kasagutan ay mas maraming edukasyong masa at seryosong pag-oorganisa sa masa, alam nating hindi rin ganoon kadali pero kailangang magpursige. Kasi ano pa nga ba? Iyon ang isang malinaw na paraan. Puwede ring magpursige ang taumbayan sa pagpresyur na maipasa ang ilang importanteng reporma sa lehislatura o iba’t ibang pambansang ahensya, kung paano maiimpluwensiyahan ang mga polisiya. Kasama na diyan ang interbensiyon sa lokal na pamahalaan. May mga paraan bagaman napakahirap dahil nga sa kasalukuyang sitwasyon. Pero hindi rason ito para iwanan ang mga larangang iyan.

Ano po ang obserbasyon ninyo sa foreign policy o patakarang panlabas ng rehimeng Marcos Jr. lalo na kaugnay ng hidwaan ng US at China?

Kapag sinabing patakarang panlabas, hindi na talaga maihihiwalay diyan iyong nagiging napakatinding pagriribalan ng US at China, lalo na sa Asya. Umabot na sa puntong ang tingin ng Amerika sa China ay talagang estratehikong banta. Ibig sabihin, gagawin ng Amerika ang lahat para hindi magkaroon ang China ng kakayahan na labanan ang Amerika. Kaiba ito sa posisyon ng mga kritikal na manunuri na sana manaig ang mas mapayapang sitwasyon na kilalanin ng Amerika na nagkaroon na ng iba’t ibang sentro ng kapangyarihan, na hindi na lang Amerika ang natatanging sentro ng kapangyarihan sa mundo. Sa politika at ekonomiya, mayroon na talagang iba’t ibang bloke at sentro ng kapangyarihan. Ilan na diyan ang China, ang Rusya, at siguro ang pinakamakabuluhan iyong tinatawag nating BRICS o organisasyon ng Brazil, Russia, India, China at South Africa. Iyan ang mga orihinal na miyembro niyan pero dumadami na ang mga miyembro. Ayaw sumama ng Amerika. Iyan ang mga reyalidad na ayaw kilalanin ng Amerika.

Ang tanong ngayon, sa punto de bista ng isang mahinang estado gaya ng Pilipinas, kaugnay sa mas malalakas na estado na ito, ano ang pinakamainam na patakarang panlabas natin? Kasi kung mahina ka, dapat masubukan mo ang lahat ng inisyatiba, politikal at diplomatiko, para mamaksimisa mo ang makukuha mong bentahe kung hindi man sa lahat ay sa pinakamaraming superpower na posible. Kasi hindi mo naman kayang banggain sila. Ngayon, ang problema sa patakarang panlabas sa ilalim ni Duterte, naging sagad naman, halos naging maka-China na ang buong patakarang panlabas. Si Bongbong naman, naging kabilang dulo, naging pro-US na, kasama iyong patakarang panseguridad. Tingin ko, hindi mo mamamaksimisa ang puwede mong kuhaning pakinabang mula sa parehong superpower sa ganyan.

Ito iyong tinatawag sa international politics na calculated balancing o kalkuladong pagbalanse, o strategic hedging policy—hindi ka sobrang pumapaling sa kahit kanino kasi kung sobra kang pumaling sa isa, eh di ituturing kang kaaway ng iba. Napakahirap talagang gawin ito sa totoong buhay. Sa ngayon, ang nakikita kong matagumpay diyan ay Vietnam. Naghe-hedge siya sa mga okasyon na kailangan niya, hindi siya nagpapadikta sa US at China. May panahong nakikipagtulungan, pero kung tingin niya ay napupunta naman sa alanganin ang interes niya, naghahanap siya ng puwedeng magbalanse sa kabila.

Sa matagalan, sa tingin ko, lalo tayong nagiging nakasandig sa estratehikong interes ng Amerika. Ang isa pang nangyayari, ang alyansa sa Amerika, nabubuo sa pangunahin sa batayang militar-panseguridad. Sa harap ng sitwasyon sa rehiyon, napakadelikado nito, kung magkakaroon ng giyera sa pagitan ng China at US, gagamitin ng Amerika ang mga base militar, magiging kasangkapan tayo, sa kasamaang-palad, sa estratehikong interes ng US, na magkaroon ng armadong tunggalian sa South China Sea.

Totoo ring dapat igiit natin ang naging desisyon ng [Permanent Court of Arbitration] na kinikilala ang exclusive economic zones o EEZ natin sa ilalim ng UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea ng 1982. Ang tanong kasi: paano mo igigiit iyon sa harap ng isang napakamakapangyarihang estado gaya ng China na ayaw namang sumunod? Gagawin mo ba sa paraang militar? Kapag militar sa pangunahin ang gagamitin mong paraan, walang mangyayari sa iyo. Hindi naman natin kaya iyon. Ang hamon: mga bago at mahusay na hakbanging politikal at diplomatiko, na sa tingin ko, bagaman sinasabi nila na napakarami na nating nagawa, kulang pa rin at hindi ganoon kamalikhain.

Isa po kayo sa mga nagmungkahi noong bungad ng dekada ‘90 na ang kilusan ng mga mamamayan ay lumahok sa eleksiyon. Matapos ang tatlong dekada, ano po ang tingin ninyo sa mungkahi ninyong ito?

Hindi dapat tingnan ang larangang ito na parang wala nang pag-asa. Nagkaroon naman ng ilang pag-abante, halimbawa, iyong sistemang partylist, bagaman nababoy rin sa kasamaang-palad. Pero naipakita rin ng mga progresibong grupo na may kritikal na suporta sila mula sa mga mamamayan.

Kaya lang, sa nakaraang mga eleksiyon, katakot-takot na akusasyon ang ginawa sa mga ligal na organisasyon at personalidad. Kaya isang larangan para sa reporma iyan lalo na may isa pang bagong batas, na ginagamit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-Elcac. iyong Anti-Terrorism Law, ang balita ko, ang Korte Suprema ay may ginagawang implementing rules para maging mas malinaw na hindi maabuso ang pagpapatupad. Pero mas magandang mabasura ito dahil ginagawang armas ng gobyerno. Tingnan natin ang mga punto ng interbensiyon sa patakaran, hindi lang sa eleksiyon kundi sa paggawa at pag-implementa ng batas, kasama na ang mga lokal na pamahalaan.

Kung isasama iyong mga karanasan ng ibang progresibong kilusan sa buong mundo—tulad sa Latin America nitong huli—puwede talagang manalo ang mga progresibong pwersa kung sila ay mas nagkakaisa at kung magkaroon ng malapad at mapanghamig na alyansa at iyon ang ihaharap sa mga pakikibakang elektoral. Sa kasamaang-palad, palaging hindi nagkakaisa ang kilusang oposisyon. Kahit sa hanay ng mga progresibo, isang problema iyan na kailangang magkaroon ng solusyon. Isang salik iyan para sa mas matagumpay na pakikibakang elektoral.

Sa libro ninyong “Landlords and Capitalists” (1994), tinalakay ninyo kung paanong ang mga elite ay naging hadlang sa industriyalisasyon ng Pilipinas. Paano po ninyo babalikang-tanaw itong saliksik ninyo ngayon?

Iyong ginawa kong disertasyon, tingin ko, sa kabuuan, tama pa rin ang mga pangunahing argumento niya. Kasi hanggang ngayon, hindi pa naman tayo nagkaroon ng malinaw na industriyalisasyon. Iyong kawalan ng malinaw na patakaran ng industriyalisasyon ay natural sino ang sisishin diyan? Unang-una, ang gobyerno, ang estado. Pangalawa, iyong mga elite natin sa ekonomiya at politika. Kasi nga ‘di tulad sa karanasan ng mga karatig bansa natin na nagkaroon na ng mas makabuluhang proseso ng pag-iindustriyalisa, hanggang ngayon, hindi pa rin nagkakaroon ng malinaw na ganyang tunguhin ang Pilipinas.

Agrikultura nga lang, hindi pa mamodernisa ang batayang proseso ng produksiyon. Hanggang ngayon ang ekonomiya ay nakasalalay sa malaking porsiyento sa remittance ng mga migranteng manggagawa at sa mga manggagawa sa business process outsourcing o BPO. E hindi puwedeng maging batayan ng isang estable at progresibong ekonomiya iyan dahil wala tayong gaanong kontrol eh. Nakita na natin iyong pandemya, halimbawa, kung paano naapektuhan nang katakot-takot ang mga overseas Filipino worker. Itong BPO, hindi rin rstableng mapagkukunan ng paglago ng ekonomiya dahil napakalakas ng pag-abante ng teknolohiya. Andiyan na nga ang artificial intelligence, hindi natin napapansin, baka puro robot na ang manggagawa sa BPO; nangyayari na nga iyan.

Hindi tayo naging seryoso sa isang patakarang mag-industriyalisa. At hanggang ngayon, kung titingnan mo ang mga lokal na kapitalista natin, ang malaking puhunan ay real estate, paggawa ng malls, hindi mga manupaktura at industriya. May mga pumapasok naman sa manupaktura pero napakaliit ng epekto sa ekonomiya hanggang ngayon. Iyong agro-fisheries na lang, kung may mas mahusay na naitatag na industriya diyan, gaya ng nagawa ng Thailand at Indonesia, napakalaki ng pagkukunan ng rekurso, pero hindi mamaksimisa. Hangga’t hindi nagkakaroon ng matagumpay na koalisyon sa pagitan ng estado, ibig sabihin mga gumagawa ng patakaran, at mga lokal na elite, kasama na ang mga elite sa negosyo at politika, para sa industriyalisasyon, wala talaga tayong maaasahang makabuluhang pag-unlad sa ekonomiya natin.

Nagturo po kayo sa Japan nang mahigit isang dekada. Paano ninyo ihahambing ang Japan sa Pilipinas?

Maraming kakaiba sa sistemang Hapones. Unang-una, hindi sila nasakop ng ibang bansa kaya ang sense o pagdama nila sa pambansang pagkakaisa at disiplina ay napakalakas. Hindi katulad sa atin, wala pa naman tayong pambansang pagkakaisa nang masakop tayo. Iyong mga pagkakaiba at alitang panrehiyon at kahit panlokal ay nanatili kahit na noong naging malaya na tayo. Isang salik iyon, iyong pananakop.

Tapos interesante iyong sistemang pampolitika nila kasi sa mahabang panahon, mula noong pagkatapos ng World War II, iisang partido politikal ang nagdomina ng eleksiyon, iyong Liberal Democratic Party (LDP). Totoo namang mayroong regular na eleksiyong malinis at walang kalokohan. Pero napakadominante ng LDP, sa isang bahagi dahil sa mga salik na historikal. Sa isang pakahulugan, nagkaroon din ng bentahe iyon, iyong pagiging tuluy-tuloy ng mga patakaran, bagaman may mga disbentahe rin.

iyong Japan din ang isang kakaibang modelo ng pang-ekonomiyang pag-unlad. Sila iyong nanguna sa mahigpit na koordinasyon ng estado at kanilang mga elite sa negosyo. Napakadirekta at napakalakas ng papel ng estado lalo na iyong mga burukrata nila—mataas ang pinag-aralan at pagsasanay—sa pagtatakda ng direksyong pang-ekonomiya. Kaya ang ginawa nila, kinausap ang malalaking elite sa ekonomiya at korporasyon, iyong mga grupong zaibatsu, at binigyan ng katakot-takot na suporta para umangat sa pandagdigang ekonomiya. Kaya ‘di ba may panahong pinagtatawanan ang pagtatangka ng Japan na mag-industriyalisa? Kasi ang sabi ng mga kumbensiyonal na ekonomista: “Bakit pa kayo papasok sa industriya ng kotse o paggawa ng bapor? Wala kayong competitive advantage o bentahe sa kompetisyon diyan. Bilhin na lang ninyo.” Nakita na natin ang nangyari. Iyan ang ginaya ng South Korea at Taiwan, iyong mga late industrializing economy ng Asya.

Iyong isa pang salik, na hindi rin natin naranasan, iyong napakamatagumpay na programa sa reporma sa lupa. Ang nangyari, dahil matagumpay iyong reporma sa lupa nila, iyong dating mga panginoong maylupa nila, pumasok sa mga industriya. Iyon ang isang insentibo nila. Kasi wala na, hindi na sila puwedeng umasa sa pag-aari ng lupa, na-land reform na. Kaya may insentibo lalo na ang suporta ng estado na pumihit sa mga industriya ng pagmamanupaktura. Pangalawa, iyong mga dating maliit na magsasaka, dahil may mahabang kasaysayan ang mahusay ang edukasyon sa Japan, nagkaroon ng nakahandang merkado. Hindi lang mga konsyumer kundi mga nakapag-aral na manggagawa para doon sa mga itinayong bagong industriya. Ganyan din ang nangyari sa South Korea; matagumpay ang reporma sa lupa nila sa ilalim ng diktadura ng militar. Ganyan din sa Taiwan sa isang antas. iyon ang ilang matitingkad na pagkakaiba.

May sulatin din kayo tungkol sa mahalagang papel ng panggitnang uri sa politika ng bansa.

Hindi lang naman sa Pilipinas, kasi nga sa mga umuunlad na bansa, ang middle class ay kasama sa nakapag-aral na elite. Kapag sinabi mong panggitnang uri, karaniwan, iyan iyong mamamayan natin na kung hindi man nakapagtapos ng kolehiyo ay kahit paano nagkaroon ng edukasyong kolehiyo. Pagdating sa kita o pinansya, hindi naman sila hirap na hirap. Sa ibang salita, nandoon ang potensiyal na puwede silang maging kasama sa isang malapad na alyansa para sa progresibong pagbabago.

Pero dahil panggitnang uri at mayroon silang partikular na mga kakayahan, madali rin silang… May ginamit na terminong teoretikal diyan iyong isang nag-aral, iyong “contradictory class locations” o magkakasalungat na mga lokasyong makauri. Magkakasalungat dahil hindi malinaw kung saan papanig sa politika. Puwedeng pumanig sa uri ng malalaking negosyante na kadalasan siyang nangyayari. Kasi mayroon kang mga kakayahan na kailangan ng malalaking korporasyon at uring nagnenegosyo. Pero puwede mo ring magamit iyong kakayahan at edukasyon na iyon para sa mga organisasyon ng mga mamamayan at NGOs. At kadalasan, kung titingnan natin ang pamunuan ng NGOs at organisasyon ng mga mamamayan, galing din sa panggitnang uri. Hindi naman lahat, pero marami.

Siguro sa konteksto ng isang kilusan para sa progresibong pagbabago, minsan may tendensiya na ibalewala ang panggitnang uri kasi hindi raw maaasahan. Totoo na hindi ganoon kamaaasahan. Pero may potensiyal at kakayahan na puwedeng isama sa isang malapad na alyansa para sa pagbabago. Paano gagawin iyon, e siyempre depende na sa partikular na okasyon. Marami na ring karanasan diyan.

Si Propesor Temario Rivera kasama ang ibang detenidong politikal sa kanilang detensiyon.

Kung tama po ang narinig ko, kasama kayo sa makabayang kilusan ng mga guro bago ang Martial Law, at nakulong din sa panahong iyon. Tama po ba ito? Maaari po ba kayong magkwento tungkol rito?

Bago mag-Martial Law, aktibo ako noon at mga kasamang propesor, hindi lang sa UP, kundi sa ibang unibersidad. Iyong Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas o PUP ngayon, na dating Philippine College of Commerce o PCC, maraming aktibistang guro at estudyante diyan. Sa ibang pamantasan, gaya ng University of the East, maraming hayskul, tinulungan din namin ang mga guro na mag-organisa ng kanilang mga organisasyon.

Iyong itinatag namin noon sa UP, Samahan ng mga Guro sa Pamantasan o SAGUPA. Tumulong kami sa alternatibong edukasyong progresibo. Kasama namin ang mga estudyante noon, pumupunta kami sa mga pabrika, komunidad ng mga manggagawa, mga probinsya—iyong immersion o pakikipamuhay noon ng mga estudyante. May programa noon ang Student Council, ang Nationalist Corps, ang mga student volunteers, para malaman ang tunay na kalagayan ng mga pinakamaralitang komunidad natin, tumitira kami ng mga isa hanggang dalawang linggo sa mga ganoong komunidad.

Sa madaling salita, siyempre, ang mga progresibong guro na ito ay napabilang sa mga inaresto nang madeklara ang Martial Law. Sa personal na karanasan ko, nadetine ako nang limang taon, 1974 hanggang 1979. Iba’t ibang kulungan iyon. Kasi naaresto kami ng 5th MIG, Military Intelligence Group, tapos dinala kami sa Crame, 5th Constabulary Security Unit. Tapos nadala rin kami sa tinatawag noon na Youth Rehabilitation Center sa Fort Bonifacio. At sa dulo sa Bicutan, sa Camp Bagong Diwa. Ewan ko lang kung iyon pa rin ang tawag, pero noong itinatag ang Bicutan Detention Center, may seksyon doon na para talaga sa mga detenidong politikal.

Hindi ko alam kung kayo ang nakukuwento na nakaligtas sa pag-aresto kasi nagsesepilyo habang sinusuyod ng militar ang Faculty Center. Kayo po ba iyon o iba?

Nang madeklara ang Martial Law, parang naalerto na kami na may posibleng mangyari. Kaya ang ginawa namin, iyong gabi bago mabalita, nag-alisan na kami. Nakatira ako sa loob ng UP Campus noon. Nang medyo naalerto na kami, bagaman hindi namin tiyak kung ano eksakto ang nangyari, lumikas na kami mula sa UP, pumunta sa mga kaibigan, simpatisador, pampolitikang alyado at iba pa. Kaya nang mareyd ang Faculty Center, wala na kami doon, iyong mga progresibong guro, nakalikas na lahat. Ang kinuha ng mga raiding party, iyong mga libro namin, nilimas lahat sa lumang Faculty Center. Kasama na iyong mga batayang aklat ko na Marxista, mga makabayang awtor na Pilipino at progresibong awtor na dayuhan.

Noong nakalabas na ako sa kulungan, ipinagpatuloy ko ang pagtuturo sa UP, 1981. Tinapos ko iyong Masters ko dahil naabutan nga ng Martial Law. Pagkatapos ng ilang taon, nakakuha ako ng iskolarsyip sa Amerika at doon ko tinapos ang PhD ko tapos bumalik ako sa bansa. Tapos nagturo ako sa Japan.

Bakit po Political Science ang pinili ninyong disiplina? Ano po ang nakikita ninyong halaga ng pagiging maalam sa Political Science para sa bansa?

Sa katunayan, iyong nag-PoliSci major ako, talagang ang orihinal na plano ko noon ay pumunta sa College of Law, parang tuntungan lang, gaya ng marami sa henerasyon namin o sa iba pa. Pero ang nangyari sa kaso ko, may bahagi o sa malaking bahagi ay dahilang pang-ekonomiya. Ako kasi ang panganay sa pamilya, e pito kami. Nang matapos ko ang undergrad ko, tatlo kaming nasa kolehiyo, magkakasabay. At iyong mga magulang ko naman ay mga guro lang sa pampublikong paaralan. Medyo, sa madaling salita, mahirap ang kalagayan namin sa pinansya. Nagkaroon ako ng teaching offer o alok na magturo mula sa Department of Political Science pagkatapos kong gumradweyt. Kaya sinabi ko, “Okey yata ito a. Kunin ko muna ito tutal puwede naman akong tumuloy sa College of Law.” Kaya ganoon ang nangyari, noong naging guro ako, nagtuloy-tuloy na hanggang natapos ko ang MA at PhD ko at naging pagtuturo na talaga ang pultaym na propesyon ko.

Iyong naibibigay ng Political Science sa lipunan natin na napakaraming problemang pampolitika ay higit na pag-intindi sa ugat ng maraming problema natin. Kasi, sa totoo lang naman, marami sa problema ng mga umuunlad na bansa gaya natin, nasa paggogobyerno, problema ng paggogobyerno—iyong kalidad ng pampolitikang pamumuno, mga institusyon, kapaligirang pampolitika kung saan ang mga praktika gaya ng eleksiyon ay sana nagiging oportunidad para lalong magkaroon ng pananagutan ang mga opisyal publiko natin, na hindi nangyari ayon sa mga inaasahan natin. Iyong ganoong kaalaman o perspektiba o kakayahan ay makakatulong sa pagiging mas responsable o aktibong mamamayan.

Sino ang mga idolo ninyong intelektuwal na Pilipino at dayuhan at bakit?

Sa Pilipinas, siyempre, mag-uumpisa tayo kay Jose Rizal. Hindi biro ang mga ginawa at isinulat niya. Sa katunayan nga, bagaman marami rin siyang kakulangan at tao lang naman siya, siya rin ang isang naging mayor na impluwensya kahit sa Katipunan at maraming lider ng Katipunan. Kinikilala nila iyan. Iyong mga tula, mga isinulat nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Apolinario Mabini, palagay doon tayo dapat mag-umpisa. Hindi naman puwedeng hindi natin iugat sa mga intelektuwal natin ang pag-intindi sa ating mga problema at ating lipunan.

Sa mga mas bagong intelektuwal na nagkaroon ng partikular na impluwensya sa akin at sa buong henerasyon namin, sina Propesor Teodoro Agoncillo at Renato Constantino. Sa mga makabayang pulitiko, sina Senador Claro M. Recto, Jose W. Diokno, Lorenzo M. Tanada, si Ka Tanny.

Sa mga dayuhan, ang nangunguna sa akin ay sina Karl Marx at Friedrich Engels kasi sila naman talaga ang nagbigay ng pinakamalinaw na teoretikal na balangkas sa pagbabago ng lipunan para ang uring gumagawa o uring anakpawis ay magkamit ng tunay na kalayaan, hindi lang sa pakahulugang pang-ekonomiya kundi pampolitika rin. Nakakabit diyan sa pinasimpleng paliwanag ang patuloy na pag-unlad ng ating mga puwersang pamproduksiyon; totoo naman, sa kasaysayan. Pero ang sunod na tanong kung patuloy na umuunlad ang ekonomiya, sino ang nakikinabang? At hanggang ngayon, sa mga nakita nating lipunan, ang talagang nakikinabang ay iyong may-ari o may kontrol ng malalaking pwersa ng produksiyon—puwedeng lupa, kapital o ngayon kaalaman. At hanggang nangyayari iyan, kakaunti lang, mga elite lang ang makikinabang. Sa ganyang pakahulugan, napakamakapangyarihan ng teoryang Marxista.

Sa mga bago-bago, noong ginagawa ko ang disertasyon ko, may dalawa na malaki ang impluwensya sa akin. Isa si Theda Skocpol, iyong pag-aaral niya sa “States and Social Revolution” (1979). Ipinakita niya na naganap ang rebolusyong pinag-aralan niya dahil sa pagguho ng estado at sa rebolusyon ng mga magsasaka. Tapos mayroong mas matandang intelektuwal na nakaimpluwensya sa kanya, si Barrington Moore Jr. Siya iyong nagpakita ng epekto ng ng “landlordismo” sa demokrasya sa kanyang librong “Social Origins of Dictatorship and Democracy” (1966). Ang pangunahing punto niya, hangga’t hindi nagkakaroon ng solusyon ang landlordismo, malabong maging demokratiko ang isang bansa na angkop na angkop sa ating lipunan, hindi ba?