FEATURED

Postscript sa peryodismong alternatibo


‘Di kaila na tangan ng Pinoy Weekly ang interes at perspektiba ng mga marhinalisadong sektor. Sila ang pangunahing odyens, sa kanilang punto-de-bista rin namin tinitingnan ang mga isyu.

Naaalala ko pa iyong unang mga araw sa opisina ng Pinoy Weekly. Bagong renta ang lugar sa isang subdibisyon sa Visayas Avenue, Quezon City. Bagong bili ang mga computer. Pinakaunang pulong namin: sina Romeo de Jesus, Boy Bagwis, D’Jay Lazaro, Ilang-Ilang Quijano, Angel Tesorero, Prestoline Suyat at Sharon Cabusao.

Unang isyu, lumabas Agosto 2002. Kontrobersiya kaagad: kinuwestiyon ang artikulo hinggil sa Sexbomb Dancers. Nag-assess sa opisina sa PUP Press ng editor-in-chief na si Rogelio Ordoñez, kasama ang news editor na si Bayani Abadilla. Umatikabo ang talakayan. Akala mo naman kung ano ang pinag-uusapan, Sexbomb Dancers lang pala. Naglabas si Roger ng Torres X. Umorder sa Pureza ng malinamnam na pansit. Pagsisimula ito ng halos dalawang dekadang buhay ko sa Pinoy Weekly—laging puno ng stress, minsan kontrobersiyal, madalas na masaya at inspiring.

Dinala ako nito sa maraming lugar na ‘di ko inakalang mapupuntahan: mula sa Malakanyang, pagkober sa briefings ni Ignacio Bunye at state visit ni George W. Bush, hanggang sa lugar ng mga labanan, ng mga gerilya ng New People’s Army (NPA), Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front, ng bandidong Abu Sayyaf at kung anong bagong bersiyon ng mga rebolusyonaryong Moro ngayon.

Nakapagkober ako ng sports, mula sa UAAP hanggang mga laban ni Manny Pacquiao, hanggang Southeast Asian Games. Pinasok ko ang mga opisina at kinapanayam ang mga opisyal ng gobyerno, militar, pulis, rebelde, organisasyong masa, higit sa lahat, ordinaryong mamamayan.

Larawan mula kay Kenneth Guda.

Marami akong hindi malilimutang karanasan. Kasama na rito iyong iniwan ako sa Bangged, Abra ng sinasakyan ko, at nagkomyut pauwi ng Maynila, sakto lang ang dalang pera, hindi kumain buong panahon.

‘Di rin makalimutan iyong sumakay kami ni Raffy Lerma sa ordinary bus patungong Albay, saka sumakay sa likod ng pick-up ng Agence France Presse mula sa Cagsawa sa Daraga hanggang sa kung anong bundok para magkober ng pagpapalaya ng mga bihag ng digma ng NPA. Kung ano-anong sakit ng katawan ang dinanas. Nagmukha rin kaming espasol sa sinagap na alikabok.

Pero mas memorable ang coverage sa mga protesta, sa mga isyung pambayan, sa kilusang masa. ‘Di kaila na tangan ng Pinoy Weekly ang interes at perspektiba ng mga marhinalisadong sektor. Sila ang pangunahing odyens, sa kanilang punto-de-bista rin namin tinitingnan ang mga isyu.

Ilang demolisyon ba ang nakober namin? Ilang fact-finding missions ang nabuntutan? Ilang burol ang napuntahan? Ilang paghahanap sa desaparecidos ang nasamahan? Hindi naman ako nagbilang.

Maraming tampok na coverage ang ‘di malilimutan: pagkawala nina Karen Empeño, Sherlyn Cadapan at Jonas Burgos (at iba pa); crackdown sa Basilan at Sulu noong 2002; barikada sa North Triangle noong 2010; mga panayam sa mga rebelde sa Bicol, Cordillera, Mindanao, ang pagsubaybay ng pagbalik ng mga Lumad sa Lianga noong 2007; ang bisita sa Talaingod, Davao del Norte noong 2011; pagpunta sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015; at iba pa.

‘Di ko rin makalimutan iyong minsang tumambay maghapon sa airport para maghintay ng mga labi ng mga OFW. At iyong hitsura ng Oplan Tokhang sa Tondo, Maynila at San Roque, Quezon City noong 2017. Marami pa.

Siyempre, panghabambuhay din ang pagkakaibigan sa opisina. Hindi ko na iisa-isahin. Marami akong natutunan sa inyo. Sabi ko nga dati, hindi ako people person. Pero pinuwersa ninyo akong kahit papaano’y bumukas sa kapwa. Natutunan kong mag-multitask, makipamuhay sa masa, kumain ng gulay, episyenteng maglakad sa putik, matulog sa semento o aspalto at iba pa.

Larawan mula kay Kenneth Guda.

Noong unang mga taon ng PW, bukod sa coverage, sinikap ko ring matutunan ang lahat ng aspekto ng produksiyon ng publikasyon. Matapos magkober at sumama sa pagsasara ng diyaryo, sumasama ako sa imprenta. Noon, hindi pa uso ang computer-to-plate; kinukuhanan pa ng kamera ang negative para maging plate, at saka sinasalang sa web print na makina.

Noong 2015, nang bumalik ang PW sa pormang magasin, natutunan ko rin ang prosesong pag-imprenta sa offset. Pagkatapos ng printing, sumasama rin ako noon sa distribusyon: umiikot sa mga komunidad, sa news stands, sa mga opisina, magbabagsak ng mga kopya, tumutulong sa paniningil sa mga news stand at bulk subscriber. Linggo-linggo ito.

Aaminin ko, medyo na-burnout ako. Hindi naman siguro maiiwasan ito. Naghangad ako ng ibang magagawa, pag-level up sa pagsusulat—sa longform journalism, investigative at indepth reporting at narrative journalism. Gusto kong tutukan ito bilang isa sa mga porma ng pamamahayag na palagay ko’y kailangan ng masang mambabasa pero hindi pa masyado napapaunlad sa bansa. Nasimulan namin ito sa PW. Naging pangunahing porma ng magasin ang mahabang mga sulatin na nagpapaliwanag, nagbibigay ng pagsusuri, naglalahad ng kuwento.

Batay sa feedback ng mga mambabasa sa mga komunidad, kahit papaano’y natatangkilik at nakakatulong ito sa kanilang pampulitikang kamulatan at nagbibigay inspirasyon sa kanilang paglahok sa panlipunang pagbabago. Proud ako sa naging ambag naming ito sa teorya at praktika ng pamamahayag sa bansa.

Alam kong nasa mabuting lagay at kamay ang Pinoy Weekly. Panahon na para tanganan ng iba—mas bata, mas malikhain, mas maraming enerhiya—ang pagtaguyod sa eksperimentong ito sa pamamahayag pangmanggagawa at pangmasa. Buo ang tiwala kong mabubuhay at lalong uunlad pa ito sa susunod na mga taon at dekada.

14 Abril 2021/21 Agosto 2023