Espesyal na Ulat

Isang dekada mula Yolanda, hindi pa rin natuto


Sampung taon matapos humagupit ang bagyong Yolanda sa Silangang Kabisayaan, kita pa rin ang pinsala na iniwan ng sakuna. Mas lalo pang pinatindi ng mga proyektong hindi nakatuon sa kapakanan ng mga komunidad, kabuhayan at kalikasan.

Nagtataka si Mayteh Martinez. Pinalayas ang kanyang pamilya mula sa coastal area ng Tacloban City noong 2015 para sa itatayong seawall o tide embankment ng gobyerno. Pero hanggang ngayon, 10 taon mula nung bagyong Yolanda, halos kalahati pa lang ng proyekto ang natatapos.

Sa isip-isip ni Martinez, hindi ba’t kung proteksyon nga ang nasabing seawall, bakit pa nila kailangang magpalikas? “Sayang naman ang budget, pati budget ko nasasayang!” hirit niya.

Ngayon, nakatira siya sa Sta. Elena, resettlement area ng gobyerno. Mag-iisang dekada nang walang dumadaloy na tubig sa bahay. Ang kanyang mga pader, gawa lang sa fiber cement board. Napakalayo pa sa kanyang trabaho bilang cashier sa downtown Tacloban City.

“Wala na akong take-home sa suweldo ko,” paliwanag niyang sabay iyak-tawa. Ang balikang pamasahe niya aabot sa P130 kada araw, mahigit sangkatlo ng P350 niyang arawang sahod, wala pa ang ibang gastusin. 

Mamahalin at ‘di tapos na seawall, may silbi ba?

Taong 2016, bahagi ng Build Build Build ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinimulan ang Storm Surge Protection Project (SSPP) sa halagang P16.9 bilyon. Idinisenyo ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang 44.8 kilometrong tide embankment para harangan ang mga malalakas na alon at storm surge.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), nasa 58% pa lang ng SSPP ang natatapos bunsod ng maraming “request of additional features” at iba pang pangangailangan ng burukrasya.

May “50-year return period” raw ayon sa JICA, pero kita naman ng mga residente ang maraming bakbak sa pader.

Depensa ng DPWH, walang naitalang casualty sa Leyte nang humarabas ang bagyong Odette noong 2021. Pero kung titingnan sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, hindi naman talaga tumama ang Odette sa Leyte, kundi sa Southern Leyte.

Libo-libong pamilya ang pinalayas para sa Storm Surge Protection Project. Pero sampung taon na ang lumipas, halos kalahati pa lamang ang natatapos. Dagdag pa ng mga NGO kagaya ng Leyte Center for Development, magastos ang maintenance ng ganitong seawall. Larawan ni Michael Beltran.

Nakapanayam naman ng Pinoy Weekly si Professor William Holden, environmental geographer mula sa University of Calgary sa Canada. Sa pag-aaral niya sa Leyte, hindi na raw angkop ang mga proyektong pang-imprastruktura at uubusin lamang nito ang pondo ng taumbayan.

“Sa bawat isang degree na pagtaas ng temperatura [ng daigdig], nadadagdagan rin ng 7% moisture ang hangin. Dahil diyan, bibigat ang rainfall. Epekto iyan ng climate change. Ang problema sa mga proyekto sa Tacloban, dahil papalakas ang mga sakuna at lalong mahirap silang bantayan, imposibleng matantiya ng mga engineer kung gaano kalaki o kahaba dapat ang pader na itatayo. Nakikipagpataasan lang tayo sa bagyo,” paliwanag niya.

Pinuna rin ni Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) national coordinator Jon Bonifacio ang proyekto. Binubuhasan na nga ng pondo at ‘di pa matapos-tapos, maaari pa itong makadagdag sa problema ng tao. Lumilikha rin ang SSPP ng coastal heating na perwisyo sa ating klima at kalikasan.

“Tinutuloy ng administrasyong Marcos [Jr. ang] dati nang tulak para sa imprastruktura. Pero taliwas ito sa pagtugon sa climate change. Kapag nagtayo ka ng tide embankment para protektahan ang isang erya, nalilipat naman ang baha pero ‘di siya nawawala,” paliwanag ni Bonifacio.

Dagdag ni Bonifacio, pinapakita ng gobyerno ang “pagkahumaling” nito sa mga mamahaling proyekto para maipakitang may nagagawa. Tinutulak pa rin sa kabila na lahat ng siyentipikong pag-aaral na tumututol dito. Posible ring batbat ng korupsiyon ang proyekto dahil sa laki ng perang inilalabas. 

Mangrove kasi dapat

Panawagan ni Minet Aguisanda-Jerusalem ng Leyte Center for Development, dapat pagtatanim ng mangrove na lang ang bigyang pansin ng gobyerno.

“Hindi katumbas ng pangangalaga sa ating kalikasan ang prayoridad ng gobyerno sa mga engineering solutions. Proven na mas mura at mas epektibo,” aniya

“Pangitlugan [ng mga lamang dagat] ang mga mangrove area. Nagdudulot rin [ito] ng siltation na siyang nagpapataas ng lupa sa ilalim ng dagat. Napipigilan [nito] ang pagtaas ng tubig dagat, at sa gayon, iyong panganib sa tao,” ani Holden. 

Matapos ang Yolanda, nag-inisyatiba ang mga mangingisda sa San Jose area ng Tacloban City na palawakin at paramihin ang mga mangrove sa kanilang lugar sa paligid ng Cancabato Bay, tinaguriang protected area dahil sa biodiversity.

Sa paggunita sa isang dekada ng Typhoon Yolanda (Haiyan), nagtipon ang mga survivor sa Tacloban City upang manawagan ng hustisya mula sa nagpapatuloy na kapalpakan at kawalang tugon ng gobyerno sa hinaing ng mamamayan ng Silangang Kabisayaan. Larawan ni Michael Beltran.

Sabi ng mga lokal ng San Jose, “kapag may hinuling isda saan man sa Leyte Gulf, malamang pinanganak iyan sa lugar namin.”

Ang kaso, idedemolis ng lokal na pamahalaan kapwa ang komunidad at mga mangrove sa nasabing lugar para sa proyektong Tacloban Causeway. Nagsimula na ang konstruksiyon sa maagang bahagi ng taong ito. 

“Ni isang sentimo walang inambag ang gobyerno para sa pagtatanim ng mga mangrove,” wika ni Roque Regis, mangingisda sa San Jose. “Pero ngayon, si Mayor Alfred Romualdez, pinsang buo ni Presidente Marcos [Jr.] ang nangunguna sa causeway.”

“Wala raw isda sa lugar namin, e bakit napakarami naming nahuhuli dito?” dagdag ni Regis.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang konstruksiyon para sa causeway. Giit naman ng Kalikasan PNE, hindi natuto ang gobyerno sa mga aral ng Yolanda at itinutuloy lang ang mga dating gawi na lalong magdadala ng kapahamakan sa mamamayan.

“Taon-taon, nakikita natin ang mga papalakas na bagyo at [tagtuyot] sa bansa. Sige pa rin ang gobyerno sa mga mapangwasak na proyekto kung saan mismo nakita natin ang mga matitinding sakuna. Lalong pinapalala ito ng mga atrasadong polisiya ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon,” ani Bonifacio.