5 istoryang pinalampas ng midya sa 2023
Tinipon ng Pinoy Weekly ang ilan sa mga isyung kinakaharap ng mga marhinadong sektor ng lipunan na nararapat malaman at maunawaaan ng madla.
Naging laman ng midya ang mga isyu ngayon sa Pilipinas, ngunit may ilan ang hindi pinaglaanan ng sapat na espasyo sa dominanteng midya. May kahalagahan sa pagkamulat ng mamamayan sa mga karapatang nilalabag at kalayaang sinusupil ng kasalukuyang administrasyon ang mga istoryang ito.
Tinipon ng Pinoy Weekly ang ilan sa mga isyung kinakaharap ng mga marhinadong sektor ng lipunan na nararapat malaman at maunawaaan ng madla.
Pagdukot sa mga aktibista
Patuloy na sinusupil ang boses ng mga sektor dahil sa sunod-sunod na pagkawala at pagdukot sa mga aktibista at organisador. Sa datos ng Karapatan mula Hulyo 2022 hanggang Nobyembre 2023 sa administrasyong Marcos Jr.-Duterte, nasa 12 na ang aktibistang sapilitang dinukot at iniwala.
Kabilang dito sina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus na dinukot sa Taytay, Rizal at Mariano Jolongbayan sa Batangas, na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin lumilitaw.
Wala ring nakikitang aksiyon mula sa gobyerno sa kabila ng pagkakaroon ng Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012 o Republic Act 10353. Makikita rin sa ulat ng mga organisasyong naghahanap na pinagtatakpan pa militar at pulisya ang mga pagdukot.
May mga parehong insidente rin ng sapilitang pagdukot at pagkawala sa Cebu, Bataan, Mindoro at Baguio. Ngunit hindi imposibleng may nangyarin din sa mga lugar na hindi nabanggit.
Malinaw na paglabag sa karapatang pantao ang mga insidente. Kaya hiling ng mga kasamahan, kaibigan at pamilya ng mga biktima ng sapilitangpagdukot at pagkawala na panagutin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at Department of National Defense sa mga kasong ito upang ilitaw ang mga nawawala at makamit ang hustisya.
Mga pagkilos ng pakikiisa sa mga Palestino
Bukod sa mga isinagawang pagkilos sa Kamaynilaan para sa Palestine, hindi gaanong nabigyang-pansin ang mga Muslim community na nagsasagawa rin ng mga pagkilos upang ipaabot ang kanilang panawagan at pakikiisa sa mga Palestino.
Kabilang dito ang naging mga pagkilos sa Mindanao mula pa noong Okt. 10 lalo na sa Marawi City na dinaluhan ng libo-libong residente, kung saan naging biktima rin ang marami ng sagupaan sa Marawi anim na taon na ang nakalilipas.
Nagkaroon din ng mga pagkilos ang mga Basileño sa Isabela City noong Nob. 19 sa parehong panawagan at pakikiisa sa mga Palestino. Nagpahayag din ng pakikiisa sa mga Palestino ang Muslim community sa Taguig City noong Nob. 24.
Ang mga pagkilos na ito ng mga Muslim community sa tulong ng iba’t ibang grupo na nagsasabi at naniniwalang ang danas ng mga Palestino ay ‘di kaiba sa dinanas nilang giyera sa kanilang mga lugar.
Bukod sa mga ulat inilalabas ng dominanteng midya, kinakailangang masubaybayan din ang ganitong mga panawagan upang bigyan ang madla ng sapat na konteksto kung bakit nakikiisa ang ating mga kababayan sa nangyayaring digmaan sa Palestine.
Demolisyon sa mga tahanan ng mga maralita
Sa kabila ng pagtutol ng mga mamamayan, tuloy-tuloy pa rin ang pagsasagawa ng mga demolisyon sa mga lungsod ng Valenzuela at Caloocan.
Sa Valenzuela City, noong nakaraang Hulyo lamang, nagtayo ng mga barikada ang mga naninirahan sa Block 6 sa Brgy. Veinte Reales dahil sa demolisyon. Ang lupang kinatitirikan ng mga tahanan, tinatayuan na ng proyektong medium-rise building ni Mayor Wes Gatchalian na sinimulan pa noong 2020.
Sa kalapit na lungsod naman ng Caloocan, 152 na pamilya ang posibleng mawalan ng tahanan ayon sa plano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Marso upang bigyang daan ang Mindanao Avenue Extension project na magkokonekta sa EDSA patungong North Luzon Expressway (NLEX).
Mahigit 700 miyembro ng pulisya ang inatasan upang pigilan ang mga tangkang pagharang ng mga residente sa demolisyon.
Maraming mga pamilya ang mawawalan ng tahanan. Ayon sa Housing and Urban Poor Coordinating Council, magiging sanhi lamang ito ng lalong pagdami ng mga Pilipinong walang sariling bahay. Malinaw na ang mga demolisyong ito, na hakbang umano tungo sa pag-unlad, ay lalong lang nagpapahirap sa maralitang tagalungsod.
Taas-sahod para sa mga platform worker
Isa rin ang mga platform worker sa humihingi ng taas-sahod. Ang nakakalungkot na katotohanan, kailangan pang pagsabay-sabayin ng mga rider ang tatlong delivery app para lang kumita ng sapat para sa kanilang pamilya. Sa datos ng Fairwork noong 2022, nasa 400,000 na ang nasa industriyang ito.
Sa Toktok, mula sa base fare na P60 ay bumaba pa ito sa P49. Kung tutuusin, kulang pa sa isang litrong gasolina. Dahil dumarami ang delivery app, nagmistulang kompetisyon ang pababaan ng matrix fee.
Hindi rin protektado ang mga rider dahil wala umanong employer-employee relationship. Ibig sabihin, walang pananagutan ang kompanya kung maaksidente o madisgrasya man ang rider. Wala rin silang benepisyong natatanggap.
Nararapat na pagtuunan-pansin ng midya ang ganitong gawi ng mga kompanya upang mas marinig ng gobyerno ang hinaing ng mga manggagawa. Ang tanging panawagan ng mga rider, mabigyang aksiyon ito ng Department of Labor and Employment. Kung hindi mabibigyang-pansin, maraming manggagawa ang patuloy na sasamantalahin.
Tanggalan ng mga manggagawa
Hindi natatapos ang usapin ng patuloy na paglaban ng mga manggagawa hangga’t patuloy ang paglabag sa kanilang mga karapatan.
Sa kabila ng mga pagtutol, tinanggal ang walong manggagawa ng Nexperia, tatlo rito ay opisyales ng unyon na sinasabing sobra sa kinakailangang tao para sa isang department ng kompanya.
Malinaw na pag-atake ito sa kanilang karapatan bilang mga manggagawa na mag-organisa ng unyon at makipagtawaran, lalo’t kuwestiyonable rin ang naging tanggalan dahil taliwas ito sa collective bargaining agreement ang patakarang last in, first out.
Hindi ito nalalayo sa danas ng mga trabahador ng Metroworks ICT Solutions, kapatid na kumpanya ng Converge ICT, na pag-aari ni Dennis Uy.
Tuluyang tinanggal nitong Nob. 20 ang mga trabahador ng Metroworks matapos padalhan ng Notice of Redundancy ang higit 600 na empleyado noong Okt. 12. Dahil sa tanggalan, mapipilitan silang mag-subcontract sa kumpanyang pag-aari rin ni Uy bilang mga kontraktuwal na mas mababa ang sahod at walang benepisyo.
Nararapat lang na matamasa ng mga manggagawa ang kanilang karapatan sa pag-oorganisa ng unyon, pakikipagtawaran, seguridad sa trabaho, tamang benepisyo at nakabubuhay na sahod pero paglabag ang naranasan sa huli.
Sapat ang mga dahilan upang mas bigyang mukha sa midya ang ganitong paglabag sa mga karapatan ng manggagawa.