Editoryal

Butas ng bulsa, tagos hanggang tiyan


Hinahayaan ng gobyerno ang pagtaas ng presyo dahil mas malaki ang makakamal na kita ng malalaking korporasyon, kroni at kasosyo. Mauuna pa yatang maging P20 ang fishball kaysa sa isang kilo ng bigas.

Pansin n’yo rin ba na kapag nag-aabot ng pamasahe sa dyip at kapos ng ilang piso ang inyong bayad, hindi na rin sinisingil ng tsuper ang kulang na halaga? Minsan naman, kapag sobra ang inabot na bayad, hindi na binabalik ang ilang pisong sukli. 

Para bang may namuo nang kasunduan ang mga drayber at pasahero dahil pare-pareho tayong naghihirap, magtulungan na lang din tayo kahit sa maliliit na paraan. Damang-dama ang kamakailang pagtaas ng minimum na pamasahe sa dyip patungong P13. 

Mula Enero, hindi na natapos sa pagiging number one ang Pilipinas sa inflation sa buong Southeast Asia. Tayo rin ang number one sa pagiging food insecure sa rehiyon.

Nitong Setyembre, pumalo sa 6.1% ang inflation mula sa 5.3% noong Agosto. Kasabay nito, tumaas din sa 10.4% mula sa 9.8% ang kagutuman sa bansa.

Tunog kahibangan man, pero ilang buwan nang mas mataas pa ang singil sa gasolina sa Pilipinas kumpara sa United States (US).

Sa Metro Manila, pumapalo sa P77 kada litro ang gasolina, samantala nasa P58 kada litro naman ang presyo nito sa US. At alam naman nating malayong-malayo ang minimum na sahod sa parehong bansa, P610 na pinakamataas sa Metro Manila at P3,293 sa US.

Ayon sa mga ekonomista ng gobyerno, asahan raw sa lalong madaling panahon ang pagbabalik sa normal ng mga presyo. Pero Pebrero pa nila sinasabi iyan!

Nagpataw nga ng price ceiling si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bigas noong isang buwan, binawi rin naman agad dahil walang epekto at hindi maiging napag-aralan.

Bakit mo nga naman kasi kokontrolin ang kita ng manininda samantalang hindi naman sila ang dahilan kung bakit abot-langit ang presyo ng mga bilihin. Malamang sa malamang naghihikahos din sila. 

Sa iba’t ibang saray ng ekonomiya at produksiyon, umaasa ang Pilipinas sa imports dahil wala tayong sariling industriya. Ultimo bigas na araw-araw nating kinakain, Pilipinas na ang number one sa pag-iimport. At kapag mataas ang presyo sa buong mundo, damay tayo nang ilang ulit at kaya lumolobo ang presyo.

Alam ito ng pamahalaang Marcos Jr. at hanggang ngayon, bigo silang tumugon! Hinahayaan ng gobyerno ang pagtaas ng presyo dahil mas malaki ang makakamal na kita ng malalaking korporasyon, kroni at kasosyo. Mauuna pa yatang maging P20 ang fishball kaysa sa isang kilo ng bigas. 

Pero magandang pangitain ang namumuong pagkakaisa sa loob ng mga dyip. Magagamit natin ito at marahil sa susunod, tayo naman ang maniningil sa mga dapat managot!