De Lima, nakalaya na matapos ang halos pitong taon


Anim taon at walong buwang nakapiit sa punong himpilan ng Philippine National Police sa Quezon City si Sen. Leila de Lima matapos arestuhin noong Pebrero 24, 2017 sa kasong isinampa sa kanya noong kasagsagan ng “war on drugs” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinayagang magpiyansa ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 si dating Sen. Leila de Lima matapos sabihin ng korte na mahina ang ebidensiya sa huling kasong isinampa laban sa kanya na may kaugnayan sa ilegal na droga. Pansamantalang nakalaya ang dating senadora mula sa detention center ng Camp Crame bandang 7 p.m. nitong Nobyembre 13.

Agad na tumungo sa isang hotel si de Lima na sinalubong ni Sen. Risa Hontiveros para sa isang press conference. Dito ipinahayag ni de Lima ang kanyang tuwa sa pagpayag ng korte sa kanyang petisyong makapagpiyansa at pasasalamat sa lahat ng sumusuporta sa kanya.

“Though it took too long, I have never lost faith that my inevitable freedom will come,” sabi ng dating senadora sa midya.

Ikinagalak ng mga progresibong grupo at tagasuporta ni de Lima ang desisyon ni Presiding Judge Gener Gito na payagang magpiyansa si de Lima at apat pang akusado sa kaso. Nagkakahalaga ng P300,000 ang piyansang ipinataw ng huwes.

Ayon sa pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), “long overdue” na ang pagpapalaya at pagbabasura sa natitirang kaso laban kay de Lima. Sinabi rin ng Bayan at Movement Against Disinformation na dapat managot ang mga responsable sa inhustisyang dinanas ni de Lima.

Pinaalala naman ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas na bagaman positibo ang desisyon ng korte, dapat hindi mawaglit ang atensiyon sa tuluyang pagpapawalang-sala kay de Lima at pagpapalaya sa lahat ng mga bilanggong politikal. Naniniwala din si Brosa na “politically motivated” ang mga gawa-gawang kasong isinampa kay de Lima.

Anim taon at walong buwang nakapiit sa punong himpilan ng Philippine National Police sa Quezon City si de Lima matapos arestuhin noong Pebrero 24, 2017 sa kasong isinampa sa kanya noong kasagsagan ng “war on drugs” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Isang human rights lawyer at dating tagapangulo ng Commission on Human Rights, pinangunahan ni de Lima bilang tagapangulo ng Committee on Justice and Human Rights ang imbestigasyon ng Senado sa mga pagpatay kaugnay ng “war on drugs” ni Duterte.

Dahil dito, inakusahan ni Duterte si de Lima na ginamit niya ang kanyang posisyon bilang Secretary of Justice noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III upang protektahan ang kalakalan ng ilegal na droga na pinatatakbo ng mga drug lord na nakapiit sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Napawalang-sala na si de Lima sa dalawang kasong isinampa laban sa kanya. Naging sunod-sunod din ang pagbawi ng mga salaysay na nagdiin sa kanya sa kalakalan ng ilegal na droga.

Inaasahan naman ng mga abogado ni de Lima na mapapabilis ang pagbasura sa natitirang kaso ng dating senadora.