Panukalang ‘Right to Care’ card, isinulong sa Kamara
Naghain ng panukalang batas sa “Right to Care” card system si Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima para mapayagan ang mga pasyenteng magtalaga kung sino ang maaaring gumawa ng desisyong medikal para sa kanila.
Naghain ng panukalang batas sa “Right to Care” card system si Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima para mapayagan ang mga pasyenteng magtalaga kung sino ang maaaring gumawa ng desisyong medikal para sa kanila.
Ayon kay de Lima, ang House Bill (HB) 7968 ay makatutulong sa pagtugon sa diskriminasyong kinahaharap sa healthcare settings ng mga solo parent, mga indibidwal na nasa non-marital relationship, at pati na rin mga miyembro ng LGBTQ+ community.
“Huwag na nating dagdagan pa ang mga alalahanin at pasanin ng mga pasyente sa pagkakait ng karapatang ito na piliin ang makakatuwang nila sa pagpapasya para sa kanilang kalusugan o kalagayang medikal,” sabi ng mambabatas.
Isasama sa PhilHealth ang mapipili na katuwang o proxy at itatala sa isang sentralisadong Right to Care registry system ng Department of Health.
Kasama rin sa panukalang batas ang immunity provision kung saan protektado ang mga healthcare practitioner mula sa pananagutan sa oras na kilalanin ang mga proxy at ang mga desisyon ng mga itatalagang healthcare agent.
Naghain din ng mga katulad na hakbang sa kasalukuyang Kongreso sina Sen. Risa Hontiveros at sina Akbayan Rep. Percival Cendaña, Rep. Chel Diokno at Rep. Dadah Kiram Ismula, gayundin sila Dinagat Islands Rep. Arlene Bag-ao at Negros Occidental Rep. Javier Miguel Benitez.
Noong Hunyo 2023, ang Right to Care card ay unang inilunsad sa Quezon City upang bigyan ng kapanghayiran ang mga residenteng queer couple o LGBTQ+ na gumawa ng mga medikal na desisyon para sa kanilang partner sa pamamagitan ng special power of attorney.
Ayon sa pamahalaang lokal ng Quezon City, 468 na queer couple ang nag-apply para sa nasabing card noong 2025.
Samantala, ipinasa rin ng San Juan City ang sariling Right to Care ordinance noong Hunyo 2025.