Manggagawa

Upod-gulong, butas-bulsa


Sinuri ng Fairwork ang 10 kompanya kabilang ang Toktok, Lalamove at Borzo. Lumabas sa kanilang Philippine Ratings sa taong 2023 na wala ni isa ang nagtitiyak na kumikita ng minimum wage ang kanilang mga delivery rider na labas na ang ibang gastusin.

Hindi lang isa, kundi tatlo ang delivery service platform na gamit ni Jonald Ileto, 37, isang delivery rider mula San Ildefonso, Bulacan.

Bukod sa Toktok na sinimulan niyang gamitin noong Oktubre 2021, nag-download na rin siya ng Lalamove at Borzo paglipat ng taon.

Gaya ng isang empleyado, gumigising si Ileto nang alas-singko o alas-sais ng umaga: magkakape, magbubukas ng mga aplikasyon sa cellphone, maglilinis ng motorsiklo at mag-aayos ng sarili.

Bago umalis sa bahay, nagbabakasali muna si Ileto ng booking sa alinmang aplikasyon para “masulit ang biyahe.” Booking naman ang tawag sa pagrereserba o pag-iiskedyul ng delivery ng kostumer, aniya.

Pagsapit ng alas-osto at walang nakuha, didiretso si Ileto sa Pulilan. Doon kasama ng ibang delivery rider, maghihintay ng booking. Mahigit 20 kilometro ang layo ng San Ildefonso sa Pulilan.

Ayon kay Ileto, pababaan ng base fare o panimulang bayad ang kompetisyon ng mga kompanyang tulad ng Toktok at Lalamove.

“Kapag Toktok lang, mahina [ang kikitain], kailangang pagsabay-sabayin,” aniya.

Dito naman umano talo ang mga tulad niyang delivery rider dahil mas tatangkilikin ng mga kostumer ang may mas mababang base fare.

“[Noong 2022,] ang basic fare ng Toktok ay umaabot pa sa P60. Ngayon, bumaba sa P49,” kuwento ng delivery rider na si Jonathan de Castro, 30, taga-Pulilan, Bulacan.

Sa Toktok, P49 ang basic fare sa unang kilometro ng pagde-deliver, may dagdag na P6 kada kilometro. Kapareho ang basic fare sa Lalamove, may dagdag na P6 kada kilometro sa unang limang kilometro na magiging P5 paglampas sa limang kilometro.

Pero giit ni de Castro, mayroong “saver” at “regular” na opsiyon sa Lalamove na nagpapababa sa maaari nilang kitain.

”Sa saver naman, hindi puwedeng magreklamo [ang] kostumer kung gusto naming sabayan ‘yong booking. Kumbaga, para sa mga hindi nagmamadali,” aniya.

Tulad ni Ileto, pinagsasabay ni de Castro ang Toktok at Lalamove.

Anila, ang delivery fare o kabuuang bayad ng kostumer ay pinagsamang base fare at dagdag na kilometro rito. Mula rito, 20% ay sa Toktok at Lalamove.

Halimbawa, sa P100 delivery fare, P20 ang mapupunta sa kompanya. Kakaltasin ang porsyento ng mga kompanya sa top up load o karga sa aplikasyon. Kailangan naman ng delivery rider ang top up load para makakuha ng booking.

Kaiba naman sa Lalamove na direkta sa aplikasyon ang top up load, sa Toktok, dumadaan sina Ileto at de Castro sa isang operator o taong nag-hire sa kanila bilang delivery rider. Magkakaroon din anila ng porsyento ang operator sa porsyento ng kompanya.

Sagot ng mga rider ang lahat sa kanilang trabaho mula sa motor, gasolina, piyesa, gulong pati sa mga gamit na may pangalan ng kompanya. Larawan ni Exequiel Agulto.

Ayon kay National Union of Food Delivery Riders-Sentro (Riders-Sentro) Cebu organizer Jefren Abalo, “Iyong mga aplikasyon [o kompanya] ang nagtatakda ng delivery fare” at kadalasan, walang eksaktong kompiyutasyon.

Sinuri ng Fairwork ang 10 kompanya kabilang ang Toktok, Lalamove at Borzo. Lumabas sa kanilang Philippine Ratings sa taong 2023 na wala ni isa ang nagtitiyak na kumikita ng minimum wage ang kanilang mga delivery rider na labas na ang ibang gastusin.

Nasa P435 hanggang P449 ang minimum wage para sa mga retail at service worker sa Region III kung saan nabibilang ang Bulacan.

Multiple platform

Hindi umano mangyayari ang paggamit ng multiple platform gaya nina Ileto at de Castro “kung sa isang kompanya pa lang, kinikita na [ng rider] ‘yong dapat niyang kitain sa loob ng isang araw at sa [loob lamang] ng walong oras,” paliwanag ni Kapatiran sa Dalawang Gulong (Kagulong) secretary general Don Pangan.

Sa 2019 Global Gig Economy Index ng Payoneer, ikaanim ang Pilipinas sa buong mundo pagdating sa paglago ng nasabing merkado at lalong umarangkada noong kasagsagan ng pandemya.

Dalawa lamang sina Ileto at de Castro sa mahigit 400,000 rider at driver na nasa gig economy, sa ulat ng Fairwork noong 2022. Lumitaw rin na nakararanas nang hindi maayos na pasahod habang nasa peligrosong kondisyon ang karamihan dito.

Manggagawang ‘di protektado

Wala ring proteksiyon ang mga rider sa trabaho dahil walang employee-employer relationship sa pagitan nila at ng Toktok at Lalamove.

“Iyong sinasabi nga na hindi kami sagot ng kompanya, talagang ‘yong isang paa namin, nasa hukay na kasi makikipagpatintero ka sa daan, sa mga sasakyan, mga truck,” ani Ileto.

Hindi rin anila empleyado ang turing sa kanila kundi independent contractors o partners kaya wala umanong pananagutan ang mga kompanya sakali mang madisgrasya o mangailangan sila ng tulong.

“Tanggap lang sila nang tanggap ng pera galing sa amin,” ani de Castro.

Sabi naman ni Ileto, “Upod ‘yong gulong, butas ‘yong bulsa kasi lahat [ng gastos sagot ng mga rider].”

Giit ni Pangan, mali ang sistema na walang employee-employer relationship “kung ang pagbabasehan mo ay ‘yong mga fastfood chain na mayroong mga sariling rider, ‘yong kompanya pa ang nagpo-provide ng motor nila.”

Pagbasihan din umano ang four-fold test o sino ang kumuha o pumipili sa rider, sino ang nagpapasahod, sino ang maaaring magtanggal at sino ang may kontrol, lalabas na may employee-employer relationship dahil hawak ito lahat ng kompanya.

Maling paniniwala

Tulad ng ibang mga delivery rider, hawak umano nina Ileto at de Castro ang sarili nilang oras at walang amo. Malaya umano ang dalawa sa pagbabad sa mga aplikasyon para sa quotang “P1,000 kada araw na malinis” o tanggal na ang porsyente ng kompanya.

Sa kabila nito, ang pangkaraniwang uwi ni Ileto, kung hindi alas-siyete, alas-otso ng gabi. May mga pagkakataon pa aniyang alas-onse ng gabi o alas-dos ng madaling araw.

Gaya ni Ileto, “hindi laging kinikita ang P1,000” ni de Castro.

Ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general Jerome Adonis, hindi tama ang turingang partners o independent contractors sa mga delivery rider. 

“Itinatago roon sa lengguwahe na partners para takasan ng employer ‘yong kanilang pananagutan sa mga manggagawa nila sa ilalim ng ating mga batas paggawa,” wika ni Adonis.

Giit ni Adonis, nakapirma ang Pilipinas sa International Labour Organization (ILO) mula pa noong 1948. Sa ganitong gana, aktibo dapat ang bansa sa pagsusulong sa disenteng trabaho para sa mamamayan.

Aksiyunan ng gobyerno

Panawagan ng KMU na umpisahan ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment ang pagkilala sa mga delivery rider bilang saklaw ng mga batas paggawa.

Ayon naman sa Kagulong at Riders-Sentro, isang paraan ang pagkakaroon ng standard fare matrix para magkaroon ng nakabubuhay na sahod ang mga delivery rider at hindi na pinagsasabay ang iba’t ibang platform.

Samantala, nakabinbin pa rin ang Protektadong Online Workers, Entrepreneurs, Riders at Raketera (Powerr) Act of 2022 sa Senado mula nang maihain ito noong Nobyembre 2022 na magsusulong sa karapatan ng lahat ng manggagawa sa gig economy, ayon sa mga grupo.

Giit ni de Castro, “Dapat talaga bigyan ng pansin ng gobyerno itong sa amin dahil napakalaking industriya na nito.”