Panayam

Panayam kay Teacher Libby, guro at kagawad


Para sa nalalapit na halalang barangay at Sangguniang Kabataan sa Oktubre 30, kinapanayam namin ang isang progresibong kandidato sa mga tungkulin ng mga opisyal ng barangay sa kanilang pinaglilingkurang komunidad.

Larawan ni Andrea Jobelle Adan

Bago nahalal ng tatlong termino bilang kagawad sa Brgy. Industrial Valley Complex (IVC), Marikina City, unang nakilala si Libertad Dipon bilang Teacher Libby.

Sa 38 taon ng pagtuturo sa Batibot Early Learning Center sa Brgy. IVC, hindi lang ang kanyang mga munting estudyante ang nabilib sa kanya, kung hindi pati ang mga magulang nila. Sila ang nakakumbinsi sa 61 taong gulang na guro na dalhin sa labas ng paaralan ang kanyang kakayahang paglingkuran ang komunidad.

Mula noon, paano ba nakapaglingkod si Teacher Libby sa Brgy. IVC, kung saan siya tumatakbo ngayon bilang kapitan?

Ano ang gampanin ng chairperson ng Committee on Women and Children and Family Affairs?

Marami talagang nagagawa na uri ng pang-aabuso sa kababaihan: pinansyal, psychological o emotional. Dahil equipped ang ating mga kananayan—kasi binibigyan natin sila ng pag-aaral, programa, para doon—kaya medyo mas tumaas ang kalidad ng kung paano masosolusyunan ‘yong pang-aabuso sa kanila.

Sa panahon ko lang din nakapaglagay tayo ng psychologist dito sa ating barangay, at volunteer lang din siya talaga. Psychologist siya na nakatira sa subdivisions, tapos nag-volunteer siya as psychologist ng barangay kasi ‘yon ang wala. 

Halimbawa, paano mag-counseling doon sa mga kababaihan na naabuso, kabataan na naabuso, nababaliwala. Kahit sabihin mong nakapagsampa sila ng kaso, pero kung hindi naman sila naka-counsel, nandoon pa rin ang trauma.

At ang mga barangay, maliliit lang talaga, so minsan ang [helpdesk], desk lang talaga. Kapag kinukuha ang testament ng biktima, nakabuyangyang, kitang-kita, ‘yong privacy ay wala. Kaya tayo, nilaban talaga natin na magkaroon ng separate counseling room. At nagwagi tayo sa ganoong effort.

Kasapi po kayo ng Gabriela Women’s Party. May epekto ba ito sa panunungkulan ninyo?

Nagkaroon ng surveillance sa atin. Pero alam naman nila na Gabriela talaga ako, first term ko pa lang. Alam naman ng local government, alam naman ng mamamayan ng IVC na miyembro ako ng Gabriela Women’s Party, at tingin nila hindi iyon sagabal para magbigay ka ng mga programa at proyekto para sa kababaihan at kabataan.

For 38 years, nakilala kasi ako bilang guro. Naging sandigan din iyon sa kung bakit yung mamamayan, malaki din ang pagtanggap.

Larawan ni Andrea Jobelle Adan

Ano ang meron sa karanasan bilang guro ng 38 taon ang nadadala sa pagiging kagawad?

Ngayon, siguro dahil nga ang learning center ay nagpo-promote ng makamasa, makabayan at siyentipikong edukasyon, praktikal kasi ‘yong nakikita kung paano yakapin ang karapatan ng mga bata, karapatan ng mga kababaihan. Paano nagkakaisa, sama-samang pagkilos.

At handa rin ang Batibot Learning Center sa usapin ng disaster. Talagang tumutulong sa feeding, relief at nakita [ng mga tao] ang tunay na esensiya ng paglilingkod, na hindi siya laging pampolitika lang. Ganito ang tunay na paglilingkod.

Lalo na ‘yong mga magulang, lalo na noong panahon ng Ondoy, kita paano sumuporta ang community. Hindi pa ganito ang hitsura ng eskuwelahan—maliit, hindi kumpleto at na-wash out ang lahat ng gamit. Pero dahil doon sa sama-samang pagkilos ng mamamayan, kahit sa kabilang community na alliance natin, at mga magulang na nagpapaaral dito, nakita kung anong klaseng mga guro ang mayroon tayo, anong klaseng learning center ito.

Ano ba ang dapat naiaambag ng mga barangay sa pambansang pamamahala?

Kapag tapat ka sa pamamahala, dapat meron kang tinatawag na transparency. Magkano ba ang budget ng barangay at magkano ang nailalabas? Lalo na sa usapin ng kabuhayan. Isa yan sa clamor ng mamamayan, na kahit manggagawa ang mga asawa, kulang na kulang ang sinasahod.

Samantala, kung mayroon kang livelihood program, may sustainability, na may direkta sanang hanapbuhay. Kasi tayo, laging one-shot deal lang e. Kung sino ang kakilala, sila lang ang nabibigyan. Kaya kapag usapin na ng ayuda, nagkakagalit. Kasi hindi malinaw. Tapos walang datos.

Ang mahal na ng presyo ng bilihin, ang taas pa ng krudo, ang taas pa ng bigas. Kaya kapag may caucus kami, nagsasabi ang mga magulang, mga nanay, na hindi na sapat ang kinikita. Nasasakripisyo ang pagkain, kasi inuuna ang kuryente, inuuna ang tubig—yung mga hindi mo maiuutang. At isa pa, yung kanilang pag-aaral—’yong allowance, baon. ‘Yong iba, talagang humihinto na sa pag-aaral. Kaya ang gusto namin talaga isulong, kabuhayan o livelihood program para sa mga mamamayan.

Kalusugan din. Dito sa community, ‘pag may namatay talagang sunod-sunod. Tapos kapag tinanong mo, malalaman na may cancer pala, huli na nilang nalaman. Mayroon tayong health center, pero talagang kulang sa mga gamot. ‘Yong pinatingnan mo, pero walang kaakibat na gamot o first aid. Limitado.

Ito ang mga gusto naming tutukan—kabuhayan, kalusugan at katapatan sa pamamahala.