‘Unsung Heroes Day’ ni Padilla, pagbaluktot sa kasaysayan


Binatikos ng grupo ng mga dating bilanggong politikal ang panukalang batas ni Senador Robinhood Padilla na gawing “Unsung Heroes Day” ang Setyembre 21, ang araw kung kailan ginugunita ang deklarasyon ng batas militar ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Binatikos ng grupo ng mga dating bilanggong politikal ang panukalang batas ni Senador Robinhood Padilla na gawing “Unsung Heroes Day” ang Setyembre 21, ang araw kung kailan ginugunita ang deklarasyon ng batas militar ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Sa Senate Bill 452 ni Padilla, gagawin ang Setyembre 21 bilang araw ng pag-aalala sa mga sinasabi niyang “unsung heroes” na nagligtas sa Pilipinas mula sa mga komunista. Sa madaling sabi, pagbibigay-pugay sa batas militar ni Marcos Sr. at mga puwersa ng estado na yumurak sa mga karapatan ng mamamayang Pilipino.

Sa isang pahayag, sinabi ng Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) na isang tahasang pagbaluktot sa kasaysayan ang panukala ni Padilla na walang pagkakaiba sa opisyal na propaganda ng batas militar bilang “nagligtas sa republika” at “nagbuo ng Bagong Lipunan.”

“Sa katotohanan, ang mga hindi kilalang bayani at martir ng panahong iyon ay hindi pa naitatanghal sa Bantayog ng mga Bayani at iba pang monumento o iyong mga kilala lamang sa kanilang nom de guerre na walang pag-iimbot at walang pagod na lumaban sa diktadura,” wika ni Bonifacio Ilagan, tagapagsalita ng Selda at bilanggong politikal noong martial law.

Sinabi rin ni Ilagan na pinagtatakpan ng panukalang batas ni Padilla ang mga masaker at iba pang kalupitan ng mga puwersa ni Marcos Sr. sa mga mamamayang Moro bago at lalo na noong panahon ng batas militar.

Ayon naman sa Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma), puspusan ang ginagawa ng mga Marcos na pagbaluktot sa kasaysayan at pagtakpan ang mga despotikong krimen ng kanilang pamilya ngayong nalalapit na ang paggunita sa malagim na yugto ng kasaysayan ng bansa sa ilalim ni Marcos Sr.

Isang halimbawa nito ang memorandum ng Department of Education na naglalayong ihiwalay ang pangalang Marcos sa panahon ng diktadura sa pagtuturo ng kasaysayan.

Patuloy din na ginagamit hanggang sa kasalukuyan ang mga kasinungalingang ginamit na noon upang bigyang-katuwiran ang batas militar kagaya ng pagsugpo sa komunismo.

“Alam natin, siyempre, na patapos na noon ang ikalawa at huling termino ni Marcos Sr. kaya nagdeklara siya ng batas militar upang manatili sa poder at idinahilan ang banta ng komunismo,” ani Ilagan.

Sabi naman ni Anakbayan spokesperson Kate Almenzo, ang marahas na pagpapanatili ng bulok na kalagayan ng lipunan na naglalagay sa sambayanang Pilipino sa walang katapusang krisis ang tanging nagawa ng batas militar.